Mga protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

 

Protesta kontra-henosidyo sa mga Palestino. Nagprotesta noong Hunyo 8 ang iba’t ibang grupo at sektor sa embahada ng Israel sa Taguig City para batikusin ang Zionistang estado nito sa nagpapatuloy na henosidyo sa mga Palestino. Ginunita nila ang ika-8 buwan, mula Oktubre 7, 2023, ng pag-atake at pambobomba ng Israel, sa suporta ng US, sa Gaza. Sa tala noong Hunyo 17, umabot na sa 37,347 ang pinaslang ng Israel sa Gaza.

“Trespass rule” ng China sa WPS, binatikos. Nagprotesta sa harap ng konsulado ng China sa Makati City ang mga mangingisda at iba pang demokratikong organisasyon noong Hunyo 14 para ipanawagan ang pagtatanggal sa “tresspass rule” o bantang panghuhuli ng China sa mga “dayuhang” papasok sa “teritoryo” nito sa South China Sea. Ipinatupad ito ng Chinese Coast Guard simula Hunyo 15. Ayon sa utos, idedetine ng China ang mga maaaresto mula 30 hanggang 60 araw.

Karaban kontra malalaking mina sa Benguet. Daan-daang mga residente ng Itogon, Benguet ang nagsagawa ng karaban noong Hunyo 13 tungong Benguet Provincial Capitol para igiit ang pagpapatigil sa pagpapalawak ng malalaking kumpanya sa mina na Itogon-Suyoc Resources, Inc. at Benguet Corporation, Inc.

Protesta kontra-demolisyon sa Quezon City at Mandaue City. Nagsagawa ng protesta ang mga residente ng King Christian St sa Barangay Bagbag, Novaliches, Quezon City noong Hunyo 15 para tutulan ang demolisyon sa kanilang komunidad. Nagprotesta din noong Hunyo 14 ang mga maralitang residente sa loob ng Cebu International Convention Center laban sa nakaambang demolisyon sa kanilang kabahayan sa Mandaue City, Cebu.

Jeepney phaseout, pahirap. Muling nagprotesta ang mga drayber at opereytor ng dyip noong Hunyo 10, kasabay ng pagbabanta ng LTFRB at LTO na paiigtingin nito ang panghuhuli sa bumibyaheng mga dyip na hindi pumaloob sa sapilitang konsolidasyon. Nagkaroon ng mga protesta sa Metro Manila at Iloilo City ang daan-daang mga drayber. Samantala, nagsagawa naman ng tatlong araw na tigil-pasada ang Manibela noong Hunyo 10 hanggang Hunyo 12. Nagmartsa noong Hunyo 7 tungong Mendiola ang mga myembro ng Piston bilang pagdiriwang sa ika-43 anibersaryo ng pederasyon. Iginiit nila sa rehimeng Marcos na ibasura ang PUVMP na pumapatay sa kanilang kabuhayan.

Mga protesta