Ulat ng mga kaso ng pampulitikang pamamaslang (Hunyo 30, 2022 – Hunyo 15, 2023) Espesyal na Ulat: 97 pinatay sa unang taon ng brutal na gera ng rehimeng Marcos Jr
Pambungad
Matinding brutalidad ang inihasik ng armadong pasistang makinarya ng estado sa unang taon sa poder ng pasistang rehimen ni Ferdinand Marcos Jr. Pinatindi nito ang pananalasa ng uhaw-sa-dugo at mabangis na tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), mga grupong paramilitar at iba pang ahente ng estado laban sa sinumang tumutol sa kanilang di lehitimong paghahari. Ang malawakang terorismo ng estado ay sinusulsulan ng mga upisyal ng National Task Force-Elcac, kabilang si Vice Pres. Sara Duterte.
Tinutugis ng rehimen ang mga sibilyan hindi lamang sa kalunsuran kundi lalo sa kanayunan. Tahasan ang kawalang-galang sa mga internasyunal na makataong batas, mga batas ng digma at iba pang internasyunal na deklarasyon na nagbibigay ng proteksyon sa mga sibilyan at hindi kombatant saan man may armadong sigalot.
Ipinagbabawal sa ika-32 Artikulo ng Fourth Geneva Conventions ang anumang hakbang na magreresulta sa pagdurusang pisikal o pagpuksa sa mga taong nasa ilalim ng proteksyon nito. Anito “…hindi lamang ito aplikable sa pagpatay, tortyur, pananakit, mutilation…kundi maging sa iba pang pamamaraan ng brutalidad, gawa man ng ahenteng sibilyan o militar.”
Partikular na tinukoy naman ng Declaration on the Protection of Women and Children in Emergency and Armed Conflict ng United Nations General Assembly noong Disyembre 14, 1974 na isang krimen sa digma ang “lahat ng porma ng panunupil at malupit at hindi makataong pagtrato sa kababaihan at mga bata, kabilang ang pagkukulong, tortyur, pamamaril, maramihang pag-aresto, kolektibong pamamarusa, paninira sa tirahan at pwersahang pagbabakwit, na isinagawa ng mga pwersang nakikidigma sa takbo ng operasyong militar nito (Bilang 5).”
Sa ulat na ito ng Ang Bayan (AB), tatalakayin ang mga kaso ng ekstrahudisyal na pagpaslang na isinagawa ng armadong pwersa ng estado laban sa sa mga sibilyan at hindi kombatant (kabilang ang mga hors de combat) na dapat ay may proteksyon sa ilalim ng internasyunal na makataong batas. Layon nitong bigyang-pansin ang lawak ng brutalidad at karahasan na dinanas ng mamamayang Pilipino partikular ang mga kaso ng pagpaslang sa unang taon sa ilalim ng rehimeng Marcos simula Hunyo 30, 2022.
Nais ipabatid ng AB sa mga mambabasa na marami pang kaso sa kanayunan ang hindi naiulat dulot ng tindi ng mga operasyong militar sa mga larangang gerilya. Hindi pa nakukumpleto ang mga ulat sa iba’t ibang rehiyon sa Mindanao, gayundin sa Eastern Visayas. Nananatiling bukas ang tanggapan ng AB para sa dagdag na ulat mula sa mga ito.
Hindi rin kabilang sa ulat na ito ang mga kaso ng ekstra-hudisyal na pagpaslang na may kaugnayan sa “gera sa droga” na ipinagpatuloy ng rehimeng Marcos. Tinatayang higit 300 ang biktima ng mga pagpaslang na ito sa unang taon ng rehimen.
Pangkalahatang larawan
Sa unang taon sa poder ni Marcos Jr, nakapagtala ang AB ng 62 insidente ng pampulitikang pamamaslang na kinasasangkutan ng mga armadong tauhan ng estado. Sa mga kasong ito, 97 ang kabuuang bilang ng mga biktima o abereyds na dalawa (2) kada linggo ang pinapaslang ng estado. Lima sa mga insidente ay kaso ng maramihang pagpatay o masaker at isa ang tangkang pagmasaker.
