Malayang pamamahayag, ipinanawagan sa araw ng paggunita sa Maguindanao massacre

Nagkaroon ng vigil at candle lighting sa University of the Philippines Los Baños noong Nobyembre 25 para gunitain ang ika-13 taon ng Maguindanao massacre na naganap sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo. Inalala ang 58 biktima ng pamamaslang, kabilang ang 32 manggagawa sa masmidya. Pinangunahan ang aktibidad ng College Editors Guild of the Philippines-ST at iba pang kabataang estudyante.

Ayon sa CEGP-ST, “Sa kabila ng pagbababa ng hatol ng Korte sa 200 sangkot sa kaso, bigo pa ring makamit ang hustisya dahil hindi pa rin napapanagot ang 80 pinaghihinalaang sangkot sa krimen.”

Isa ang Pilipinas sa labing-isang bansa sa buong mundo na pinakapabaya sa pagpapanagot sa pumapatay ng mga mamamahayag. Noong panahon ng rehimeng Duterte, 23 mamamahayag ang pinaslang ayon sa Committee to Protect Journalists.

Kinundena rin sa aktibidad ang pang-aatake ng ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte sa mga mamamahayag. Sa loob lamang ng 100 araw nito, pinaslang ang dalawang mamamahayag na sina Percival Mabasa o mas kilalang Percy Lapid at Rey Blanco. Kapwa sila kritikal sa pamilyang Marcos at Duterte.

Noong Nobyembre 5, binaril at pinatay si Benharl Kahil, isang guro at editorial cartoonist sa Sultan Kudarat. Naglalabas siya ng mga dibuhong kritikal sa tambalang Marcos-Duterte. Samantala, hinaras ng mga di-unipormadong elemento ng PNP ang reporter ng GMA na si JP Soriano sa kanyang tahanan noong Oktubre 15.

Samantala, nagtapos ang aktibidad sa mga panawagan para sa karapatan sa malayang pamamahayag, pagtatanggol ng akademikong kalayaan at publikasyon ng pamantasan.###

Malayang pamamahayag, ipinanawagan sa araw ng paggunita sa Maguindanao massacre