Operation Kagaar: Brutal na gera laban sa mamamayang Indian

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Duguan ang kamay ng reaksyunaryong estado ng India sa mas pinatinding gera ng panunupil laban sa mamamayan nito. Simula Enero, ipinatutupad nito ang Operation Kagaar, bahagi ng pinalawak na pagpapatupad sa kontra-insurhensyang kampanya na Operation SAMADHAN-Prahar. Hindi bababa sa 130 sibilyan at mga rebolusyonaryo na ang napaslang sa marumi at brutal na operasyong ito sa nakaraang limang buwan.

Sa direktang salin, nangangahulugan ang salitang kagaar ng “katapusan.” Ayon sa estado ng India, layunin ng naturang operasyon na tuluyan nang wakasan ang armadonag rebolusyonaryong kilusan ng mamamayang Indian, na pinamumunuan ng Communist Party of India (Maoist), na ngayon ay nasa “bingit” na ng pagkatalo.

Pangunahing ipinatutupad ang operasyon sa Abujhmaad (o Maad), isang mabundok at magubat na rehiyon sa timog ng estado ng Chhattisgarh. Layon nitong “palayain ang Maad” na sinasabing panguhaing kuta ng mga Maoista. Sa kasalukuyan, ipinatutupad na ito sa mas malaking bahagi ng rehiyong Dandakaranya na nasa saklaw ng mga estado ng Chhattisgarh, Odisha, Telangana, at Andhra Pradesh sa Central India.

Binansagan ang operasyon bilang “opensibang militar” laban sa mga Maoista, pero ang totoo, tinarget nito ang lahat ng partido, organisasyon at indibidwal na nagsasalita laban sa estado.

Pagyurak sa internasyunal na makataong batas

Lantarang nilalabag ng Operation Kagaar ang internasyunal na makataong batas, mga alituntunin sa digma at mga natatanging proteksyon ng mga bulnerableng sektor sa panahon ng armadong sigalot. Pinakamalaking biktima ng pasismong Brahmanic Hindutva (pasismo ng estadong Indian laban sa mga minoryang relihiyon at mababang grupong panlipunan) ang mga Adivasi o mga katutubo.

Sa loob lamang ng dalawang linggo noong Mayo, 22 na mga Adivasi, kabilang ang dalawang bata, ang pinaslang ng mga pwersang militar sa Chhattisgarh.

Minasaker ng paramilitar sa Bijabur ang 12 Adivasi noong Mayo 11. Kumukuha ng mga dahon ng tendu (ginagamit na pambalot ng sigarilyo) ang mga biktima nang damputin at paslangin. Ikinulong pa ng estado ang 30 mga aktibista, mga balo ng biktima, at pamilya na kukuha sana sa mga bangkay ng minasaker.

Kinabukasan, dalawang bata ang namatay at marami ang nasugatan sa pagsabog ng isang nasaging bala ng mortar na iniwan ng mga paramilitar sa Odspara, Bijapur. Ang mortar ay kabilang sa maraming bala ng kanyon na hindi pumutok nang manganyon ang mga pwersang militar sa kagubatan ng naturang lugar.

Noong Mayo 24, walong magsasakang Adivasi ang inaresto at pinatay sa pamamaril ng pwersang militar ng India sa Rekavaya, nasa hangganan ng Bijapur at Narayanpur. Isa pang magsasaka ang nasugatan dito.

Samantala noong Abril 16 sa kagubatan ng Aapatola-Kalpar, distrito ng Kanker, brutal na tinortyur bago sadyang pinaslang ng pwersang militar ng India ang 11 hindi armadong mga rebolusyonaryo at anim na iba pang nasugatan sa unang bugso ng pag-atake. Namartir sa unang pag-atake ang 12 mandirigma ng People’s Liberation Guerilla Army.

Sadyang pinatay din matapos maaresto sa Kakur-Tekametta sa hangganan ng estado ng Chhattisgarh at Maharashtra noong Abril 30 ang 66-taong gulang na si Cheemala Narasayya (Ka Joganna), kasapi ng panrehiyong komite ng CPI (Maoist). Sa araw na iyon, apat na Adivasi ang pinaslang sa pamamaril sa lugar na iyon.

Karaniwang pinalalabas ng pwersang militar ng India na napapaslang ang mga biktima sa mga “engkwentro” nito sa mga Maoista. Liban pa, sunud-sunod ang pagtatayo ng mga kampo-militar sa mga komunidad sa saklaw ng Maad.

Katambal ang Operation Kagaar at kaakibat nitong militarisasyon sa korporatisasyon at pagpasok ng malalaking mga kumpanya sa mayamang kagubatan ng India. Sa tabing ng paglaban sa mga Maoista, nagsisilbi ang mga operasyong ito sa pagpapatindi ng pandarambong ng mga dayuhang malalaking korporasyon sa likas na yaman ng bansa.

Operation Kagaar: Brutal na gera laban sa mamamayang Indian