Mayorya sa mga kaso ay naitala sa panahong naglulunsad ng mga focus military operation (FMO) at ng Retooled Community Support Program (RCSP) ang mga sundalo at pulis sa mga komunidad. Gayundin, marami sa mga kaso ang pinalalabas ng AFP na mga pekeng engkwentro o gawa-gawang labanan para pagtakpan ang kanilang karumal-dumal na krimen.
Sa mga pinaslang, 53 ay mga magsasaka at isa ay katutubong minorya. Anim sa mga biktima ay mga menor-de-edad, kung saan 9 na taong gulang ang pinakabata. Hindi rin ligtas sa pasistang atake ang isang 5-buwang buntis na napatay sa walang-patumanggang pamamaril ng mga sundalo. Sa kabuuan, 13 na babae ang pinatay ng mga sundalo at pulis.
Sa mga biktima, 47 ang pinaslang habang hawak o nasa kustodiya ng militar. Sila mga biktima ng pagdukot o iligal na pag-aresto, nakaranas ng pisikal at sikolohikal na tortyur bago pinatay. Walo naman sa mga biktima ang napatay dahil sa walang patumanggang pamamaril.
Sa tala, pinakamadugo ang buwan ng Nobyembre 2022 kung saan 16 ang pinaslang ng estado. Pinakamarami ang bilang ng insidente noong Mayo 2023 kung saan 15 ang pinatay ng mga pwersang militar at pulis sa 12 insidente.
Naitala ang mga kaso ng pagpaslang sa 19 na prubinsya. Sa ulat na nakalap ng AB, nangunguna ang Negros Occidental sa mga prubinsyang may pinakamaraming naitalang biktima ng pagpaslang. Tatlumpu’t isa (31) ang naiulat na pinatay sa 18 magkakahiwalay na insidente. Kasunod nito ang Samar at Masbate na kapwa nakapagtala ng tig-12 biktima.
Ang tatlong prubinsya ay saklaw ng Memorandum Order No. 32 na kautusang inilabas ng dating rehimeng Duterte noong 2018. Sa bisa ng kautusang ito, nagpakat ng dagdag na bata-batalyon mga sundalo at nagpataw ng de facto na batas militar sa Negros Island, mga prubinsya ng Eastern Visayas at Bicol.
Ang malakihan at matagalang mga operasyong militar sa mga prubinsyang ito ay nagsisilbing pananggol sa operasyon ng malalaking negosyo at mapandambong na mga proyekto ng mga burukrata kapitalista at kasosyo nilang mga dayuhan at lokal na kapitalista. Ginagamit nila ang estado at mersenaryong militar para supilin ang pagtutol ng mga residente sa mga proyektong ito.
Sa Negros Occidental, laganap ang eksplorasyon ng ginto, copper at silver sa timog na bahagi ng prubinsya at pagmimina ng manganese sa Kabankalan City. Habang malawakan ang operasyong kwari para kumuha ng buhangin at graba sa iba pang bahagi ng prubinsya.
Kasalukuyan ding isinasagawa ang konstruksyon ng tulay na tatagos sa kabundukan ng Sipalay City at daanan mula Calatrava tungong Silay City na tatagos sa gitna ng North Negros National Park. Malinaw na paunang hakbang lamang ang konstruksyon ng mga daan para sa mas malalaki at mapaminsalang proyektong balak itayo ng malalaking negosyo sa loob ng protektadong kabundukan.
Sa Masbate, matapos patagin, may malalaking buho at imbakan ng mga nakalalasong kemikal ang bayan ng Aroroy na nakatakda namang saklawin ng Filminera-Masbate Gold Project ang mga bulubunduking bahagi sa mga bayan ng Milagros, Uson at Mobo.
