Lumulubhang pandaigdigang krisis ng sapilitang paglikas

,

Milyun-milyong mamamayang napilitang lumikas para takasan ang mga digmaan, panunupil, pang-uusig at kaguluhan sa kani-kanilang bansa ang kumakaharap ngayon sa isang malubhang krisis sa iba’t ibang panig ng mundo. Dumaranas sila ng hindi makataong kundisyon, kawalang-katiyakan, tumitinding karahasan at mga paglabag sa karapatang-tao. Karamihan sa kanila ay napilitang pansamantalang manatili sa mga kampo habang naghihintay ng pagkakataong makapunta sa ibang bansa o permanenteng makalipat ng paninirahan. Malaking bilang din ng mga nagtatangkang tumawid sa ibang bansa para maghanap ng ligtas na matutuluyan ang tinataboy labag sa internasyunal na makataong batas.

Tinatayang 82.4 milyon ngayon ang bilang ng mga napilitang lumikas sa buong mundo, doble kaysa dami sa nakalipas na dekada. Nangangahulugan ito na isa kada 95 indibidwal sa buong mundo ay bakwit na iniwan ang lahat ng kanilang mga ari-arian at kabuhayan. Nasa 42% (35 milyon) sa kanila ay mga bata. Kabilang dito ang 48 milyong internally displaced person (IDP o mga taong nagbakwit mula sa kanilang mga tirahan ngunit nananatili sa kanilang mga bansa) at 26.6 milyong refugee o mga taong nagsangtwaryo sa ibang bansa. Sa kasalukuyan, 1.4 milyong bakwit pa ang naghahanap ng ligtas na mapaglilipatan.

Kinakanlong ng Turkey ang pinakamaraming refugee (3.7 milyong Syrian). Nasa 22% naman o 6.6 milyong bakwit ang nagsisiksikan ngayon sa mga refugee camp ng United Nations, na karaniwang may atrasadong sistema ng kalusugan, patubig at sanitasyon. Ang pinakamalalaking refugee camp ay matatagpuan sa mga pinakamahihirap na bansa gaya ng Kenya, Jordan, Bangladesh at Sudan. Hindi saklaw ng ayuda mula sa UN ang malaking bilang ng mga refugee na hindi nakatira sa mga refugee camp.

Taliwas sa internasyunal na batas, maraming mga bansa ang nagsasara ng kanilang mga hangganan para itaboy ang mga refugee na tumatawid lulan ang mahihinang sasakyang pandagat. Pinakamatindi rito ang pagsasara ng mga hangganan sa Mediterranean Sea ng mga bansa sa Europe. Ang pagtataboy ay nagresulta sa pagkalunod at pagkamatay ng 1,645 bakwit ngayong taon, karamihan mula sa Sudan, Egypt, Eritrea, Libya, Syria, Iraq, Palestine at iba pa. Mula 2014, umabot na sa 22,930 ang namatay o di kaya’y nawawala pang mga bakwit sa naturang dagat, habang 166 naman ang nalunod sa English Channel ng mga nagtangkang pumasok sa United Kingdom.

Noong Agosto 2021, naiulat na nagsara ng mga hangganan ang kanugnog na mga bansa ng Afghanistan. Nahaharap ngayon sa panganib ang puu-puong libong mga bakwit mula sa Syria dulot ng pagsasara ng Iraq sa hangganan nito noong nakaraang buwan, at mga bakwit mula Africa at Middle East na dumaan sa Belarus dulot ng pagsasara ng Poland sa hangganan nito noong Nobyembre 2021.

Sa kabila ng pandemyang Covid-19, nagpatuloy ang padron ng maramihang pagbabakwit na pangunahing idinulot ng pagpapatuloy ng mga armadong labanan at kaguluhan. Noong 2020, umabot sa 11.2 milyon ang nagbakwit, bahagya lamang na mas mataas sa 11 milyong nagbakwit noong 2019.

