Magkahiwalay, pero magkasama pa rin

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Muling tumampok kamakailan ang usapin ng diborsyo nang ipinasa ng mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang pagsasabatas nito sa Pilipinas. Kaiba sa annulment (pagpapawalambisa) at ligal na paghihiwalay, ang ligal na opsyon ng diborsyo ay paglusaw ng kasal, pagbabalik sa katayuang “single” ng mag-asawa at pagpapahintulot sa kanila na magpakasal sa iba.

Nasa batas na sa lahat ng bansa sa buong mundo ang diborsyo, liban sa Pilipinas at Vatican City. Sa kalakhan, kinikilala ang diborsyo bilang kaparatan ng kababaihan para magkamit ng hustisya, laluna sa mga kaso ng karahasan sa loob ng pamamahay, kasal sa bata at pinansyal na pang-aalipin. Binibigyan nito ang kababaihan ng ligal na opsyon para umalis sa mapang-api at mapaniil na mga pagsasama, magkaroon ng pampinansyang independensya at hamunin ang kaayusang patriyarkal kung saan itinuturing silang pagmamay-ari ng kanilang mga asawa.

Kahit hindi nakasaad sa batas, ang paghihiwalay sa Pilipinas ay isang karaniwang reyalidad o obhetibong kalagayan sa hanay ng mamamayan. Ito ay dahil umiiral ang kabulukan sa lipunan na lumilikha ng mga kundisyon ng paghihiwalay ng mag-asawa.

Sadyang mahihina, kundiman nakatatawa, ang mga argumento laban sa diborsyo. Hindi balakid sa maraming bansa ang relihiyon para kilalanin ang pangangailangan sa pagsasabatas dito para gabayan ang mga paghihiwalay at tiyakin ang mga karapatan at kagalingan ng lahat ng nasasangkot.

Sa loob ng rebolusyonayong kilusan, kinikilala ang diborsyo bilang karapatan sa ilalim ng mga alintuntunin sa kasal. Saklaw ng mga alituntuning ito ang mga relasyong lalaki at babae, at sa pagitan ng mga indibidwal na may parehong-kasarian. Nagmumula ang pagkilalang ito sa dialektikal na materyalistang pananaw na nagbabago ang mga bagay, kabilang ang relasyon sa loob ng isang kasal. Pagkilala rin ito sa umiiral na katotohanang mayroong mapang-api, di-patas at mapang-abusong mga pagsasama, gayundin ang posibilidad na maglaho ang pag-ibig at tiwala sa pagitan ng mag-asawa.

Itinayo at pinauunlad ng mga rebolusyonaryo ang relasyong magkasintahan at mag-asawa sa pundasyon ng class love (pagmamahal sa kauri) at sex love (pag-ibig sa indibidwal). Bago pumasok sa kasal, hinihingi sa bawat kasama na pag-isipan at seryosong paghandaan ang buhay mag-asawa at rebolusyonayong pagpapamilya. Kapag humantong sa diborsyo, idinadaan ito sa proseso kung saan inihahapag ang petisyon para sa paglusaw ng kasal sa mga yunit, at kolektibo itong sinusuri at pinagpapasyahan.

Sinasang-ayunan ang diborsyo sa mga kasong mayroong pagtatraydor o pagiging sagad-saring kontra-rebolusyonaryo ng isa sa mag-asawa; pagtataksil, bigamiya, o pagmamalupit o pagtatangka sa buhay ng asawa; kabiguang ipatupad ang mga tungkulin bilang asawa sa loob ng limang taon dahil sa pagkahuli ng kaaway o permanenteng kapansanang pisikal (kung pagkakasunduan ng mag-asawa); kung isa sa mag-asawa ay kusang lumisan sa kanyang pananagutan sa loob ng dalawang taon o nawalan ng ugnay nang limang taon; kung ang mag-asawa ay may personal na di pagkakasundo na nagbunga sa pagkasira ng relasyon, at ang relasyon ay naging pabigat na sa mag-asawa at sa gawain nila sa Partido.

Sa mga kaso ng malulubhang paglabag, tulad ng sukdulang pagtataksil sa asawa, pagdadalawang-asawa, kalupitan o pagtatangka sa buhay ng asawa, ipinapataw ng Partido ang may-bigat na parusa, kabilang ang pagpapatalsik sa nagkasala sa organisasyon.

Tinitiyak ng mga kolektiba ng mag-asawang nagdidiborsyo na nabibigyan ang kanilang mga anak ng suportang moral, emosyunal, sikolohikal at pinansiyal—alinsunod sa umiiral na mga patakaran.

Bilang mga rebolusyonaryo, pinanghahawakan ng mga mag-asawang hiwalay ang pag-ibig sa uri kahit lusaw na ang pag-ibig sa pagitan nila. Tumatayo silang mga modelo habang nagtutuluy-tuloy sa pagkilos at pagtangan sa kanilang mga tungkulin sa Partido at rebolusyon. Ang mga nakapailalim sa aksyong pandisiplina ay ginagabayan ng Partido para puspusang makapagwasto at makapagpanibagong-hubog.

Magkahiwalay, pero magkasama pa rin