Kalatas Pagdaluyong ng kilusang masa, pagsilbihin sa armadong pakikibaka

Inireresulta ng lumulubhang krisis pang-ekonomya sa nagdaang mga taon ang panibagong pagsikdo ng krisis sa pulitika—ang ibayong polarisasyon sa hanay ng mga naghaharing-uri na makikita sa katindihan ng ribalan sa pagitan ng mga Marcos at Duterte. Lumundo na ito sa isang antas ng kalalaan na hindi na magawang mapagtakpan pa ng rehimen ang pagsambulat ng dambuhalang kaso ng korapsyon na umabot na hanggang kay Marcos Jr. Binunot at inilabas nito ang matagal nang kinikimkim na poot at galit ng taumbayan sa palpak, papet, pahirap at pasistang rehimeng US-Marcos II at iniluluwal ang papalaki at papalawak na kilusan at pakikibakang masa laban sa rehimen at buong mapang-aping sistema.

Sa halos buong taon, ipinamalas ng mamamayan ng Timog Katagalugan ang kanilang magiting na pakikibaka laban sa rehimeng US-Marcos II. Naglulunsad ng pagkilos ang iba’t ibang uri at sektor upang igiit ang kanilang interes para sa sahod, trabaho, lupa, karapatang tao, panirikan at iba pa. Nararapat na pagpugayan ang masang manggagawa sa kanilang pakikibaka laban sa paghahari ng kapital sa loob ng mga pagawaan at pananabotahe sa sama-samang pagkilos ng manggagawa. Sa pamamagitan ng 74 oras na welga, nakamit ng mga manggagawa sa Nexperia ang kanilang demandang itaas ang kanilang sahod, iba pang benepisyo at pagbabalik sa dalawa nilang kapwa manggagawa at lider unyon na iligal na tinanggal. Samantala, nagtagumpay rin ang mga manggagawa ng Fuji Electric at Gardenia sa kanilang collective bargaining agreement kung saan nakamit nila ang dagdag sahod at iba pang benepisyo.

Ipinagtanggol ng masang magsasaka sa rehiyon ang kanilang lupa at karapatang pakinabangan ito sa kabila ng kabi-kabilang iskema ng sabwatang PML-estado. Nagpapatuloy ang pakikibaka ng mga magsasaka at manggagawang-bukid sa Batangas para sa kumpensasyon sa namamatay nilang kabuhayan dulot ng pagsara ng CADPI. Nagpapatuloy rin ang pakikibaka ng mga drayber at iba pang malaproletaryado para sa kanilang kabuhayan, pakikibaka ng mga mangingisda sa pang-aagaw ng mga korporasyon sa kanilang pook-pangisdaan, laban ng maralita kontra demolisyon sa Cavite at dredging sa Mindoro. Sa Palawan at Mindoro, nakikibaka ang mamamayan laban sa mina at iba pang mapanirang proyekto.

Sa nagdaang mga buwan, libu-libong mamamayan ng rehiyon—mga kabataang estudyante, guro, manggagawa, magsasaka at maralita ang bumaha sa lansangan para ipahayag ang galit sa kabi-kabilang kaso ng kurapsyon ng rehimeng US-Marcos. Kasunod ito ng pagsambulat ng higit ₱200 bilyong kaso ng korapsyon sa mga flood control projects na kundiman peke ay palso at bigong protektahan ang bayan sa pagragasa ng baha tuwing malakas ang ulan, laluna kung may bagyo. Pinaypayan nito nang todo ang galit ng taumbayan na nagpapatuloy pa hanggang sa kasalukuyan.

Sa diwa ng kilusang pagwawasto, nakikipaggitgitan ang mga rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon para balikan ang mga eryang pansamantalang naiwan dahil sa tindi ng militarisasyon at panloob na kahinaan habang tuluy-tuloy ang konsolidasyon at pagpapalawak. Ngayong taon, epektibong nabalikan ang ilang mahahalagang erya sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. Dahil sa labis na pagkahinog ng sitwasyon, malugod ang pagtanggap ng masa sa mga Hukbo at organisador ng rebolusyonaryong kilusang lihim sa kanilang mga komunidad. Matagal nilang pinakahihintay ang mga ito para giyahan at samahan sila sa kanilang pakikibaka.

