Batayang Kurso ng Partido, idinaos sa Surigao del Sur

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Nakapagtapos ng Batayang Kurso ng Partido (BKP) ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas noong unang linggo ng Mayo sa kabundukan ng Surigao del Sur. Ang pag-aaral ay inilunsad sa istagard na paraan bilang pag-angkop sa sitwasyong militar at iba pang mga gawain ng hukbong bayan sa naturang prubinsya.

Nagsimula ang pag-aaral sa BKP noong Abril 10 at upisyal na nagtapos noong Mayo 3. Isang seremonya ng pagtatapos ang inilunsad nila noong Mayo 6 na may temang “Ang tagumpay ng BHB, Tagumpay ng Mamamayan.”

Sa loob ng dalawang oras na programa, nagbigay ng mga mensahe ang mga upisyal ng yunit ng BHB at mga nagsipagtapos. Makukulay na pagtatanghal din ang ipinamalas ng mga mandirigma sa programang pangkultura.

Tugon ang pag-aaral sa iniatas ng Komite Sentral na pagpapatupad sa kilusang pagwawasto. “Inilunsad namin ang BKP para maarmasan ng teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo ang aming pwersa laluna ang mga narekrut sa Partido na hindi kaagad nabigyan ng edukasyon dahil sa mahirap na kalagayang hinarap bunga ng internal na mga kahinaan,” pahayag ng yunit.

Sa seremonya ng pagtatapos, muli silang nanumpa sa Pulang bandila ng Partido para pagtibayin ang kanilang paninindigan at sariwain ang kanilang panata.

Batayang Kurso ng Partido, idinaos sa Surigao del Sur