Subsidyo sa magbababoy at konsyumer

,

Nananawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) noong Pebrero 1 na ibaba ang presyo ng karneng baboy sa antas nito noong 2019 bago manalasa ang African Swine Fever (ASF). Ito ay matapos na pumalo sa ₱400 ang presyo ng liempo at ₱370 naman sa kasim. Anito, magagawang ibaba ang presyo kung bibigyan ng tulong sa produksyon at ayuda ang mga magbababoy.

Sa partikular, nanawagan ang KMP na maglaan ng ₱15,000 subsidyo para sa mga magbababoy at nag-aalaga ng mga manok, at ₱10,000 naman na ayuda para sa mga konsyumer. Iginiit nito na ayuda, at hindi pautang ang magsasalba sa mamamayan mula sa pagsirit ng presyo ng baboy.

Iginiit din nito na kailangan ng mabisang interbensyon ng estado sa pagbili at pagbebenta ng karne para mabuwag ang monopolyong pagpepresyo at pagsasamantala ng mga malalaking trader at kartel. Nanindigan ito na hindi importasyon ang solusyon sa mataas ng presyo ng karneng baboy, manok at iba pa na itinutulak ngayon ng rehimen.

Pinirmahan sa parehong araw ni Rodrigo Duterte ang isang kautusan na magpapataw ng “price ceiling” o maksimum na ₱270/kilo sa presyo ng pigue ng baboy at ₱300 sa liempo at ₱160 sa manok. Ipatupupad ito simula Pebrero 8.

Subsidyo sa magbababoy at konsyumer