Patuloy ang pag-agaw sa lupang sakahan at kabuhayan ang mga residente sa bayan ng Dimasalang. Umaabot sa 1,800 ektaryang lupain ang pagtatayuan ng ekoturismong Empark. Sasaklawin ng naturang proyekto ang mga barangay ng Bontod, Cadulan, Divisoria, Gaid, Maravilla, Sta. Cruz, Suba at T.R. Yanco.
Mga insidente
Sumusunod ang ilan sa mga tampok na kaso ng pamamaslang sa mga sibilyan at iba pang walang kalaban-labang indibidwal na isinagawa ng mga armadong ahente ng estado na isinagawa sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Ipinakikita ng mga kasong ito ang saklaw, antas ng brutalidad at kahayupan ng mga pasistang pwersang militar
Masaker sa Catbalogan 10
Patung-patong na krimen ang ginawa ng mga pwersang militar laban sa Catbalogan 10. Dinakip, pinahirapan at sadyang pinatay sina Benito Tiamzon, tagapangulo ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas, Wilma Austria-Tiamzon, pangkalahatang kalihim ng PKP at Joel Arceo, kalihim ng isang subrehiyon sa Eastern Visayas. Kasama nilang pinaslang ang mga kasama nilang sina Ka Yen, Ka Jaja, Ka Matt, Ka Ash, Ka Delfin, Ka Lupe at Ka Butig. Kolektibo silang tinaguriang Catbalogan 10.
Hinarang ang sinasakyang van ng sampu at saka sila hinuli sa pagitan ng alas-12 ng tanghali at ala-1 ng hapon habang bumibyahe patungo sa Catbalogan City noong Agosto 21, 2022.
Ipinailalim sila sa matinding tortyur bago pinatay, at saka isinakay sa isang bangka ang kanilang mga bangkay at tuluyang pasabugin sa karagtan sa pagitan ng Catbalogan at isla ng Taranganan upang burahin ang lahat ng ebidensya ng krimen. Sa tulong ng mga mangingisda, walong bangkay ang nasalba mula sa tubig. Ayon sa kanilang mga salaysay, bakas sa mga bangkay ang matinding tortyur.
Pagmasaker sa pamilyang Fausto, Jacolbe at isang pamilya sa Northern Samar
Pinatay ng mga sundalo ng 94th IB ang buong pamilyang Fausto, kabilang ang dalawang bata, noong Hunyo 14 ng gabi sa Barangay Buenavista, Himamaylan City. Pinagbabaril ng mga sundalo habang tulog ang mag-iinang sina Emilda Fausto, 51 taong gulang, at dalawa niyang anak na sina Raben Fausto, 12, at Ben Fausto, 15. Natagpuang patay si Roly Fausta, 55, ama ng pamilya sa labas ng bahay.
Ang pamilya ay aktibong mga kasapi ng Baklayan, Bito, Cabagal Farmers Association (BABICAFA), samahang magsasaka sa naturang barangay. Bago pa man ang masaker, paulit-ulit nang ginigipit ng mga sundalo ang pamilya dahil sa paratang na sumusuporta sila sa hukbong bayan.
Ginipit ng militar ang pamilya noong Marso 22, 2022 nang pasukin ng 12 sundalo ang bahay ng mga Fausto. Tinutukan ng kutsilyo si Emilda habang isinailalim sa interogasyon. Matapos nito ay niransak ng mga sundalo ang bahay ng pamilya, ninakaw ang kanilang ipong ₱5,000 at kinatay ang kanilang mga manok.
Pagkahapon, dinakip ng mga sundalo si Roly at inilayo sa kanilang bahay at doon tinalian ng sinturon ang leeg niya at paulit-ulit na pinaaaming may kaugnayan sa BHB. Binugbog at pinagtatadyakan din siya ng mga sundalo. Isinama pa siya sa operasyong kombat ng mga sundalo sa gabing iyon.
Mga Jacolbe. Napatay sa pamamaril ng mga sundalo ng 62nd IB sa isang kubo sa Sityo Banderahan, Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental ang natutulog na 5-buwang buntis na si Cristina Jacolbe at kanyang 16-anyos na anak na si Everly noong Hulyo 26, 2022 ng alas-5 ng umaga. Kasama ng mag-ina na napatay ang kamag-anak nilang si Roldan Montero.
