Kalatas, December 2022 Mamamayan ng TK, naglunsad ng caravan para sa hustisya at kalayaan

Nagkaraban ang mamamayan ng Timog Katagalugan tungong Metro Manila upang magprotesta sa iba’t ibang opisina at ahensya ng reaksyunaryong gubyerno bilang pagsalubong sa ika-74 taong paggunita sa International Human Rights Day.

Disyembre 9. Unang tumungo ang caravan sa opisina ng Department of Justice upang humingi ng dayalogo sa kalihim nitong si Crispin “Boying” Remulla. Nanawagan silang panagutin ang mga salarin ng Bloody Sunday massacre na pumaslang sa mga aktibistang sina Emanuel “Manny” Asuncion ng BAYAN-Cavite; mag-asawang Ariel Evangelista at Chai Lemita Evangelista ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan (UMALPAS KA); Melvin Dasigao at Mark Bacasno ng San Isidro Kasiglahan, Kapatiran at Damayan para sa Kabuhayan, Katarungan at Kapayapaan (SIKKAD-K3); mga magsasakang Abner Mendoza Esto at Edward Mendoza Esto; at mga Dumagat na sina Randy dela Cruz at Puroy dela Cruz noong Marso 7, 2021.

Naganap ang isang closed-door dialogue sa pagitan nina Remulla, Defend ST at Karapatan TK. Naghain din ng kaso ang pamilya Lemita sa nararanasan nilang panghaharas at intimidasyon ng estado mula nang paslangin ang anak nilang si Chai.

Sunod na pinuntahan ang Office of the Ombudsman upang ipanawagan ang pagpapalaya sa mga detenidong pulitikal at hustisya sa Bloody Sunday massacre. Dito, nagsampa si Nimfa Lanzanas ng countercharge (anim na kaso kasama ang illegal arrest laban sa estado). Si Lanzanas ay isang human rights worker, dating detenidong pulitikal at isa sa mga aktibistang hinuli sa ilalim ng COPLAN ASVAL na nagsagawa ng Bloody Sunday massacre.

Sa Commission on Human Rights (CHR), naghain ang mga magbubukid at ilang progresibong indibidwal ng mga affidavit kaugnay sa mga paglabag ng AFP-PNP sa kanilang karapatan. Kasabay nito, naglunsad ng silent protest sa tapat ng CHR ang delegasyon ng TK bilang pagkundena sa militarisasyon sa rehiyon.

Kinagabihan, nagdaos ng cultural night sa University of the Philippines Diliman bilang pagpupugay sa kaarawan ng martir na human rights defender ng TK na si Eden Marcellana. Si Marcellana ay secretary-general ng Karapatan TK na dinukot at pinaslang sa Bansud, Oriental Mindoro noong 2008 sa gitna ng Oplan Habol Tamaraw ng berdugong heneral na si Palparan.

Disyembre 10. Nagdemonstrasyon ang mamamayan ng TK sa Plaza Lacson bago sumanib sa pambansang protesta para gunitain ang International Human Rights Day sa Liwasang Bonifacio. Nagmartsa sila papuntang Mendiola Peace Arc.

Inilantad ng mamamayan ang karahasan ng pulis at militar sa TK. Ilan sa mga kinondena ang pagpaslang ng 59th IBPA sa 9-taong batang si Kyllene Casao at magsasakang may kapansanan sa pag-iisip na si Maximino Digno sa Batangas noong Hulyo. Sa rehiyon, naitala ang 75 detenidong pulitikal at siyam na indibidwal na kinasuhan sa bisa ng Anti-Terror Law mula nang ipatupad ito noong 2020.

Patuloy na ipinapanawagan ng mamamayan sa rehiyon ang “Militar sa kanayunan, palayasin!”###

Mamamayan ng TK, naglunsad ng caravan para sa hustisya at kalayaan