Marami sa mga nagtatangkang pumasok sa hangganan ng ibang mga bansa para magsangtwaryo ang itinataboy o idinedetine na animo’y mga kriminal. Pinapaypayan ng mga ultra-Kanang reaksyunaryo ang kulturang kontra-refugee para bigyang-matwid ang patakarang mapanggipit at mapaniil laban sa mga refugee. Karaniwang idinadahilan ng mga bansa na tumatangging papasukin ang mga refugee ang pagkasagad umano ng kapasidad ng mga ito.

Paglikas dulot ng imperyalistang mga atake

Halos 60% (15.7 milyon) ng mga refugee ay nagmula lamang sa apat na bansa na pawang dumaranas ng digma at kaguluhang bunsod ng pang-uudyok at panghihimasok ng US. Pinakamarami ang refugee na lumikas sa Syria, South Sudan, Afghanistan at Venezuela.

Ang Syria ang nakararanas ng pinakamatinding krisis ng sapilitang paglikas sa kasalukuyan. Aabot sa 11.1 milyong bakwit (6.8 milyong refugee, at 6.7 milyong IDP) na napilitang lumikas dito dulot ng nagpapatuloy na digmaang sibil sa bansa na sumiklab noong 2011 bunsod ng panunulsol ng US ng “gera kontra-terorismo.” Nagpadala dito ang US ng mga tagapayong militar, nagbuhos ng pondo at inarmasan ang mga armadong grupo para patalsikin ang gubyerno ni Bashar al-Assad. Natutulak sila na magbakwit dahil sa mararahas na armadong labanan at walang patumanggang pambobomba ng US na tumatarget sa mga sibilyan.

Kumakaharap ang Afghanistan sa pinakamahaba at nagpapatuloy na krisis ng sapilitang pagpapalayas sa buong mundo dulot ng ng imperyalistang mga panghihimasok sa bansa sa nakalipas na apat na dekada. Mayroon itong 6 milyong bakwit sa kasalukuyan, 2.6 milyon sa kanila ang mga refugee at 3.5 milyon ang IDP. Resulta ang pagbabakwit ng dalawang dekadang okupasyon at pandidigma ng US sa bansa sa ngalan ng “gera kontra-terorismo.” Bagamat natapos na ang direktang pag-okupa nito sa bansa noong Agosto 2021 nang mabawi ng Taliban ang estado-poder, hindi pa rin nakababalik ang mga refugee at IDP sa kanilang mga komunidad, at nagpapatuloy ang paglikas ng mga residente.

Mayroon namang 4.1 milyong refugee mula sa Venezuela, bukod sa hindi mabilang na hindi dokumentadong bakwit na tumatakas sa krisis bunsod ng ipinataw ng US na blokeyo o pang-iipit sa ekonomya. Bunga nito, matindi ang kakulangan sa suplay ng pagkain, mga gamot at iba pang batayang serbisyo na nagresulta sa ilang taon nang labis-labis na pagtaas ng presyo. Sa unang siyam na buwan lamang ng 2021, 47,762 bakwit na Venezuelan ang inaresto at idinetine ng US dahil sa pagtatangkang pagpasok sa mga hangganan nito ng walang kauukulang mga dokumento.

Sa South Sudan, 2.3 milyong refugee at 1.87 milyong IDP ang nagbakwit mula nang sumiklab ang digmaang sibil na inudyukan ng US na nagresulta sa pagkakatatag ng bansa noong 2011. Noong 2003 pa binuo at inarmasan ng US ang grupo ng mga rebelde sa Sudan sa layong hatiin ang bansa sa pamamagitan ng armadong rebelyon at panatilihin ito sa hegemonya ng US. Sa kalaunan, nahati sa 30 nagtutunggaliang mga grupo ang mga rebelde at sumiklab ang madugo at nagpapatuloy na armadong tensyon sa loob ng bansa.

Lumulubhang pandaigdigang krisis ng sapilitang paglikas