Duguang "Bagong Pilipinas" ng rehimeng US-Marcos

,

Download here: PDF

Pambungad

Sa nagdaang dalawang taon ng rehimeng US-Marcos sa poder, walang higit na tumatak sa kanyang paghahari kaysa sa pinatinding karahasan sa mamamayang Pilipino at panunupil sa karapatang-tao. Para bigyang larawan ang mga kasong ito at palakasin ang kampanya para sa hustisya, inilalabas ng Ang Bayan (AB) ang ulat na ito sa kalagayan ng karapatang-tao sa bansa.

Ang ulat na ito ay halaw sa impormasyong tinipon at sinuri ng AB hinggil sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao na isinagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang armadong ahente ng rehimeng US-Marcos mula Disyembre 1, 2023 hanggang Hunyo 30 ngayong taon. Pangatlo ito sa serye ng mga ulat sa karapatang-tao na inilabas ng AB sa ilalim ng kasalukuyang rehimen. Inilalarawan dito ang tindi ng brutalidad at karahasan na dinanas ng mamamayang Pilipino sa nagdaang pitong buwan, sa ilalim ng nagpapatuloy na kampanya ng panunupil at kontra-insurhensya ng rehimeng US-Marcos.

Tulad sa nakaraan, maraming kaso sa kanayunan ang hindi naiulat dulot ng kahirapan ng pagpapadala ng mga ulat ng mga yunit na humaharap sa matitinding operasyong militar. May ilang mga kaso rin na ang tanging naitala ay insidente lamang at hindi natukoy ang tiyak na bilang ng mga biktima.

Hindi kabilang sa ulat na ito ang mga kaso ng pagpaslang sa ilalim ng “gera kontra droga” na ipinagpapatuloy ng rehimeng Marcos. Hindi rin matamang nasaklaw sa kasalukuyang ulat na ito ang maraming paglabag sa karapatang-tao ng mamamayang Moro na karaniwang hindi naisisiwalat sa publiko.

Ginamit ng AB sa ulat na ito ang internasyunal na pamantayan sa pagtaya ng bilang ng mga biktima ng ebakwasyon at militarisasyon, at sa bilang ng mga batang apektado.

“Bagong Pilipinas:” Pantakip sa duguang rekord

Noong Enero, upisyal na inilunsad ng rehimeng Marcos ang pampulitikang kampanya at islogan nitong “Bagong Pilipinas.” Ang kampanyang indoktrinasyon ng “Bagong Pilipinas” ay hindi naiiba sa “Bagong Lipunan” ng kanyang diktador na ama na ginamit para pagtakpan ang mga abuso noong batas militar at pagan­dahin ang imahe ng tiranikong paghahari. Sa likod ng enggrandeng mga konsyerto at piging, tigmak ng dugo ang mga kamay ni Marcos Jr.

Nililinlang ng “Bagong Pilipinas” ni Marcos ang mamamayang Pilipino sa mga ilusyon ng isang “bagong” hinaharap. Sa katunayan, walang kahit anong pundamental na “bago” sa mapang-api at mapag­samantalang malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas. Patuloy silang nagpapakasasa sa kayamanan, at naghahari gamit ang mga instrumento ng terorismo ng estado.

Dagdag rito, nagtayo rin si Marcos ng Special Committee on Human Rights Coordination sa bisa ng Administrative Order No. 22 noong Mayo. Alinsunod sa kautusan, magsisilbing “taga-koordina” sa mga usapin sa karapatang-tao ang komite. Isa itong desperadong pag­tatangka para bihisan ang malalang kalagayan ng karapatang-tao sa bansa.

Habang pinababango ang sarili, bweladong ipinatutupad ng AFP at PNP ang maruming todong-gera laban sa mamamayang Pilipino sa kalunsuran at kanayunan. Sa balang­kas ng National Security Policy (NSP) 2023-2028, nagpapatuloy ang masidhing pasistang terorismo ng estado, paninikluhod sa imper­yalismong US at pagsupil sa mga pwersang patriyotiko at demokratiko.

Sa kabila ng paulit-ulit na bukambibig ng US, AFP at ni Marcos kaugnay ng “pagpihit” ng armadong pwersa ng bansa mula “internal na depensa” tungong “eksternal na depensa” dahil “mahina na” o “nagapi na” ang Bagong Hukbong Bayan (BHB), nananatili ang kalakhan ng pwersa ng AFP sa kanayunan at mga larangang gerilya. Paulit-ulit rin ang pagtatambol nito na pitong mahihinang larangang gerilya na la­mang ang natitira, pero libu-libong mga pwersang militar, pulis at paramilitar pa rin ang pinakikilos para sa kampanyang kontra-insurhensya.

