Aurora, ginagawang engklabong industriyal-militar ng US at AFP

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Noong Marso, binisita ni Gilbert Teodoro Jr, kalihim sa depensa, ang isang baseng nabal sa Casiguran, Aurora. Ang baseng ito ay itinayo ng AFP sa pakikipagtulungan ng Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority (APECO) para kontrahin diumano ang presensya ng China sa Benham Rise. Bago nito, pumasok sa kasunduan ang APECO sa Philippine Aerospace Development Corporation (PADC) para itransporma ang engklabo bilang “defense hub” (sentrong pandepensa) ng bansa. Layunin ng pagsasanib na ito ang pagtatayo ng sonang pang-industriyal-militar sa loob ng 12,923-ektaryang engklabo ng paggawa.

Ani Teodoro, ang transpormasyon ng APECO ay alinsunod sa Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC) ng AFP, na nakabalangkas sa pangkalahatang estratehiya ng US sa Asia Pacific. Gagamitin diumano ang APECO para sa Self-Reliant Defense Posture Program na nakapailalim sa modernisasyon ng AFP. Magiging sentro ito ng pagmamantine at pagkukumpuni ng mga sasakyang panghimpapawid ng militar. Ipinagmamayabang din nitong magiging sentro ito ng pagmamanupaktura ng mga drone.

Libu-libong magsasaka, mangingisda at katutubong Aeta sa Casiguran ang inagawan ng lupa at pinalayas sa kanilang mga komunidad nang unang inilatag ang APECO. Ang transpormasyon nito tungo sa base at engklabong industryal-militar ay lalong magpapalala sa panunupil at pangangamkam ng lupa ng masang magsasaka at katutubo sa prubinsya.

Ipinangtatakot at aktwal na ginagamit ng AFP sa mamamayan ang mga modernong kagamitan nito sa pambobomba, panganganyon at walang patumanggang pamamaril sa komunidad ng magsasaka. Kamakailan lamang, binomba nito ang mga komunidad sa Dipaculao at Maria Aurora. Gamit ang mga drone, pinaigting nito ang pagmamatyag sa aktibidad ng masa at buong sibilyang populasyon.

Aurora, ginagawang engklabong industriyal-militar ng US at AFP