Si Cristina ay isang titser sa daycare at napilitang tumigil sa pagtuturo dahil sa walang humpay na panggigipit at pag-aakusa sa kanya ng mga sundalo. Ang kanyang anak na si Everly ay isang mag-aaral ng Grade 11 sa Cabacungan National High School sa La Castellana City. Bumisita lamang siya sa kanyang ina nang kinitil ng mga sundalo ang kanyang buhay. Babalik pa dapat siya para ipagdiwang ang kaarawan ng kanyang nakatatandang kapatid.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, naabutan pa nilang sumisigaw, umiiyak at humihingi ng tulong si Everly bandang alas-9 ng umaga. Sa kabila ng kanilang pagsusumamo, hindi sila pinayagan ng mga sundalo na makapasok sa bahay para dalhin sa ospital ang dalaga.
Kaugnay ng kaso, naglunsad ng fact-finding mission ang mga grupo sa karapatang-tao sa pangunguna ng Human Rights Advocates in Negros noong Agosto 2022. Sa pag-iimbestiga ng grupo, nakuha nito ang aktwal na mga pangyayari at insidente, maging ang salaysay ng mga saksi. Inirekomenda nito ang pagsasampa ng mga kasong multiple murder at robbery laban kay Brig. General Inocencio Pasaporte, mga elemento at kumander ng nag-operasyong tropa ng 62nd IB na pumatay sa mga sibilyan noong Hulyo 26, 2022.
Northern Samar. Dalawang myembro ng isang pamilya ang napatay sa tangkang pagmasaker ng mga sundalo ng 43rd IB sa Kilometro 9, Barangay Happy Valley, San Isidro sa Northern Samar noong Nobyembre 18, 2022. Pinalalabas ng mga sundalo na mga mandirigma sila ng BHB na napaslang sa engkwentro. Ayon sa ulat mismo ng militar, dalawa ang kanilang napatay habang tatlo ang kanilang inaresto.
Kyllene Casao, 9 anyos
Si Kyllene Casao, siyam na taong gulang, ay pinatay ng mga elemento ng 59th IB nang paputukan sa Sityo Centro, Barangay Guinhawa, Taysan sa Batangas noong Hulyo 18, 2022.
Naglalakad pauwi si Kyllene, kasama ang kanyang amang si Benie at isa pang kapatid, mula sa pagpapasto ng kanilang kambing nang tinutukan at kinasahan ng baril ng apat na sundalo ang kanilang ama. Para magpakilala, agad na itinaas ni Benie ang kanyang dalawang kamay at nagpakilalang residente ng lugar. Sa halip na palagpasin at hayaang mapayapang makauwi, dalawang ulit silang pinaputukan ng mga sundalo.
Nakatakbo si Benie at ang anak na lalaki ngunit si Kyllene ay tinamaan ng bala at humandusay sa lupa. Binuhat ng ama ang kanyang anak na nag-aagaw buhay at sinubukang itakbo sa ospital. Nakarating pa sila sa ospital pero hindi na umabot si Kyllene nang buhay.
Matapos nito, nagawang igiit ng mga kaanak at grupo sa karapatang-tao noong Agosto 1, 2022 ang isang dayalogo kay Batangas Governor Hermilando “Dodo” Mandanas para talakayin ang krimen at iba pang kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng 59th IB. Sa naturang dayalogo, nangako ang upisyal ng lokal na pamahalaan na itutulak ang imbestigasyon katuwang ang Tanggol Batangan, Children’s Rehabilitation Center, at UNICEF sa naganap na insidnente. Wala pang resulta ang imbestigasyon hanggang ngayon.
Pagdukot at pagpatay sa matatanda at maysakit
Nagpapagamot ang mag-asawang sina Rudy Garay at Rosalia Caindoy sa isang ospital sa Misamis Oriental nang dukutin sila ng mga elemento ng 4th ID noong Marso 26. Si Garay ay labis na nanghihina at namamayat, at naninilaw ang kanyang balat dahil sa seryosong mga sakit.
