Diklap | Editoryal: Suarez vs. Tan
Ang maagang paglulustay ng salapi ng magkabilang kampo mula pa noong 2019 para langisan ang kani-kanilang makinaryang elektoral ay patunay na hindi sesentro sa interes at kagyat na karaingan ng mamamayang Quezonin ang kampanyahan sa susunod na taon. Sa halip, maaasahang sasandig sa subok at napatunayang pamamaraan ng mga trapo ang halalan sa 2022 – guns, goons and gold.
Parehong armado at mapanganib ang nagriribalang paksyong pampulitika sa lalawigan. Parehong nagtitipon ng sarisariling maton na protektado ng pulisya at militar para gumamit ng puwersa at karahasan. Parehong may pinapalang nakatimbon na salapi para ipambili ng boto.
Kopo ng pamilya Suarez ang mahahalagang pusisyon sa lalawigan, kabilang na ang nailusot na pekeng Alona Partylist. Sa magkakasunod na termino ng mag-amang Danny at Jayjay Suarez, naging pabaya sila sa kapakanan ng mamamayan sa probinsya. Hindi natugunan ang malaon na kahilingan ng magsasaka sa niyugan para sa ayudang salapi at pagkain bilang pag-agdong buhay sa nagdaang mga kalamidad at krisis.
Taong 2014 pa, pagkatapos ng bagyong Glenda, hinding-hindi na naibangon ng mga Suarez ang probinsya. Kahit sa katindihan ng mababang presyo ng kopra noong 2018 na nagpagbagsak sa kabuhayan ng magniniyog na lalong pinadapa ng tagtuyot ng sumunod na taon, nanatiling imprenta sa damit at bag ang islogang Serbisyong Suarez.
Sa halip, barya-baryang tulong sa piniling kapanalig ang inihatid ng mga Suarez, kasabay ng kakarampot na bigas kapag dinadaanan ng bagyo ang probinsya. Hindi siniseryoso ni Suarez ang pakikipagdayalog sa samahang magbubukid, sa halip itinuturing silang kalaban dahil ibinilang ang mga progresibong samahan na ito sa listahan ng terorista ng NTF-ELCAC.
Sa panahon ng rehimeng Duterte, inilantad ng mga Suarez ang pagiging masugid na anti-komunista at anti-mamamayang mukha nila. Suportado at nangunguna si Danny Suarez sa Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Sumasalig siya sa operasyong kombat ng AFP para sa pagkakamit ng kapayapaan. Ito ang tinalakay niya sa kanyang kolum sa Manila Standard na may pamagat na The Road To Peace noong 2019. Promotor siya ng mga pekeng pagpapasuko sa lalawigan.
Kinikilala din niya ang tinatawag na localized peace talks ng AFP at PNP, gayong dapat ay may sapat siyang kaalaman na hindi ito maaring umiiral batay sa prinsipyo at kaayusan ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Ang kamangmangan o pagmamaang-maangan ni Danny Suarez sa proseso ng peace talks ay lalong tumingkad nang pirmahan niya ang deklarasyong persona non grata ang CPP-NPA sa lalawigan noong September 2019.
Alam dapat ng gubernador na hindi saklaw ng anumang batas ng reaksyunaryong gubyerno ang CPP-NPA, kung gayon ay walang anumang kabuluhang ligal ang deklarasyong ito, pangmasahe lamang ito sa machong utak ni Duterte at utak-pulburang mga Heneral ng NTF-ELCAC.
Noon pang 2016, nakiloko na ang mga Suarez sa regional peace and development council nang ideklara nilang conflict manageable and ready for development na ang lalawigan. Ipinarada nila ang mga surenderee daw na NPA na ang totoo naman ay mga sibilyang magsasaka na inengganyo nila sa pabuya na hindi rin natanggap o kung nakatanggap man ay hindi na kumpleto dahil sa anomalya.
Sa kabilang banda, ang humahamon sa kapangyarihan ng mga Suarez na blokeng Tan ay mga dati ring nasa bakuran ng una, pero nitong bandang huli ay nagsimulang magtayo ng sarili nilang pampulitikang impluwensya at kapangyarihan. Kilalang malaking negosyante at kontraktor ang mga Tan na may pag-aari ng ospital at construction company na nasa iba’t ibang pangalan na direktang nakikinabang sa pondo at proyekto ng Department of Public Works and Highway.
Regional director ng DPWH Region I ang asawang inhinyero ni Congresswoman Helen Tan. Kamakailan ay nasangkot ang Kongresista sa akusasyong korupsyon dahil sa hindi natuloy na proyektong pangkalsada sa kahabaan ng Maharlika Highway kaya pinaiimbestigahan ni Digong Duterte.
