Diklap | Paglabag sa karapatang tao ang ganti ng AFP sa kanilang pagkatalo

,

Noong huling kwarter ng 2020, pagkatapos ng sunud-sunod na labanan sa pagitan ng NPA at AFP sa kasagsagan ng pananalasa ng mga bagyo, malinaw na paghihiganti sa kanilang kabiguan ang tuluy-tuloy na atake ng pasistang sundalo sa mga sibilyan.

Buo-buong barangay ng Lavidez sa General Luna at barangay P.Herrera, Lahing, Malabahay, San Vicente at San Nicolas sa Macalelon ang sapilitang pinalikas ang residente upang takutin sila na sosonahin para bombahin ang mga nasabing barangay.

Resulta nito, hindi nakapunta sa kanilang sakahan ang mga tao, nagpatupad ang AFP-PNP katulong ang LGU ng mahigpit na checkpoint, paghaha-hamlet, blokeyo sa pagkain at iba pang mapanggipit na hakbang sa mga bayan ng Macalelon, General Luna, Lopez at Catanauan.

Maging ang relief and rehabilitation operation ng mga humanitarian groups na nagmula sa simbahan at pribadong institusyon ay hindi pinahintulutan ng lokal na pamahalaan kasabwat ang mga sundalo at pulis dahil lamang sa paghihinalang may kaugnayan ito sa mga progresibong samahan.

Noong Nobyembre 14, naging biktima ng pagpaslang si Mando Buisan na dating kagawad ng Barangay Magsaysay, General Luna. Si Buisan ay sapilitang pinasuko ng 85IB matapos maaresto sa kanyang bahay si Alex Pacalda.

Katawa-tawang pinapakalat ng AFP na sa labanan ng sundalo at NPA namatay si Buisan, gayong may malinaw silang babala sa asawa ng biktima na “Aminin mo nang NPA ang pumatay sa asawa mo. Wala yang pakinabang sa amin. Kung tinanggap niya ang pera na ibinibigay namin hindi iyan mangyayari sa kanya.”

Bukod rito, ilang residente ang iligal na inaresto ng sundalo, tinakot, sinaktan at sapilitang pinapaamin na may kaugnayan sila sa CPP-NPA. Kabilang sa kanila ang isang myembro ng kooperatiba sa Barangay Recto ng General Luna, Ruel Paminial ng Barangay San Nicolas at si Dante Lorella ng Barangay P. Herrera ng Macalelon.

Noong umaga ng Nobyembre 15, sa Barangay Olongtao Ilaya, Macalelon, walang-habas na pinagbabaril ng mga sundalo ang dalawang pinaghinalaan nilang NPA na muntik-muntikan nang ikadamay ng mga residenteng sibilyan at kanilang kabahayan.

Maraming residente ang piniling magdiwang ng Pasko at Bagong Taon sa ibang lugar o kaya ay palipasin na lamang ito nang walang selebrasyon dahil hindi umaalis ang sundalo sa kanilang lugar at doon nag-iinuman.#

Diklap | Paglabag sa karapatang tao ang ganti ng AFP sa kanilang pagkatalo