Pinalabas silang napaslang sa engkwentro noong Marso 27 sa pagitan diumano ng isang yunit ng BHB at ng pinagsanib na pwersa ng Alpha Company ng 65th IB at 9th company ng 3rd Special Forces Battalion, 1st at 2nd Scout Ranger sa Sityo Vertudazo, Barangay San Juan, Bayugan City sa Agusan del Sur. Ayon sa mga residente, nakarinig sila ng napakaraming putok ng iba’t ibang baril bandang alas-2 hanggang alas-5 ng madaling araw sa naturang lugar. Kinaumagahan, nakita na lamang na nakahandusay sa putikan ang mga bangkay ni Garay at Caindoy.
Ganito rin ang sinapit ni Emanuel Llanos Anob, 67 at maysakit, na dinukot noong Marso 29 sa haywey sa Butuan City. Galing sa ospital si Anob nang damputin siya ng mga sundalo. Naiulat pa ng kanyang mga kaanak ang kanyang pagkawala bago mapag-alamang pinatay siya ng mga sundalo. Basta na lamang iniwan ng mga sundalo ang kanyang bangkay sa isang punerarya sa Bayugan City noong Marso 30. Pinalalabas na napatay si Anob sa isang engkwentro sa hangganan ng Barangay Umalag at Castillo, San Miguel, Surigao del Sur.
Nasyon Gantangan, napatay sa walang patumanggang pamamaril
Namatay si Nasyon Gantangan nang paulanan ng bala ng mga sundalo ng 37th IB sa Sityo 27, Barangay Sangay, Kalamansig, Sultan Kudarat noong Pebrero 27, 2023, alas-7:28 ng gabi. Dalawa sa kasama niya ay menor-de-edad. Isa sa kanila ang nasugatan.
Pauwi noon mula sa pangangaso para sa pagkain sina Gantangan. May malalakas silang flashlight na nakakabit sa ulo nang bigla silang atakehin ng mga sundalo. Sa salaysay ng isa sa mga biktima, naglalakad sila sa isang mayor na daanan papunta sa mga kabahayan nang bigla na lamang silang paulanan ng mga bala ng mga sundalo ng 37th IB.
Ang biktima ay pinagbabaril ng mga sundalo sa kabila nang kanilang paulit-ulit na pagsigaw ng ‘sibilyan kami!’Ayon sa pamilya ni Gantangan, halos mahati ang kanyang katawan sa dami ng bala na tumama dito. Dulot ng labis na tensyon, nalaglag ang dinadalang sanggol ng asawa ni Gantangan. Samantala, matinding troma ang patuloy na dinaranas ng dalawang menor-de-edad na biktima
Pinatay sa pamamagitan ng tortyur
Namatay sa pagtortyur ng mga sundalo ng 2nd IB si Norvil Generoso Pepito, upisyal sa barangay, noong Oktubre 12, 2022. Tatlong araw na walang tigil siyang pinahirapan sa loob ng kampo militar sa Barangay Paguihaman, Uson, Masbate. Ipinatawag siya ng mga sundalo at ipinailalim sa interogasyon at pambubugbog mula Oktubre 10, 2022 hanggang Oktubre 12, 2022.
Inabutan pa ng kaanak ng biktima at ng kapitan ng barangay si Pepito na naghihingalo at halos walang malay sa kampo ng militar. Nadala pa siya ng pamilya sa ospital subalit ideneklarang dead on arrival ng duktor.
Pinahirapan si Pepito ng mga sundalo na nagbintang sa kanya na sangkot sa naganap na ambus ng hukbong bayan laban sa 2nd IB.
Pagpatay habang naghahanap-buhay
Dalawang sibilyang biktima na naghahanap-buhay ang brutal na pinatay ng mga pwersa ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Sityo Ibaliw, Barangay Sangay, Palapag, Northern Samar noong Mayo 5. Kinilala ang mga biktima na sina Joel Balading Recare at Oscar Alastoy, mga residente ng Barangay Capacujan at mga chainsaw helper.