Sa gitna ng pukpukang labanan, nakapaglunsad ng mga taktikal na opensiba at aksyong militar sa buong taon para bigwasan ang mga palalong kaaway. Matagumpay ang inilunsad na ambus ng BHB Mindoro sa dalawang pulis noong Hulyo 13 sa Victoria, Oriental Mindoro. Dalawang beses namang pinaputukan ng BHB Quezon ang kampo ng 85th IB na ilang taon nang nananalasa sa kanilang komunidad sa Lopez. Bago ito, binigwasan ng BHB North Quezon ang 80th IB na protektor ng mapangwasak na mga proyekto sa Real, Quezon. Liban sa mga ito, patuloy na binibigo ng mga yunit ng BHB sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon ang mga pag-atake ng pasistang tropa ng 2nd IDPA.

Ang bawat tagumpay ng kilusang masa at armadong pakikibaka ay ipinagbubunyi ng mamamayan ng rehiyon. Ang bawat tagumpay na nakakamit ng pakikibakang masa ay pagpapakita ng lakas ng sama-sama at nagkakaisang pagkilos nila para kamtin ang kanilang mga interes at kagalingan. Ang bawat putok ng opensiba ng BHB ay pagdidiin ng malinaw na mensahe ng rebolusyon. Ang mga ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayo’y nakakapagpunyagi at nakakapanaig ang mamamayan ng rehiyon sa kabila ng hirap na dinaranas nila sa ilalim ng magnanakaw at pasistang rehimeng US-Marcos II. Kailangan pa itong higit na palakasin at pag-ibayuhin.

Dapat mapatagos ang isyu ng korapsyon sa masa para higit pang mapalakas at mapalawak ang kilusan ng mamamayan kontra-korapsyon at burukrata kapitalismo. Magsikhay sa pagsisiyasat sa mga pambansa at lokal na kaso ng korapsyon at iba pang mukha ng burukrata kapitalismo sa kani-kanilang eryang saklaw para mapukaw ang masa at mailapat ito sa kanilang interes. Iugnay sa burukrata-kapitalismong kinakatawan ng papet na rehimeng Marcos ang iba’t ibang isyu ng masa hinggil sa sahod, trabaho, lupa, kabuhayan, pabahay, edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan, mataas na presyo ng bilihin, mababang presyo ng produktong bukid at paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas. Matalas na ipaunawa ng mga organisador, edukador at propagandista natin na ang kahirapan ng bayan ay natural na resulta ng pagsasanib-pwersa ng tatlong salot ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo at na kailangan itong labanan at ibagsak. Pasiglahin pa ang mga kilusang pag-aaral sa mga pambansa-demokratikong kurso hanggang sa MLM para mabilis na konsolidahin at isolido ang mga nakakamit nating tagumpay.

Sa kanayunan, dapat mahigpit na sapulin ng mga rebolusyonaryong pwersa kapwa sa mga yunit ng Hukbo at lokalidad ang inter-relasyon ng pakikibakang pang-ekonomya at ang pakikibaka ng masa laban sa pasismo. Napakalinaw ng epekto ng pasistang paninibasib ng mga operasyong militar sa kanayunan—halos kawalan ng kabuhayan ng mga magsasaka at pambansang minorya dahil naoobliga silang lisanin at iwan ang kanilang mayayamang bukid at kaingin dahil sa pandarahas at panggigipit ng militar. Pakilusin ang malawak na masang magsasaka, setler, mangingisda at pambansang minorya para ilantad at labanan ang lahat ng pahirap sa kanilang kabuhayan at palayasin ang mga kampo militar na nagdadala ng kaguluha’t nananabotahe sa kanilang kabuhayan. Pahinain ang paghahari-harian ng mga militar habang binabalikan ang mga lugar na pansamantalang iniiwan ng mga pasista para sa rekoberi at reaktibasyon kasabay ng tuluy-tuloy na pagpapalawak.

Sa mabilis na pagpihit ng sitwasyon pabor sa rebolusyon at sa lumalakas na panawagang baguhin ang sistemang korap, dapat itong sagpangin ng rebolusyonaryong kilusan upang ibandila ang landas ng rebolusyon para kamtin ang tunay na pagbabagong panlipunan. Kaya naman dapat na pagsilbihin sa paglakas ng armadong pakikibaka sa kanayunan ang lumalakas at lumalawak na kilusang masa para higit na ibwelo ang pagbawi at pagwawasto. Sa ganito, ganap tayong makasusulong tungo sa bago at mas mataas na antas ng digmang bayan. Ang demokratikong rebolusyong bayan, na pinamumunuan ng PKP ang tanging magwawakas sa tatlong salot ng lipunang Pilipino na walang ibang hatid kundi pambubusabos at pagsasamantala sa mamamayan.

Pagdaluyong ng kilusang masa, pagsilbihin sa armadong pakikibaka