Ipinaiilalim ng rehimen ang lahat ng aspeto ng lipunan—mula eko­nomya hanggang kalikasan—sa balangkas ng “pambansang seguridad” na ibayong nagpapalaki sa papel ng militar at mga ahensyang pan­seguridad sa pagpapatakbo ng reaksyunaryong estado. Maging ang mga planong pangtugon sa kalamidad at penomenong El Niño ay ipinailalim sa pamumuno ng ahensya sa seguridad. Nakakubabaw ang AFP sa mga sibilyang ahensya at lokal na mga gubyerno hanggang sa antas-barangay sa pamamagitan ng National Task Force-Elcac.

Kinakasangkapan ni Marcos ang Anti-Terror­ism Law at Ter­ror­ism Financing Pre­ven­tion and Suppres­sion Act para gi­pitin at patahimikin ang mga kri­tiko at nagsasa­lita laban sa kanyang rehimen, at maging ang ordinar­yong mamama­yan.

Tinatarget ng rehimen ang binansagan nitong “mga ligal na prente ng CPP-NPA-NDFP” upang diu­­mano’y “ihinto ang rekrutment, putulin ang suportang pampinansya at labanan ang propa­ganda.” Kasabay ito ng mali­syosong pag-uug­nay sa mga aktibista sa arma­dong kilusan o Red-tagging para bigyang katwiran ang marahas na pang-aatake sa kanila.

Sa kanayunan, ipinai­ilalim sa ibayong milita­risasyon at okupasyon ang mga komunidad sa anyo ng mga focused military operation (FMO) at okupasyon sa mga baryo sa tabing ng Re­tool­ed Community Sup­port Program (RCSP). Sa mga operasyon nito, mga sibilyan at magsasaka ang pangunahing tinatarget ng karahasang militar at panunupil. Kasabay nito ang walang pakundangang aerial bombing, istraping at panganganyon sa mga bukid at bundok na nagsasapeligro sa buhay ng mga sibilyan at sumisira sa kalikasan.

Ipinagpatuloy din ng rehimen ang kunwa’y mga “lokalisadong usapang pangkapayapaan” ng NTF-Elcac na walang iba kundi kampanya ng intimidasyon, pwersahang “pagpapasurender” sa mga sibilyan at pangungurakot sa pondo ng bayan. Patuloy rin ang walang pakundangang paglabag ng estado sa mga alituntunin sa digma, sa anyo ng sadyang pagpatay sa mga sugatang mandirigma, pagpatay sa mga sibilyan sa mga “pekeng engkwentro” at pagpapahirap sa buu-buong komunidad sa mga panahon ng operasyong kombat.

Mga paglabag sa karapatang-tao

Sa talaan ng Ang Bayan, 48,763 ang naging biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng US-Marcos mula Disyembre 2023 hanggang Hunyo. Naitala ng AB ang 652 kaso (o tatlong kaso kada araw) ng mga paglabag sa karapatang-tao sa buong bansa. Ang ilan sa mga biktima ay dumanas ng 2-3 kaso ng paglabag sa kanilang karapatang-tao. Pinakamaraming kaso ang naitala sa buwan ng Enero (144 kaso).

Sa abereyds, mayroong hindi bababa sa apat na biktima ng pampulitikang pamamaslang kada buwan. Mayroong isang biktima ng pagdukot kada linggo at hindi bababa sa isang biktima ng torytur kada dalawang linggo. Nakapagtala ang AB ng 32 biktima ng pagbabanta, pananakot at intimidasyon kada araw. Hindi bababa sa 15,396 ang naging biktima ng sapilitang pagbabakwit at dislokasyon dulot ng okupasyong militar sa kanayunan.

Sa dalawang taon ng rehimeng Marcos sa poder, naitala naman ang 2,107 bilang ng mga kaso kung saan hindi bababa sa 424,679 ang bilang ng mga biktima. Sa abereyds, mayroong 580 biktima ng paglabag sa karapatang-tao kada araw sa huling dalawang taon.

Pagpaslang, bigong pagpaslang at tortyur

Hindi bababa sa 34 ang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa buong bansa sa nagdaang pitong buwan. Halos lahat ng mga pagpaslang ay pinalalabas ng AFP na mga pekeng engkwentro o gawa-gawang labanan, na kagyat na pinabubulaanan ng pamilya at kapitbahay. Tahasang paglabag ang mga ito sa international humanitarian law (IHL o internasyunal na makataong batas) at mga alituntunin sa digma.

