Labanan ang brutal na paninibasib sa mga sibilyan sa gera laban sa bayan
Papalupit nang papalupit ang sistematikong paninibasib ng pasistang reaksyunaryong estado laban sa mga sibilyan sa isinasagawa nitong gera laban sa bayan. Ipinakikita nito kapwa ang pagkabuhong at pagka-uhaw sa dugo ni Rodrigo Duterte at ang desperasyon ng buong naghaharing uri na supilin ang mamamayang Pilipino at hadlangan ang pagsulong ng kanilang pambansa at demokratikong mga pakikibaka. Asahan nang lalo pang sisidhi ang mga atakeng ito laban sa mga sibilyan sa harap ng desperasyon ng rehimeng US-Duterte na may maipakitang “tagumpay” sa deklarasyon nitong “dudurugin” ang Bagong Hukbong Bayan bago magtapos ang termino nito sa Mayo 2022.
Labag sa mga prinsipyo at patakaran ng internasyunal na makataong batas (international humanitarian law o IHL) ang mga aksyon ng mga armado at mapaniil na instrumento ng reaksyunaryong estado na nagsasapeligro at tuwirang umaasinta sa mga sibilyan. Ang mga batas at prinsipyong ito’y dapat pinaiiral o ginagamit sa layuning pangalagaan ang buhay at kapakanan ng mga sibilyan sa gitna ng mga digmaan, katulad ng digmang sibil ngayon sa Pilipinas sa pagitan ng naghaharing estado at ng armadong rebolusyonaryong kilusan. Saklaw din ng makataong batas ang kapakanan ng mga kombatant na nadakip o wala nang kakayahan o sa katayuang lumaban.
Ang pag-asinta o pagbaling ng armadong panunupil sa mga sibilyan ay brutal na estratehiya sa kontra-insurhensya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), alinsunod sa doktrinang itinuturo ng militar ng US. Ito ang itinataguyod ng National Task Force (NTF)-Elcac, ang huntang sibilyan-militar ni Duterte na siyang tunay na namumuno sa bansa. Hibang sila sa palyadong pasistang paniniwala na dapat “limasin ang tubig” na nilalanguyan ng mga armadong rebolusyonaryong pwersa, upang bigyang-matwid ang walang-habas na armadong pagsupil sa mga magsasaka, manggagawa, mga petiburges at iba pang progresibong uri at sektor. Bulag sila sa katotohanan na hindi natutuyo ang bukal ng suporta ng masa para sa kanilang hukbong bayan, at habang papatindi ang teroristang bagyong hatid ng pasismo ng AFP at PNP, ay lalong bumabaha ang suporta at tumataas ang taib ng paglaban ng mamamayan.
Pinakamalupit ang paninibasib ng AFP at PNP sa mga sibilyan sa kanayunan sa pagsusulong nila ng gerang kontra-magsasaka. Layunin ng mga pasistang ahente ng estado na lupigin sa sindak ang masang magsasaka, paluhurin sila sa kapangyarihan ng militar, buwagin ang kanilang mga samahan, at pwersahin silang isuko ang kanilang pakikibaka para sa lupa. Ang gerang kontra-magsasaka ng AFP at PNP ay gera para bigyang-daan ang mapandambong at mapangwasak na malalaking kumpanya sa pagmimina, ang pagtatayo at pagpapalawak ng mga plantasyon at mga proyektong ekoturismo, enerhiya, at imprastruktura ng malalaking negosyante.
Walang habas ang mga pag-atake laluna sa mga liblib na lugar na malayo sa mata ng midya, mabagal ang daloy ng komunikasyon at kinukontrol ng militar ang impormasyon. Sa maraming lugar sa kanayunan, walang batas kundi batas militar. Hindi nirerespeto ng militar at pulis ang mga prosesong ligal o sistema ng hustisya kahit ng reaksyunaryong Konstitusyong 1987, laluna ang mga nakasaad sa internasyunal na makataong batas at mga deklarasyon sa karapatang-tao.
Taliwas sa prinsipyo ng pagtatangi o pag-iiba sa mga sibilyan at sa mga armadong kombatant, pinupuntirya ng AFP at PNP ang mga sibilyan sa kanilang mga operasyong armado at saywar. Ginagamit ng militar at pulis ang brutal at iligal na mga sandata laban sa mga sibilyan sa kanayunan sa gera kontra sa mga magsasaka.