Ang mga pagtangkilik ni Helen Tan sa karapatan ng kababaihan at usaping pangkalusugan ay may kapakinabangan sa kanilang negosyong pangkalusugan at medikal, ito rin ang battle cry ng mga Tan para akitin ang mamamayang Quezonin na suportahan sila sa paparating na halalan.
Sa kongreso, nag-sponsor siya ng panukalang batas ng pagbubuo ng isang trust fund na mangangasiwa sa bilyong pondo ng coco levy funds, kaya nga lamang, hindi ito katulad at hindi ito tumutugon sa ipinapanawagan ng maralitang magniniyog na tuwirang paghawak sa pondo at pamamahagi nito sa 3.5 milyong pamilyang magsasaka sa niyugan ng buong bansa.
Planong ipasa ni Helen Tan ang pagiging kongresista sa ikaapat na Distrito sa panganay niyang anak na lalake. Todo-todo ang panliligaw ng mga Tan sa mga pulitikong hindi na bastante sa nakukuhang pakinabang at impluwensya mula sa mga Suarez. Matunog ang usap-usapan na nagpapaagos ng maraming pera ang mga Tan para kabigin at/o paatrasin ang mga maka-Suarez.
Sa ganito, anuman ang kahihinatnan ng darating na eleksyong 2022 walang maaasahang pundamental na pagbabago sa hirap, api at busabos na kalagayan ng lalawigan, bansa at sambayanang Pilipino.
Rebolusyon pa rin, at hindi eleksyon ang solusyon sa kasalukuyang krisis na kinakaharap ng bansa. Kailangang patuloy na magpunyagi ang sambayanang Pilipino upang palakasin ang Partido Komunista ng Pilipinas, New Peoples Army at mga rebolusyonaryong organisasyon ng mamamayan at dalhin ang rebolusyonaryong pakikibaka sa bago at mas mataas na antas hanggang maibagsak ang kasalukuyang mapang-api at mapagsamantalang estado ng imperyalismong US, malalaking pangunahing maylupa’t burgesya kumprador at mga burukratang kapitalista.
Krusyal ang mga paparating na araw at buwan bago ang Eleksyong 2022. Kasabay ng paghahanda ng Suarez at Tan, dapat ring maghanda at magpalakas ang mamamayan sa pakikibakang bayan hanggang pakikibakang elektoral.
Kagyat na tungkulin ang paglaban at pagbigo sa JCP-Kapanatagan at pagpapabagsak sa rehimeng Duterte. Nararapat na tipunin ang buong lakas at pagkakaisa ng sambayanan para gampanan ang tungkuling ito. Nararapat na biguin ang maitim na hangarin ng paksyong Duterte at kanyang kampon na patuloy na makapaghari lampas 2022. Nararapat na biguin ang kasuka-sukang plano nitong iluklok ang kanyang anak na si Sara o sinuman sa kanyang pinili sa pagkapresidente.
Nararapat na tiyakin ng mamamayan sa lalawigan ng Quezon na maibagsak sa kapangyarihan at mapapanagot ang mga sagadsaring reaksyunaryong pulitiko na kasapakat ng rehimeng Duterte sa pandarahas at pagpapahirap sa mga Quezonin. Upang magawa ito, kinakailangang buuin ang malawak na nagkakaisang hanay ng mamamayan sa lalawigan na lumalaban sa rehimeng Duterte, kabilang ang lahat ng mga pulitikong nagmamahal sa kapakanan ng mga Quezonin at sambayanang Pilipino.
Sa ganito, ang mamamayan ay patuloy na makalalahok sa usaping panlipunan para higit na mapalakas ang paggugubyernong nakabatay sa suporta at interes nila. Dapat na maging mapaggiit sila sa pagsusulong ng kanilang mga kahilingan at matapang na tumutol sa patakaran at programang hindi para sa kanila.
Sa kabilang banda, malalim na ang ugat at marami nang binhi ng demokratikong gubyernong bayan sa mga baryo at bayan ng kanayunan ng Quezon na may tiyak na mandato na nagmula mismo sa nasasakupan nitong mamamayan. Ang pag-iral ng sariling gubyerno at armadong pwersa na nagtatanggol sa kanyang teritoryong nasasakupan, nagpapatupad ng sariling batas, kaayusang publiko at pagbubuwis, at nagtataguyod ng sistema ng hustisya na patas at kumikilala sa pantay na karapatan ng lahat – ang tunay na alternatibong landas para sa mamamayan ng Quezon.
Malinaw na nilalaman ng Programa Para sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan ang higit na superyor na mga plano at programa para sa pagpapaunlad ng lipunang Pilipino sa mga larangan ng pulitika, ekonomya, kultura at usaping panlabas.#