Koresponsal Hindi kailanman masasaid ang suporta sa rebolusyon ng masa sa Samar

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Magsalin-salin man ng henerasyon ng masang magsasaka sa Samar, hindi masasaid ang kanilang suporta sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ito ang mensahe ng rebolusyonaryong masa sa prubinsya nang magkaroon ng pagkakataong muling makasalamuha ang BHB matapos ng ilang panahong pagkaputol ng ugnay.

“Pinalaki kaming magkakapatid ng aming mga magulang na mataas ang pagrespeto sa mga kasama,” pahayag ni Ka Amboy sa isang simple pero makabuluhang pagdiriwang sa ika-55 anibersaryo ng BHB noong Marso 29. Kahit di siya pamilyar sa karamihan sa bagong mandirigma na dumaitng sa kanila, di siya nanibago at agad niyang nakapalagayang-loob ang mga kasama. “Naaalala ko ang sinasabi ng aking ama, na kahit saan kami mapunta at makakita kami ng NPA, atin iyan, dahil ang kanilang ipinaglalaban ay para sa tulad nating mahihirap.”

Laging pinaaalalahanan ni Ka Amboy ang kanyang mga kababaryo na nakamit nila ang mga tagumpay sa kabuhayan at mumunting biyaya mula ng gubyerno dahil sa rebolusyonaryong kilusan. Buong-tiwala nilang sinabi na marami pa rin ang tumatangkilik, nagmamahal at kumakampi sa BHB sa kanilang baryo dahil dito.

Nagpasalamat naman ang isa pang magsasaka sa mga mandirigma, na karamihan ay kabataan. “Ipinagpapatuloy ninyo ang pakikibaka na kinamatayan ng kapatid ko,” pahayag ni Ka Ambon. Namartir sa isang labanan ang kanyang kapatid noong 1987. Nais sana niyang magpultaym din pero marami siyang maliliit na anak noon. “Ngayon, hindi ko naman na kaya dahil matanda na ako at rayumahin na,” aniya. “(N)agpapasalamat ako sa inyo dahil nagpapatuloy kayo. Hindi man ako makasama sa inyo, kahit anong oras na kailangan n’yo ako, tutulong ako at ang aking pamilya.” Handa rin siyang suportahan kung sakaling sumapi sa hukbong bayan ang sinuman sa kanyang mga apo.

Ipinaabot ng taumbaryo ang kanilang pasasalamat sa pagtulong ng BHB sa kanilang mga sakahan. “Kahit wala kami doon, kahit di namin alam, patuloy kayong tumutulong sa amin sa bukid,” ayon naman kay Ka Huling. “Salamat talaga sa inyo. Sa totoo lang, dito sa inyo ko naramdaman ang tunay na kaligayahan ng paglilingkod. Kaya tunay na masaya ako kapag kasama kayo. Mahal talaga namin kayo.”

Pagbabahagi ng masa, muntik na silang napaniwala ng militar na wala nang hukbong bayan sa kanilang lugar dahil sa matagal-tagal na panahong di sila napuntahan ng yunit ng BHB. “Kaya nang mabalita namin na may mga kasama, nabuhayan kami ng loob,” ayon kay Ka Bining, isa sa mga dumalo sa pagtitipon. Pero kwento niya, nag-ingat din sila at baka mga nagkukunwari lamang na mga bagong salta na Pulang mandirigma. Napalagay naman ang loob niya nang makasalamuha niya ang mga mandirigma.

“Tama ako na hindi kailanman pwedeng mawala ang NPA basta hindi pa tayo nagtatagumpay,” aniya.

Ikinwento niya na hindi niya kailanman ipinagkanulo ang mga kasama. “Hindi ako nagbago, kahit nagtagal dito ang kaaway, hindi ako nagsurender,” aniya. “Ang alam ko, sa akin lang, hanggang ngayon napanatili ko ang mga sikreto.”

Liban sa makapagdadaming mga salita, nag-alay ng kanta at ibang kulturang pagtatanghal ang masa, na lubos na kinagiliwan at nakapagpataas ng moral sa mga kasama. Nagpasalamat rin ang mga kasama sa matapang at mainit na pagtanggap sa kanila ng mga residente at ang pagsisikreto sa kanilang presensya at galaw sa mata ng militar. Habang nagsasama-sama ang masa at hukbo sa lugar na iyon, hindi bababa sa 40 kolum ang nag-ooperasyong militar sa mga barangay na sakop ng mga bayan ng San Jose de Buan, Gandara, San Jorge, Catbalogan, Motiong, Jiabong at Paranas sa Samar at sa mga baryo ng Can-avid at Dolores sa Eastern Samar. Nasa 80 baryo ang nakapailalim sa mga operasyong RCSP.

Sa pagtitipon na iyon, kolektibong pinagtibay ng mga Pulang kumander, mandirigma at rebolusyonaryong masa ang kanilang dedikasyon at kapasyahang isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka. Armado ng mga aral sa nakaraan, determinado silang igpawan ang natukoy na mga kahinaan at gawin ang lahat ng pagsisikap para tumugon sa panawagang pag-apuyin ang armadong pakikibaka at sumulong na may ibayong lakas.

Hindi kailanman masasaid ang suporta sa rebolusyon ng masa sa Samar