Koresponsal Hacienda Roxas: Patunay ng kabulukan ng CARP

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pilit na ipinamumukha ni Ferdinand Marcos Jr na nakikinabang ang mga magsasaka sa bogus na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa ilalim ng kanyang rehimen. Sa nagdaang mga buwan, kaliwa’t kanan ang pag-iikot sa bansa para sa palabas na seremonya ng pamamahagi ng mga Certificates of Land Ownership Awards (CLOA). Ang totoo, hungkag ang mga palabas na ito dahil nananatiling kontrolado ng iilang panginoong maylupa ang mga lupang sakahan sa bansa.

Patunay dito ang kaso ng 7,000-ektaryang Hacienda Roxas sa Nasugbu, Batangas. Nahahati ito sa tatlong parsela: ang Hacienda Palico, Hacienda Banilad, at Hacienda Kaylaway na sumasaklaw sa iba-ibang mga baryo.

Noong dekada 1980, sumibol ang pakikibakang masa sa Hacienda Roxas na pinangunahan ng mga manggagawa ng Central Azucarera de Don Pedro, mga manggagawang bukid, at mga tenante ng lupa sa loob ng asyenda. Binuo nila ang Damayan ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Roxas-National Federation of Sugar Workers (DAMBA-NFSW) at Katipunan ng mga Magbubukid sa Hacienda Roxas Inc. (KAMAHARI) para pamunuan ang laban para sa makatarungang sahod, makataong kondisyon sa paggawa at iba pang karapatan.

Matapos bumagsak ang diktadurang Marcos Sr at pinalitan ito ng rehimeng Aquino I, ipinailalim sa CARP ang 2,941 ektarya ng asyenda. Nang mabigyan ng CLOA ang mga magbubukid noong 1988, sinamantala ng sabwatan ng Department of Agrarian Reform (DAR), Roxas and Company Inc (RCI), at oportunistang dating lider ng DAMBA-NFSW na si Roy Mahinay at kanyang asawang si Atty. Nenita Mahinay, na noo’y kumatawan sa mga magbubukid, ang napakaraming butas ng CARP upang pigilan ang pamamahagi ng lupa.

Palihim na ibinenta ng mag-asawang Mahinay ang laban ng mga magbubukid at pumanig sa panginoong maylupang RCI. Matapos ang ilang dekadang mga pangako, naglabas ng Consolidated Order ang DAR noong Disyembre 2023 kung saan nakasaad ang kunwa’y pag-atras RCI at mga magbubukid sa lahat ng mga naunang petisyon. Alinsunod dito, ipauubaya ang usapin ng pagmamay-ari ng lupa sa korte. Ang totoo, hindi sumang-ayon dito ang mga magbubukid at ang tanging nagpakana rito ay si Atty. Mahinay, batay sa dikta ng panginoong maylupang RCI.

Sa atas ng DAR, susundin ang huwad na “50-50 win-win solution” na inirekomenda ng Korte Suprema batay sa hiling ng RCI. Kakanselahin ang naunang mga “mother CLOA” at inatasan ang libu-libong magbubukid na muling magsumite ng mga papeles para mabigyan sila ng indibidwal na mga CLOA.

Sa isang kumpas lamang ng mga panginoong maylupa ay agad napawalang-bisa ang mga CLOA at agarang maaagaw ang lupa sa mga magsasaka. Sa akwal, walang naganap na pamamahagi ng lupa sa loob ng 36-taong pag-iral ng CARP sa asyenda. Walang iba kundi kapirasong papel ang kanilang nahawakan at hindi ang ganap na pag-aari sa lupang kanilang sinasaka.

Hacienda Roxas: Patunay ng kabulukan ng CARP