Pasan ng anakpawis ang kalbaryong dulot ng El Niño at pagbabago sa klima

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagtapos na ang El Niño at pumasok na ang tag-ulan, pero patuloy pa ring binabalikat ng masang anakpawis, laluna ng mga magsasaka at mangingisda, ang kalbaryo ng pagkawasak sa kanilang kabuhayan ng tagtuyot na pinatindi ng pagbabago sa klima. Kulang na kulang at pawang pakitang-tao lamang naging tugon ng rehimeng Marcos sa halos isang taong pananalanta nito.

Sa pinakahuling konserbatibong datos ng Department of Agriculture, hindi bababa sa ₱9.89 bilyon ang kabuuang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura kung saan ₱57.72 milyon ang sa pangisda. Sa kabuuan, umabot sa 1.5 milyong pamilya ang naapektuhan ng malawakang tagtuyot na nanalasa sa 7,184 barangay sa 15 rehiyon. Sa tindi ng salanta, ipinailalim sa state of calamity ang 432 syudad at bayan.

Pinsala sa Ilocos

Mula 2020 ay papalaki na ang pagbagsak sa ani at kita ng mga magsasaka sa Ilocos dulot ng kasalatan ng patubig, tuluy-tuloy na pagtaas ng gastos sa produksyon, hindi angkop na binhing palay na high-yielding variety, mga kalamidad at peste, at kawalan ng subsidyo ng gubyerno. Pinasahol ng tagtuyot ang mga problemang ito.

Umaasa sa ulan ang karamihan sa mga sakahan sa rehiyon. Dahil sa tagtuyot, bumagsak ang ani ng mga magsasaka nang 50% hanggang 80%. Malawak na sakahan ang hindi na natamnan ng second crop sa palay (pangalawang pagtatanim sa taon), at hindi na natamnan ng mga produktong pang-tag-araw kagaya ng pakwan at sibuyas.

Bumaba ang ani sa mais nang hanggang 50% (mula 4-5 tonelada tungong 2-3.5 tonelada kada ektarya) dahil sa pagkabansot at sobrang pagkatuyo ng mga ito. Malaki din ang sira at pagbaba sa kalidad ng pananim na tabako. Sa nakuhang datos sa 49 magsasaka ng limang barangay pa lamang na nagtatanim ng palay, umaabot sa 12.31 ektarya o 67% ng kanilang sakahan ang nasalanta at nawalan sila ng ₱644,645 kita.

Sa mga mangingisda, umabot sa 99% ang ibinagsak ng huling isda sa mga baybay. Mula sa dating 500 kilo na huli, minsan ay wala pang limang kilo ang kanilang naiuuwi. Dahil dito, maraming mangingisda ang bihira o hindi pumapalaot dahil sa labis na pagkalugi. Tuyo rin ang mga ilog, sapa at ekta-ektaryang mga kulungan ng isda.

Binalikat ng mga magsasaka ang dagdag gastos sa krudo, gasolina at kuryente na tuluy-tuloy na nagmahal. Lalong lumakas at dumalas ang pagbomba ng tubig gamit ang krudo at kuryente, mula isang beses tungong tatlo kada linggo. Mas marami ring gasolina ang ginamit ng mga mangingisda dahil kailangan nilang lumayo upang makapangisda.

Uhaw ang inaabot ng kalakhang maralitang masang Ilokano dahil sa pagkasaid ng mga bukal. Karamihang komunidad ay walang maayos at libreng serbisyo sa malinis na tubig inumin. Nagtiis sila sa pagsalok sa malalayo, kundi man maruruming bukal, dahil sa pagkasaid ng tubig. Ang iba ay bumili na lamang ng mahal na ₱60/drum-₱80/drum ng tubig.

Korapsyon at pasismo sa Cagayan

Kakarampot na nga, hindi pa nakaligtas mula sa pangungurakot ang pondong inilaan ng estado para umagapay sa salanta ng El Niño. Sa Cagayan Valley, ang binimbing pondo para sa bagyong Egay noong 2023 ang kalakhang ipinamahagi sa mga magsasaka at mangingisda.

Palpak din ang mga ipinamahaging binhi dahil hindi ito tumubo sa tigang na lupa. Naging problemado pa ang ipinagmamayabang na mga cash-for-work program ng gubyerno. Liban sa kulang na kulang at iilan lamang ang “benepisaryo,” lubhang huli ang pagbibigay ng kumpensasyon sa mga nakatamasa nito. Kapuna-puna rin ang hindi pag-apruba ng Philippine Crop Insurance Corporation sa aplikasyon ng 9,000 magsasakang para sa seguro ng kanilang mga pananim.

Mas naglaan pa ng pondo at panahon ang rehimeng Marcos sa pagpapatindi ng gera kontra-insurhensya at kampanyang panunupil sa rehiyon. Ginamit pa nito at ng militar ang pamamahagi ng ayuda para magkalat ng kasinungalingan at psywar sa mamamayan.

Pasan ng anakpawis ang kalbaryong dulot ng El Niño at pagbabago sa klima