Hindi kaibigan ng sambayanang Pilipino ang imperyalismong US

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Pawang pambibilog sa ulo ng sambayanang Pilipino ang matatayog na deklarasyon ng gubyernong US na pagiging “kaibigan, katuwang at kakampi,” o ng kanilang “balot sa bakal na pangako” na “ipagtatanggol ang Pilipinas.” Sa iba’t ibang yugto ng mahigit isang siglong kasaysayan ng bayan, paulit-ulit na pinalalabas ng US na ito ay alyado ng sambayanang Pilipino sa kanilang pakikibaka para sa kalayaan. Tulad noong pinalabas ng US na ito ang tumapos sa 300-taong pananakop ng Kastila sa Pilipinas, o kaya’y nagpalayas sa Japan noong ikalawang digmaang pandaigdig, pinalalabas ngayon ng imperyalismong US na ito ang magtatanggol sa Pilipinas laban sa China.

Sa okasyon ng ika-126 taon ng deklarasyon ng huwad na kalayaan ng Pilipinas, marapat lamang na balik-aralan ng sambayanang Pilipino ang buong kasaysayan ng pananakop at paghahari ng imperyalismong US sa Pilipinas, panlilinlang, pang-aapi sa bayan at pandarambong sa yaman ng bansa.

Higit ngayong dapat ilantad ang mga kasinungalingang ito ng US sa harap ng lumalaking banta sa kaligtasan ng Pilipinas dahil sa panunulsol ng US ng gera sa South China Sea laban sa imperyalistang karibal nitong China. Katuwang ang papet na rehimeng Marcos, itinutulak ng US ang bahaging ito ng mundo sa bingit ng armadong sigalot. Maihahalintulad ito sa ginawa nitong panunulsol ng gera sa Ukraine laban sa Russia, at pagsuporta sa Israel sa henosidyo laban sa mamamayang Palestino sa Gaza, na kapwa nagresulta sa malawak na pagkawasak at pagpuksa sa ilampung libong buhay.

Ang mga sigalot ngayon sa South China Sea ay tuwirang resulta ng idineklara ng imperyalismong US na “pihit sa Asia” noong 2011 bilang estratehiya sa pagharap at paghamon sa lumalaking kapangyarihan sa ekonomya at militar ng China. Habang pinaigting ng US ang pakikipagtunggali sa karibal nito sa ekonomya at kalakalan, pinatitindi rin nito ang armadong paghamon dito, laluna sa pamamagitan ng pagpapalakas ng presensyang militar nito sa mga isla o bansang pinakamalapit sa palibot ng China.

Tuluy-tuloy na pinakakapal ng US ang presensya ng mga pwersang militar nito sa South China Sea. Noong nakaraang taon, kabilang ang tatlong carrier strike group ng US (USS Nimitz, USS Carl Vinzon, USS Ronald Reagan) na tinatauhan ng hanggang 7,500 tropa kada isa, ang pumasok sa South China Sea at paulit-ulit na naglayag sa palibot nito nang 30-35 araw. Kadalasang pumapasok ang US sa Bashi Channel sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan, at paikot-ikot sa South China Sea at West Philippine Sea.

Liban sa mga ito, nasa South China Sea rin at iba pang karagatan sa palibot ng China ang samu’t saring mga barkong pandigma ng US, 11 submarinong may dalang mga armas nukleyar, hindi mabilang na mga eroplano at iba pang kagamitan, at libu-libong tropang Amerikano na nagsagawa ng iba’t ibang maniobra, pagsasanay at paniniktik sa lugar. Noon lamang nakaraang taon, hindi bababa sa 1,000 ulit na nagsagawa ang US ng pagpapalipad ng mga eroplanong pangsarbeylans at pambomba, kabilang ang 100 beses na paglapit ng mga ito sa mga baybayin ng China na muntikang makasagupa ng mga eroplano ng China.

Kinakasabwat ng US ang mga tau-tauhan nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga operasyon sa South China Sea. Nagtayo ang US ng bagong mga base militar sa 17 lugar, kabilang ang siyam sa loob ng mga kampo ng AFP sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), upang magsilbing imbakan ng armas, pahingahan ng mga tropa, at posibleng lunsaran ng mga misayl. Ilang barko na ang ibinenta o inilipat ng US sa AFP upang magamit ng Philippine Navy kasabay ng mga operasyon ng US.

Upang pangalagaan ang sariling seguridad, nagpapalakas din ang China ng presensya nito sa South China Sea. Mula 2013, nagtayo ito ng hindi bababa sa pitong pasilidad militar sa Spratly Islands, kabilang ang tatlo na nasa saklaw ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Labis ang pangangamba ng China na maging ang Scarborough Shoal, na may mahaba nang kasaysayang pinagsasaluhan ng mga mangingisdang Pilipino at Chinese, ay pinwestuhan na nito ng bantay na mga Coast Guard. Inaapak-apakan ng China ang mga karapatan ng Pilipinas, partikular na ng maliliit na mangingisdang Pilipino.

Agresibo rin ngayong iginigiit ng China na dapat tumalima ang Pilipinas sa dating pangako nito (simula pa sa panahon ni Arroyo) na hindi magtatayo ng permanenteng istruktura sa Ayungin Shoal. Tugon ito sa tahasang pagsasaisantabi ng AFP sa usapan simula Marso 2023, nang magdala ng mga kagamitang pangkonstruksyon sa mga “supply mission” patungo sa nakasadsad doon na BRP Sierra Madre. Ang pag-angkin ng Pilipinas sa Ayungin, na kinatigan ng International Arbitral Tribunal alinsunod sa United Nations Convention on the Laws of the Seas (UNCLOS) ay marapat na idinaan ng Pilipinas sa pormal na pakikipagdayalogo sa China. Sa halip, idinadaan ito ngayon ni Marcos at ng AFP sa mga probokatibong aksyong militar, sa sulsol ng US, na sinagot naman ng China sa agresibo at mapanghamok na paraan.

Ang pang-uudyok ng US ang nagpapalala ng hidwaan ng Pilipinas at ng China, partikular na sa mga hangganan ng kani-kanyang teritoryong pangkaragatan, mga usapin na marapat plantsahin sa mapayapang usapan, o maging sa larangang ligal o diplomatiko, na ngayo’y nagiging mahirap gawin dahil sa pang-uupat ng militar ng US. Sa halip na igiit ang sariling interes ng bansa para sa mapayapang pakikipamuhay sa China at iba pang mga katabing bansa, nagpapagamit si Marcos sa among imperyalistang US at hinahayaang kaladkarin ang Pilipinas at gamitin itong instrumento sa panunulsol ng digmaan.

Sa harap ng kasalukuyang sitwasyon, dapat mabatid ng sambayanang Pilipino na hindi nila kaibigan, katuwang o kakampi, ngayon o sa nakaraan, ang imperyalismong US. Kumikilos ang US hindi para sa interes ng Pilipinas o ng anumang bansa, kundi para sa sariling interes na ipataw ang hegemonya sa iba’t ibang panig ng mundo.

Hindi kaibigan ng sambayanang Pilipino ang imperyalismong US