Unang taong pagkamartir nina Ka Hunter at Ka Mamay, ginunita
Iginawad ng Lucio de Guzman Command (LdGC)-BHB Mindoro ang pinakamataas na Pulang saludo sa isang taong anibersaryo ng pagkamartir nina Arc John “Ka Hunter” Varon at Nancy “Ka Mamay” Looy Yaw-an na namartir sa depensibang labanan noong Mayo 30, 2023 sa Brgy. Malisbong, Sablayan, Occidental Mindoro.
Ayon kay Madaay Gasic, tagapagsalita ng LdGC, “Isang taon mula nang sila’y paslangin ng mga berdugong sundalo ng 68th IBPA, nananatiling buhay ang kanilang diwa at alaala sa buong rebolusyonaryong kilusan. Ang kanilang buhay at pakikibaka ay inspirasyon namin sa araw-araw na pakikihamok sa kaaway at pagharap sa kahirapan, sakripisyo at kamatayan.”
Raling iglap sa PUP
Naglunsad naman ng iglap-protesta ang mga kasapi ng Kabataang Makabayan (KM)-Kira Mindoro sa kampus ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, Manila noong Mayo 29 para gunitain ang unang anibersaryo ng pagkamartir ni Ka Hunter. Namahagi sila ng polyeto na nagpapakilala sa buhay at pakikibaka ni Ka Hunter. Ipinanawagan din nila sa mga kapwa kabataan at iskolar ng bayan na sundan ang yapak ni Ka Hunter at sumapi sa BHB.
Si Ka Hunter ay dating estudyante ng PUP na nag-aral ng kursong BS Chemistry. Doon, namulat siya sa tunay na kalagayan ng kabataang Pilipino at buong lipunan hanggang sa sumapi sa KM. Sumapi siya sa BHB Mindoro noong 2020 at ginampanan nang buong husay ang mga tungkuling iniatang sa kanya ng Partido.