Ginagamit nito ang red-tagging o arbitraryong pag-aakusa sa buu-buong mga komunidad para bigyang-matwid ang panggigipit at paninindak sa mga sibilyan. Taliwas sa makataong batas, sinasakop at ipinaiilalim ang mga komunidad sa kontrol ng militar sa tabing ng “community support” at “barangay development.” Labag sa makataong batas at karapatang-tao, nagpapataw ang AFP at PNP ng mga blokeyo sa pagkain at komersyo. Iligal na nagtatayo ng mga tsekpoynt at kinukural ang mga komunidad upang kontrolin ang labas-masok ng mga tao at irekisa ang bawat isang dumadaan. Labis na pahirap at perwisyo ang hatid ng AFP at PNP laluna sa minsa’y ilang linggo o buwan na pagbabawal sa mga magsasaka na pumunta sa kanilang bukid o mga kaingin.
Sinisira ng presensya ng mga armadong sundalo ang katiwasayan sa pamayanan, laluna kapag nangunguna sa paglalasing, pagsusugal, pagsasabong at pagpapalaganap ng droga at pornograpiya. Kaliwa’t kanan ang mga kaso ng walang habas na pagpapaputok ng baril sa kalagitnaan ng gabi upang sindakin ang mga tao at ideklara ang kanilang paghahari-harian sa komunidad. Paninindak din ang pakay ng pag-iikot sa disoras ng gabi at pagpasok sa mga bahay at interogasyon sa mga sibilyan at pagtulak sa kanila na tumiwalag sa kanilang mga organisasyon.
Kahit walang abugado o representasyong ligal, pinupwersa ang mga sibilyan na “umamin” sa paratang ng militar at pulis. Ilang libo na ang biktima ng ganitong teroristang kampanya ng paninindak sa masa na “sumurender.” Marami rin ang nilansi na lumahok sa mga rali o asembliya ng militar sa tabing ng pamimigay ng ayuda o relief. Pinupwersa ng AFP at PNP ang mga tao na sumapi sa itinatayo na mga pekeng organisasyon.
Tahasang paglabag sa internasyunal na makataong batas ang walang-habas na pambobomba at pangraratrat mula sa ere at panganganyon sa mga komunidad. Malinaw na tinatarget nito ang mga bukid at mga baryo sa layuning balutin sa lagim ang mga tao at lumpuhin sila sa takot. Niririndi rin ang mga sibilyan ng kadalasa’y ilang oras na pagpailanlan ng mga drone sa kanilang mga komunidad. Taliwas din sa makataong batas ang pagpwesto ng mga kanyon sa gitna o panabihan ng mga baryo. Sa nagdaang mga taon, ilampung libo nang magsasaka ang napwersang magbakwit dahil sa takot sa harap ng walang habas na pambobomba. Hindi iilambeses na pwersahan ding pinalikas ang mga tao at ideklarang “no man’s land” ang kanilang mga komunidad na sinumang maiwan ay target ng pagpatay ng militar.
Dapat puspusan at ubos-kayang labanan ang pasistang paninibasib sa mga sibilyan. Kailangang pagkaisahin ang bayan para isigaw ang pagpapatigil sa “total war” ng AFP at PNP. Dapat palakasin ng masa sa kanayunan ang pagtatanggol sa kanilang mga karapatan bilang mga sibilyan na tinitiyak sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at iba pang mga batas.
Walang sawang ilantad at kundenahin ang lahat ng pag-atake ng mga armadong tauhan ng reaksyunaryong estado laban sa mga sibilyan. Sa ngayon, higit na mas maraming kaso ang hindi naiuulat. Gamitin ang lahat ng paraan na maiparating sa madla ang bawat isang kaso ng paglabag. Pakilusin ang masa na ibunyag sa masmidya at social media ang lahat ng operasyong militar at saywar ng AFP at PNP na naghahatid ng sindak, karahasan at perwisyo sa masa. Gawin ang lahat ng paraan na iparating sa internasyunal na komunidad ang mga pag-atake sa mga sibilyan at tipunin ang pinakamalawak na hanay ng paglaban sa pambobomba mula sa ere, panganganyon at iba pang anyo ng terorismo ng estado.
Laluna sa darating na mga buwan, dapat palakasin ang paglaban sa pasistang panggagahis ng rehimeng US-Duterte at ipamalas sa buong mundo na hindi kailanman mapayuyuko o mapaluluhod ang sambayanang Pilipino.