Mahigit na pinabulaanan ng mga kaanak nila ang salaysay ng PNP-SAF na ang dalawa ay mga kasapi ng hukbong bayan. Maging ang punong barangay ng Barangay Capacujan ay nagpatunay na mga sibilyan ang dalawa. Wala silang anumang negatibong record sa barangay.
Ipinahayag pa ng pamilya ang labis na pagkadismaya at hinagpis dahil higit 24 oras pa bago nadala ang mga bangkay sa Regional Health Unit at naaagnas na ang mga ito. Sa panawagan ng mga kaanak ng dalawang biktima, natulak ang Commission on Human Rights na magsagawa ng imbestigasyon sa pagpatay ng PNP-SAF sa kanila.
Pinatay habang nasa kustodiya ng militar
Isang buwan sa kamay ng berdugong 47th IB ang aktibista at organisador ng kabataan at magsasaka na si Arthur Lucenario bago pinalabas na napatay sa isang “engkwentro” noong Mayo 12 sa Barangay Tabuan, Antequera, Bohol.
Dinukot si Lucenario noong madaling araw ng Abril 14 sa bayan ng San Miguel at ipinailalim na sa iligal at lihim na detensyon. Bakas sa kanyang bangkay ang tindi ng dinanas niyang tortyur.
Pinatay sa harap ng asawa
Ang 26 anyos na si Ricardo Kabanglas Hilogon ay brutal na pinaslang ng 58th IB sa kanilang bahay sa Sityo Tapol, Barangay Banglay, Lagonglong, Misamis Oriental noong Abril 3. Kauuwi lamang sa kanyang bahay mula sa sakahan si Hilogon nang lapitan ng mga ahente ng 58th IB bago tuluyang binaril sa harap ng kanyang asawa.
Si Hilogon ay dating kasapi ng hukbong bayan ngunit matagal nang hindi aktibo. Bago pinatay, ilang ulit na siyang ipinatawag ng militar sa nakaraan para “pasukuin.” Taliwas sa pangakong kapayapaan at kaunlaran ng programa sa “pagpapasuko” ng gubyerno, naghahatid ito ng ibayong kapahamakan sa mga biktima.
Pagpatay kay Dante Yumanaw, Mangyan
Sa Occidental Mindoro, pinatay ng 76th IB si Dante Yumanaw, katutubong Batangan-Mangyan at residente ng Sityo Tiyabong, Barangay Ligaya, Sablayan noong Hulyo 15, 2022. Pinagbababaril si Yumanaw matapos siyang makasalubong ng nag-ooperasyong sundalo.
Bukod dito, walang habas ding pinagbabaril ang kasama ni Yumanaw. Walang pakundangan ring nagpaputok ang mga sundalo sa Sityo Tiabong, at sa Barangay Ligaya, Sablayan.
Pagpatay sa mga konsultant ng NDFP
Litaw ang patakarang kontra-kapayapaan ng rehimeng Marcos Jr sa walang-awang pagpatay sa tatlong konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Ang pagpatay sa kanila ay lantarang paglabag sa pinirmahang kasunduan ng Gubyerno ng Pilipinas at NDFP na Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees na nangangalaga sa karapatan ng mga lumalahok sa negosasyong pangkapayapaan at maging sa internasyunal na makataon batas.
Una sa mga kasong ito ang pagpaslang ng mga sundalo ng 94th IB at 47th IB kay Ericson Acosta noong Nobyembre 30, 2022 habang nagpapahinga sa Barangay Camansi, Kabankalan City, Negros Occidental nang alas-2 ng madaling araw. Kasama ni Acosta na pinatay si Joseph Jimenez, lokal na lider ng organisasyong magsasaka sa lugar.
