Edukasyong pang-kolehiyo, hindi prayoridad ng gubyerno
Matayog na pangarap para sa mayoryang mahihirap na Pilipino ang makapagtapos ng pag-aaral. Tinatanaw ng karamihan ang edukasyong tersyaryo bilang daan para makaahon sa kahirapan, subalit ang masaklap, kakaunti ang nakakapasok sa kolehiyo o unibersidad at nananatili itong prebilehiyo sa halip na maging batayang karapatang tinatamasa ng lahat ng kabataang Pilipino. Nasa 4.4 milyong kabataan ang nakakapag-aral sa kolehiyo na tinatayang 40% lamang ng bilang ng mga Pilpinong nasa edad na para pumasok sa kolehiyo o pamantasan.
Balakid sa pangarap na makapagkolehiyo ang pagiging mahal at magastos nito. Dahil ipinaubaya na ng reaksyunaryong estado ang edukasyong tersyaryo sa pribadong sektor, mas marami ang mga pribadong institusyon na mas mataas maningil ng tuition at iba pang bayarin kaysa pampubliko.
Sa taas ng bayarin, kayod-kalabaw ang mga magulang at pati estudyante gaya ni Cessna, 22 at kumukuha ng kursong Education sa isang pribadong eskwelahan sa Mindoro. “Ilang buwan bago nakaipon sina Nanay at Tatay ng P13,500 na kailangan kong bayaran sa school ngayong semestre. Para makadagdag, namasukan akong kasambahay nitong bakasyon,” kwento niya. Nagkokopras at paminsan-minsang nagbebenta ng iba’t ibang produktong bukid ang kanyang mga magulang.
Mabigat ang pasanin ng mga magulang ni Cessna, lalo’t dalawa silang magkapatid na nagko-kolehiyo ngayon. Bukod sa matrikula, nagbabayad din sina Cessna ng P500 kada buwan sa boarding house at gumagastos para sa mga project, pang-xerox at pang-internet. “Kung dati mas madalas kaming magkanin, ngayon mas madalas na kaming kumain ng saging dahil sa pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin,” dagdag niya.
Kahit nahihirapan, hindi lumipat sa pampublikong pamantasan ang magkapatid dahil mas malayo ito sa kanilang tirahan. Malapit na ring makagradweyt si Cessna na nasa ikatlong taon na kaya’t nanghihinayang ang kanyang mga magulang na ilipat pa siya.
Banta sa libreng tuition
Ang isang bentahe ng mga pampublikong institusyon ay ang libreng tuition sa bisa ng batas na Universal Access to Quality Tertiary Education. Sa ilalim nito, naging libre ang matrikula sa 220 state universities and colleges (SUCs) at mga kwalipikadong local universities and colleges (LUCs). Resulta ito ng militante’t di nagmamaliw na pakikibaka ng mga kabataan para makamit ang karapatan sa edukasyon.
Mula nang ipatupad ang batas anim na taon na ang nakaraan ay dumami ang nag-enrol sa mga pampublikong kolehiyo at pamantasan kaysa sa pribado, ayon sa Commission on Higher Education (CHEd). Ang Polytechnic University of the Philippines, ang SUC na may pinakamalaking populasyon ng estudyante, ay nagrehistro ng dagdag na 10,000 enrollees noong 2022.
Malaking bagay ang libreng matrikula subalit may mga bayarin pa rin gaya ng laboratory fee, library fee at iba pa. Nag-iiba-iba ito depende sa kurso at pamantasang pinapasukan.
“Hirap talaga. Kahit free tuition, may iba pang bayarin at nagko-commute ako araw-araw. Ang mahal na ng pamasahe at hindi na rin ganoon kamura ang mga bilihin at pagkain sa campus,” ani Tris, 21 at 3rd year sa University of the Philippines – Los Baños.
Kulang naman ang P20,000-25,000 na kita kada buwan ng magulang ni Cams, 20 at 2nd year sa Laguna State Polytechnic University, para suportahan siya sa pag-aaral. “Baka maghanap ako ng part-time na trabaho o raket. Lalo na sa 3rd year at 4th year dahil marami nang projects na kailangang pagkagastusan para grumadweyt,” aniya.
Sa gitna ng matinding krisis, banta sa kanilang pag-aaral ang panukala ng kalihim ng Department of Finance na rebyuhin ang batas sa libreng tuition dahil maaksaya umano ito at hindi sustenable. Batayan niya ang mataas na dropout rate (38%) sa mga pamantasan na naitala habang at kagyat matapos ang pandemya. Kung matatandaan, kasama ang mga eskwelahan sa mga institusyong halos naparalisa bunsod ng biglaang pagpapataw ng blended learning kasabay ng militaristang restriksyon ng lockdown.
Hindi katanggap-tanggap ang paninilip ng DOF dahil sa katunayan, kulang ang inilalaang pondo para sagutin ang tuition ng mga estudyante. Noong 2023, kapos ng P4.23 bilyon ang inilabas ng gubyerno para bayaran ang matrikula ng 1.74 milyong estudyante sa SUCs.
Tinitipid na badyet sa edukasyon
Hinahamon ang kabataan-estudyante na patuloy na lumaban sa harap ng malaking kaltas sa pondo para sa mga pampublikong pamantasan sa panukalang badyet sa 2024. Mula sa P107 bilyong pondo nitong 2023, tinapyasan ang kabuuang badyet ng mga SUCs tungong P100.9 bilyon. Ang panukalang alokasyon para sa SUCs ay wala pang 1/3 ng hiling ng mga pamantasan na P331.3 bilyon. Inalmahan ito mismo ng 37 presidente ng iba’t ibang SUCs sa buong bansa kaya nag-akyat sila ng apela sa kongreso para labanan ang napipintong pagkaltas sa pondo para sa mahigit 2.1 milyong iskolar ng bayan.
Sobrang baba ng alokasyon sa capital outlay na ginagamit sa pagtatayo ng imprastraktura ng SUCs. Taliwas sa hinihinging P205.9 bilyon, P5.5 bilyon lamang ang nakatakda sa 2024. Masamang balita ito para kay Sam, 20 at 2nd year sa Cavite State University. “Sa aming campus, kulang ang mga klasrum para i-accommodate ang lahat ng estudyante kaya kailangan pang magklase sa gabi. Paano magkakaroon ng mataas na kalidad ng edukasyon kung kulang-kulang sa klasrum at kulang o walang pasilidad para sa mga laboratory?” tanong niya.
Taliwas din ang kaltas pondo sa panawagan ni Aida, isang manggagawa sa pabrika at magulang ni Lei, estudyante sa Batangas State University. Hiling niyang madagdagan ang pondo sa edukasyon. Para sa kanya, kailangang paramihin ang mga paaralang libre ang matrikula at pati ang mga guro.
Kailangan din ng suportang pinansyal ng mga estudyante lalo ng mahihirap, dagdag ni Lei. Aniya, may epekto sa mental health o kalusugan ng pag-iisip ng mga estudyante ang problema sa mga bayarin sa eskwelahan. Nababagabag din siya sa kawalang aksyon ng administrasyon ng pamantasan. “Pinangangatawanan yata nila ang bansag na pinakamahirap na school sa lalawigan,” aniya.
Galit ang mga kabataan sa tahasang pagpapabaya ng rehimeng US-Marcos-Duterte sa edukasyon. “Gusto nilang gawing mangmang ang mga kabataan kaya salat ang badyet sa edukasyon,” ani Tris.###