Koresponsal Kilusang pagwawasto sa Negros sa gitna ng matinding operasyong militar

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa gitna ng walang patid na terorismo at pasistang panunupil sa Negros, pursigidong ipinatutupad ng mga kadre at kasapi ng Partido sa isla ang panawagan ng Komite Sentral noong Disyembre 2023 na isulong ang kilusang pagwawasto.

Ginamit nitong praktikal na sanggunian ang Rebolusyon, pahayagang teoretikal ng Partido Komunista ng Pilipinas, at ang mga sulatin ni Jose Maria Sison sa mga pagtitipon-tipon, pulong, pagtatasa, pagsusuri at paglalagom ng mga magkakaugnay na rebolusyonaryong gawain sa lahat ng mga larangang gerilya sa isla. Naging positibo ang resulta nito sa buong rebolusyonaryong kilusan sa Negros. Napabilis ang pagkakaisa sa pagtukoy sa mga kahinaan mula sa kolektibong pagsusuri sa praktikal na mga usapin at rebolusyonaryong gawain, laluna sa mga kahinaan sa armadong pakikibaka na nagdulot ng negatibong epekto sa pangkabuuang pagsulong.

Sa unang kwarto ng 2024, nirepaso ng Partido sa Negros ang 22 taong komprehensibong paglalagom ng rebolusyonaryong karanasan sa rehiyon mula nang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto hanggang taong 2016. Naging batayan ito para sa komprehensibong paglalagom ng Partido sa isla sa gawaing ideolohiya, pulitika at organisasyon sa taong 2017-2022, at para tukuyin at iwasto ang iba’t ibang porma ng kamalian at kahinaan.

Sa pagpapatupad ng kilusang pagwawasto, nagtalaga ng mga responsableng kadre ng Partido upang ibwelo ang kilusang pag-aaral. Kahit sa harap ng matinding atake ng kaaway sa mga baseng gerilya, patuloy ang paglulunsad ng kolektibong pag-aaral ng mga dokumento ng Partido sa una at ikalawang kilusang pagwawasto. Lalong naging masigla ang mga pag-aaral sa loob ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan hanggang sa lokal na mga yunit ng Partido dahil sa aktibong partisipasyon ng mga mag-aaral mula sa nakababata at nakatantandang kadre at kasapian. Kolektibo nilang pinag-aralan ang pahayag ng Komite Sentral at Komiteng Panrehiyon ng Partido sa Isla ng Negros sa ika-55 na taong anibersaryo ng Partido.

Inilunsad din ang konsentradong pag-aaral ng mga aktibista at bagong rekrut sa BHB sa Batayang Kurso ng Partido. Sa pag-aaral ng Imperyalismo, binigyang diin ang kasalukuyang krisis na nagbunga sa malaganap na gera mula sa panunulsol ng imperyalistang US sa mga kaalyadong bansa nito lalo na sa matinding bangayan ng US-China at ang kongkretong epekto nito sa mamamayang Pilipino. Bukod dito, inilunsad ang pagtatasa sa isang taong programa ng Partido sa bawat larangang gerilya at mga pagpuna at pagpupuna sa sarili, habang inilulunsad ang indibidwal na pagtatasa sa loob ng BHB.

Ayon kay Ka Marga, “sa pagrerebolusyon, kailangan ang walang pag-aalinlangan sa pag-aaral ng mga batayang prinsipyo at walang pagod na pagsusuri sa obhetibong kalagayan at higit sa lahat ang pagbrektru sa pagpapalakas ng taktikal na opensiba para samsamin ang mga armas mula sa kaaway.”

Ayon kay Ka Dayan, isa sa mga instruktor sa mga pag-aaral, napatingkad pa ang kaalaman niya sa mga batayang prinsipyo ng Partido habang nagbibigay ng pag-aaral. Habang hindi inakala ni Ka Victor, isa sa mga nakatatandang kadre ng Partido mula sa IDKP, na parang nagbabalik-tanaw siya sa mga pangyayari sa kasaysayan ng Partido at rebolusyon.

“Hinahamon tayo ng napakatinding panahon at kontradiksyon. Huwag matakot. Ang tunay na kalayaan ay hindi kathang-isip kundi matatamo ito sa pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos ng masa upang maghimagsik!” sabi ni Ka Yan, isa sa mga nakababatang kadreng mag-aaral.

Inatasan ng Partido sa isla ang lahat ng yunit ng BHB na magpursige sa gawaing rekoberi, konsolidasyon at pagpapalawak. Kailangang abutin ang mga lugar na matagal nang hindi nabalikan, lalo na ang mga lugar na hindi pa naabot. Inatasan din ang mga komite ng Partido na gabayan ang masigasig na pagsulong ng masa sa mga kontra-pyudal at kontra-pasistang kampanya sa kanayunan at idugtong at i-angat ito sa antas ng kontra-imperyalista at kontra-pasistang kampanya sa kalunsuran upang kamtin ang kanilang mga demokratikong interes.

Higit sa lahat, dapat maglunsad ng matatagumpay na taktikal na opensiba at makasamsam ng mga armas ng pasistang kaaway gamit ang wastong taktika, teknika at pamamaraan ng pakikidigmang gerilya.

Kilusang pagwawasto sa Negros sa gitna ng matinding operasyong militar