Kasunod nito ang kaso ng pagpatay ng militar kay Manuel Tinio (Ka Dodie) noong Abril 14. Si Tinio ay pitong beses na pinagbabaril habang nagmamaneho ng motorsiklo sa hangganan ng San Miguel at Ubay sa Bohol. Para pagtakpan ang krimen, tinaniman ng ebidensyang kalibre .45 ang kanyang bangkay at sinabing “nanlaban.”
Dinukot at sadyang pinatay ng 94th IB si Rogelio Posadas, konsultant ng NDFP sa isla ng Negros noong Abril 19, 2023. Bumibiyahe noon si Posadas sa Aranda-La Castellana Road sa bayan ng Hinigaran nang harangin ng mga sundalo bandang ala-9 ng gabi. Kasama niyang dinukot ang isang organisador ng magsasaka at dalawang drayber ng mga motorsiklong kanilang sinasakyan. Sumunod na araw ay ibinalita ng AFP na napatay si Posadas sa isang diumano’y engkwentro sa Barangay Santol, Binalbagan, Negros Occidental.
Isinampa nitong Hunyo sa hukumang bayan sa Negros ang kaso ng pagdukot at sadyang pagpatay ng militar kay Posadas.
Pakikibaka para sa Hustisya!
Hustisya! ang sigaw ng mga kaanak at kaibigan ng mga biktima ng pampulitikang pamamaslang sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Ipinababatid nila ang kanilang panawagan sa iba’t ibang mga porma at institusyon para panagutin ang mga upisyal militar, sundalo at iba pang armadong ahente ng estado na pangunahing sangkot sa mga krimeng ito laban sa mamamayan. Pangunahing isinasakdal sa mga krimeng ito si Ferdinand Marcos Jr, ang hepe ng armadong pwersa ng estado.
Nananatiling armas ng mamamayan laban sa paninibasib ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang pagkakaisa at militanteng pagkilos. Lumalakas ang panawagan at organisadong mga pagkilos ng mga tao na nananawagan na palayasin ang mga sundalong sumasakop sa kanilang mga baryo o sityo na dahilan ng matinding pananalasa, paglabag sa mga karapatang-tao, nagkakampo sa mga sibilyang imprastruktura at araw-araw na naghahasik ng teror sa kanilang hanay.
Mayroon din silang mga pagkilos para dalhin ang kanilang sigaw para sa katarungan sa iba’t ibang ahensya, kabilang sa mga lokal na korte, pati na sa mga internasyunal na ahensya o korte na dumidinig sa mga kaso ng krimen laban sa sangkatauhan.
Nasa mga pamilya at kamag-anak rin ng mga biktima ang kapasyahan na isampa ang kanilang mga kaso sa mga hukumang bayan ng rebolusyonaryong gubyernong bayan. Sa sarili nito, responsibilidad ng mga lokal na yunit ng Bagong Hukbong Bayan na magsagawa ng imbestigasyon sa mga kaso ng pamamaslang ng mga ahente ng estado at paglabag sa karapatang-tao, upang tukuyin kung sino ang mga pangunahing may sala sa likod ng mga krimeng ito.
Sa harap ng pananalasa ng mga pasistang sundalo at paninibasib laban sa mamamayan, dapat isagawa ng mga yunit ng BHB ang mga taktikal na opensiba na umaasinta pangunahin sa mga yunit ng AFP na may madudugong rekord ng pagpatay at iba pang pandarahas. Ang mga tagumpay ng BHB ay isang paraan ng pagtugon sa hinihinging katarungan ng mamamayan.
HUSTISYA!
