Pasan ng kababaihan ang kalahati ng imperyalistang kalangitan

,

Iniinda ng kababaihang Pilipino ang pinakamasasahol na epekto ng mga patakarang neoliberal na ipinataw ng imperyalismong US at papet na estado nito sa nakaraang apat na dekada. Dulot ng mga mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon, lalo silang natutulak sa laylayan ng lipunan, kung saan napipilitan silang magpakasapat sa mga trabahong impormal, di ligtas at mala-alipin ang sahod.

Mayorya sa kababaihan ay nakapaloob sa pinakapinagsasamantalahan at aping sektor ng lipunan—manggagawa, magsasaka at katutubo, maralita sa kanayunan at kalunsuran. Sa nakaraang dekada, mahigit kalahati sa kanila, edad 15 pataas, ang hindi ibinibilang sa pwersa ng lakas-paggawa dahil sa katangian ng mga trabahong ginagampanan nila. Kabilang sa mga ito ang milyun-milyong maybahay na tumutuwang sa mga trabaho sa sakahan at tumatanggap ng mga trabahong “sideline” habang pasan ang mabibigat na gawaing bahay at pag-aalaga ng mga anak. Noong 2022, bumibilang sa 20 milyon ang kababaihang wala sa pwersa ng lakas paggawa, walang trabaho at kulang o halos walang trabaho.

Pito sa bawat sampung kababaihang itinuturing na may trabaho ay nasa sektor ng serbisyo. Ang mga trabaho nila dito ay “low-skilled” o nangangailangan ng mababang kasanayan at di regular. Sa kabila ito ng relatibong mataas na naabot na antas ng edukasyon ng kababaihan.

Sa sektor ng pagmamanupaktura, 90% ng mga kababaihan ay “di regular” at napakaliit (2.7%) ang nakapaloob sa mga unyon. Marami-raming kababaihan ang matatagpuan sa mga pabrika ng malalaking dayuhang kapitalista sa loob ng mga export processing zone, kung saan bahagi sila ng internasyunal na assembly line (tinatawag ng mga imperyalista na global value chain). Sinasabing “mas gusto” ng mga dayuhan ang kababaihang manggagawa dahil sa kanilang pagiging kimi, husay sa trabahong madetalye tulad sa pag-asembol ng mga semiconductor o pananahi, at pleksibilidad sa obertaym. Ang totoo, ang mga katangiang ito ay hindi likas sa kababaihan, kundi bunsod ng desperasyong dala ng palagiang krisis sa empleyo, na sinasamantala ng mga kapitalista at mga ahensya sa paggawa.

Higit rito, mas mura sa pangkalahatan ang ipinasasahod sa kanila, kumpara sa kalalakihan. Sa industriya ng damit, halimbawa, mas mababa nang 17%-25% sa pangkalahatan ang antas ng kanilang sahod.

Literal na barya naman ang ipinangsasahod ng mga kumpanya sa pagmamanupaktura sa kababaihan sa maralitang mga komunidad na kinokontrata nila nang pakyawan para gampanan ang ilang bahagi ng gawain sa asembleya. Sila ang tinatawag ng International Labor Organization na mga manggagawang industriyal na “home-based.” Ilan sa kanilang mga trabaho ang maliitang pananahi, pagbuburda, pag-asembol ng maliliit na gamit pambahay, pagmamanupaktura ng pagkain, paggawa ng mga handicraft at dekorasyong panturista at iba pa.

Sa mga trabahong freelance, mas mababa nang 18.4% ang sahod ng kababaihang nasa trabahong digital, kumpara sa kalalakihan. Ito ay dahil sa “tradisyunal na pananaw” na mas angkop sa kababaihan ang tipo ng mga trabahong “di gaanong kumplikado” tulad ng encoding, kumpara sa “mas kumplikado” at may mas mataas na dagdag-halagang trabaho tulad ng digital design na diumano’y “mas angkop” sa kalalakihan.

Sa agrikultura, mas mababa nang 8%-15% ang natatanggap na sahod ng kababaihang manggagawang bukid, kumpara sa kakarampot nang sahod ng kalalakihan. (Parehong mas mababa ang kanilang arawan kumpara sa sahod ng manggagawa sa serbisyo at industriya, na pawang hindi nakasasapat para sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya.) Mas madalas, hindi pinasasahod ang kababaihan (at mga bata) dahil itinuturing na “ekstensyon ng gawaing bahay” ang ginagampanan nila sa produksyon.

Para mabuhay nila ang kanilang mga pamilya, maraming kababaihan ang iniiwan ang kanilang mga anak, lumalabas ng bansa para mamasukan bilang mga katulong, yaya at iba pang trabahong nagsasadlak sa kanila sa matinding pagsasamantala, pang-aapi, karahasan, at sa di iilang pagkakataon, kanilang kamatayan. Noong 2022, 1.10 milyong kababaihan (60.2%) ang nangibang-bayan, kumpara sa 726,000 kalalakihan (39.8%). Sa kabila nito, mas mababa ang taunang abereyds na naireremit ng kababaihang migranteng manggagawa (₱61,000) kumpara sa kalalakihan (₱126,000).

Sa kanayunan, iniinda ng kababaihang magsasaka ang laganap na kawalan ng lupa. Napakaliit na bilang (6.3%) ang may solo o kahating pag-aari ng lupa. Pasan nila ang problema sa mataas na presyo ng farm inputs, mababang presyo ng bilihan ng ani at pagkalugi sa panahon ng sakuna. Malaking mayorya ay baon sa pagkakautang sa mga usurero at institusyong microfinance, hindi lamang para sa produksyon, kundi patia sa araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.

Pasan ng kababaihan ang kalahati ng imperyalistang kalangitan