Al Nakba, ginunita sa gitna ng brutal na kampanyang henosidyo ng Zionistang Israel sa Palestine

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Kasabay ng milyun-milyong mamamayan sa mundo na nagsasagawa ng mga pagkilos bilang pakikiisa sa mga Palestino, nagmartsa patungong embahada ng Israel sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City ang mga kabataan at iba pang sektor noong Mayo 15. Muli nilang kinundena ang henosidyo ng US at Israel sa Gaza, laluna ang pananalakay ng mga ito sa Rafah, ang tinaguraing “huling sangtwaryo” ng daan-daanlibong Palestino.

Tinangkang buwagin ng mga pulis at mga gwardya ng BGC ang protesta, sanhi ng pagkasugat ng 15 raliyista.

Nagkaroon ng hiwalay na protesta sa Quezon City ang ibang grupong progresibo at pambansa-demokratiko kinahapunan.

Kaisa ang mga pagkilos sa internasyunal na panawagan para gunitain ang ika-76 anibersaryo ng Al Nakba (Ang Sakuna) kung saan unang marahas na pinalayas ng Zionistang kilusan ang mga Palestino sa kanilang lupa para itatag ang estado ng “Israel.” Sa buong mundo, pinaiigting ng mamamayan ang mga pagkilos laban sa Zionistang Israel sa harap ng walang awat na pambobomba at pang-aatake nito sa Gaza. Kabilang dito ang pagbwelo ng mga protestang estudyante sa mahigit 100 malalaking unibersidad sa US, gayundin sa France at Australia.

Ayon sa mga nagpuprotesta, ang kasalukuyang nagaganap na henosidyo sa Gaza ay higit na malala sa Nakba ng 1948 at sa gayon ay dapat walang tigil ang mamamayan sa buong mundo para itigil na ito.

Mula Oktubre 7, 2023, mahigit 38,000 Palestino na ang pinatay ng US-Israel sa Gaza, at mahigit 2 milyon na ang nawalan ng tirahan at napalayas sa kanilang mga komunidad.

Al Nakba, ginunita sa gitna ng brutal na kampanyang henosidyo ng Zionistang Israel sa Palestine