Inyab family child (2022-07-03), Roel Ladera (Ka Jack) (2022-07-06), Nikka Dela Cruz (Ka Chai) (2022-07-06), Alden Rodriguez (Ka Rocky) (2022-07-06), Roel Deguit (Ka Caloy) (2022-07-06), Dante Yumanaw (2022-07-15), Kyllene Casao (9) (2022-07-18), Pompeo Landisa (2022-07-20), Maximo Digno (2022-07-26), Christina Jacolbe (2022-07-26), Roldan Montero (2022-07-26), Everly Kee Jacolbe (16) (2022-07-26), Crisanto Lagardilla (2022-07-30), Jude Osma (2022-08-01), Rodrigo Mejica Lorezo (Ka Akag) (2022-08-07), Delia Rosco Rotalano (Ka Mema) (2022-08-07), Mario Esparaguerra (2022-08-19), Renante Capareño (2022-08-19), Benito Tiamzon (2022-08-21), Wilma Tiamzon (2022-08-21), Joel Arceo (Divino) (2022-08-21), Ka Yen (2022-08-21), Ka Jaja (2022-08-21), Ka Matt (2022-08-21), Ka Ash (2022-08-21), Ka Delfin (2022-08-21), Ka Lupe (2022-08-21), Ka Butig (2022-08-21), Manuel Cos (2022-09-01), Vincent Madlos (2022-09-01), Glorivic Campos Belandres (2022-09-01), Greg Cantilla (2022-09-07), Lonie Hainampos Pison (2022-09-30), Jessa Terol Empoy (2022-09-30), Percival Carag Mabasa (Percy Lapid) (2022-10-03), Carlito Ahina (2022-10-08), Romeo Nanta (Ka Juanito Magbanua) (2022-10-10), Norvil Generoso Pepito (2022-10-12), Unnamed Happy Valley family member (2022-10-18), Unnamed Happy Valley family member (2022-10-18), Pancho Versaga (2022-10-29), Renard Remulta (2022-10-29), Bernharl Kahil (2022-11-05), Ruel Riveral Mahusay (2022-11-10), Rene Bartolata Garzon (2022-11-13), Gilbert Julie Abunales Goylan (2022-11-13), Victor Baldonado (2022-11-21), Gerry Kasa (aka Kekel) (2022-11-23), Ka Dennis (Indot Dulunan) (2022-11-23), Ka Ho (Sep Kasa) (2022-11-23), Ka Duran (Allan Dalimbang) (2022-11-23), Ka Elena (Annabel Talon) (2022-11-23), Ka Pogi (2022-11-23), Ronnie Andren (2022-11-27), Mario Baldusa (Ka Jekoy) (2022-11-28), Janhel Sarsa (Ka Jorge) (2022-11-28), Ericson Acosta (2022-11-30), Joseph Jimenez (2022-11-30), Jose Gonzalez (2023-01-09), Orlando Fat (2023-01-10), Danny Malinao (2023-01-24), Henry Casido (2023-02-04), Jomarie Calumba (2023-02-04), Arjen Mahinay (Ka Nonong) (2023-02-04), Junjun Callet (Ka Roben) (2023-02-04), Diosdado Arcipe (2023-02-07), Argie Salvador (17) (2023-02-11), Vernon Bonggat (2023-02-20), Nasyon Gantangan (30) (2023-02-27), Dano Caindoy (2023-03-26), Rosalinda Caindoy (2023-03-26), Emanuel Llanos (2023-03-29), Ricardo Loloy Kabanglas Hilogonon (2023-04-03), Manuel “Loloy” Tinio (2023-04-14), Jose Albores Jr. (2023-04-18), Rogelio Posadas (2023-04-20), Alex Dolorosa (2023-04-24), Anthony Curson (2023-04-28), Crispin Tingal Jr. (2023-05-03), Joel Balading Recare (2023-05-05), Oscar Alastoy (2023-05-05), Arthur Jasper Lucenario (2023-05-14), Romeo Agua (42) (2023-05-15), Alvin “Dagger” Bayno (2023-05-20), Ruben Obidas (2023-05-20), Antonio Babor (77) (2023-05-20), Jurielen Babor (27) (2023-05-20), Juliven Ramirez (23) (2023-05-20), Evelyn Meren (31) (2023-05-20), Gusting Mapos (2023-05-21), Zaldy Cañaveral (2023-05-24), Jonel Bayno (2023-05-25), Rogelio Lacton (2023-05-27), Emilda Fausto (51) (2023-06-14), Billy/Rolly Fausto (52) (2023-06-14), Ben Fausto (15) (2023-06-14), Raben Fausto (11) (2023-06-14)