Para pagmukhaing napatay sa engkwentro, binibihisan, nilalagyan ng mga armas, bala at iba pang gamit militar ang kanilang mga bangkay, at inihahandusay sa putikan. Tulad sa nakaraan, nagpapatuloy ang pagkuha ng militar ng mga litrato ng mga bangkay para ipakalat sa social media at pagpyestahan ng kanilang mga troll, taliwas sa mga pamantayan ng IHL.
Mayorya sa mga kaso ay naitala sa panahong naglulunsad ng mga FMO at RCSP ang mga sundalo at pulis sa mga komunidad. Ang mga pagpaslang ay nakabalangkas sa plano ng rehimeng Marcos na “tuluyan nang gapiin” ang hukbong bayan sa bansa. Nagpapalaganap ang mga sundalo ng mga kwento ng kanilang mga “panalo” para pagmukhaing natatalo na nila ang hukbong bayan.

Sa ilang mga pagkakataon, naiulat din na lulong-sa-droga ang mga sundalo na nagsasagawa ng pagpaslang. Pinagagamit sila ng AFP ng droga para maipatupad ang mga kahindik-hindik na krimen sa mamamayan at patindihin ang kanilang kabangisan.

Pinakamarami ang mga magsasaka (26) sa mga pinaslang. Isa sa mga pinatay ay 16-anyos na estudyante. Sa mga biktima, anim ang hors de combat (mga kombatant na wala nang kakayahang lumaban dahil sugatan o maysakit). Pinakamarami ang pinaslang sa Negros Occidental (10), kasunod ang Sorsogon at Masbate na mayroong tig-limang biktima. Naitala ang isang kaso ng masaker sa Bohol.

Pagpatay sa matatanda. Kinuha sa kanilang bahay at dinala sa sapa para patayin ang mag-asawang sina Pedro Regala, 78 anyos, at Florencia Regala, 67 anyos, ng mga pwersa ng 2nd IB noong Pebrero 5. Nakatira ang mag-asawa sa Barangay Toboran, Cawayan, Masbate. Matapos patayin, sinuotan sila ng ammo pouch at pinalabas na napatay sa engkwentro. Ibinalandra sa putikan ang kanilang mga bangkay at ipinaskil ang litrato sa social media na mga “terorista.”

Walang pinipiling pagpatay. Naglalakad lamang ang 39-taong gulang na si Arnel Esperitu nang pagbabarilin siya ng mga sundalo ng 31st IB noong Hunyo 20, alas-4 ng madaling araw. Nangyari ang krimen malapit sa hinihimpilan ng mga sundalo sa sentro ng Barangay Gogon, Donsol, Sorsogon. Kaagad namatay ang biktima.

Masaker sa Bohol. Minasaker ng mga elemento ng 47th IB at PNP-Bohol ang limang hors de combat na Pulang mandirigma sa Bilar, Bohol. Nadakip nang buhay sina Domingo Compoc, Hannah Cesista, Parlito Historia, Marlon Omosura at Alberto Sancho sa bahay na kanilang tinigilan sa Sityo Matin-ao 2, Barangay Campagao noong Pebrero 23 ng umaga.

Ayon sa mga saksi, pina­gapang sa putik si Cesista. Samantala, si Compoc na nasa mahigit nang 60 ang edad at umiinda ng sakit na arthritis ay tinortyur sa harap ng mga residente ng baryo. Tinaga siya sa leeg at tiyan. Kumalat sa ma­­ma­mayan ng Bohol at social media ang isang larawan ni Compoc, na hawak sa likod ng isang sundalo, at animo’y naka­gapos ang kamay sa likod. Makikitang lihim na kuha ang larawan. Pinalabas ng militar na “nanlaban” ang lima habang “hinahainan” ng madamyento de aresto.

Naitala naman ng Ang Bayan ang walong kaso ng bigong pagpaslang sa Kalinga, Nueva Ecija, Aurora, Albay, Sorsogon, Negros Occidental at Samar. Sangkot sa mga kasong ito ang mga nag-ooperasyong yunit ng militar, na sa takot maunahan, ay walang patumanggang namamaril sa sinumang nakakasalubong sa gubat o daan. Kabilang sa mga biktima ang isang 4-buwang buntis.

Hindi naman bababa sa 19 ang dumanas ng tortyur sa kamay ng mga sundalo. Siyam sa mga biktima ng tortyur ay tuluyang pinaslang ng berdugong militar. Kabilang sa mga biktima ang dalawang buntis na mga Pulang mandirigma na tinortyur at pinahirapan nang maaresto. Ang iba sa mga biktima ng tortyur ay mga magsasaka na napag-initan ng sundalo habang nag-ooperasyon.

Magsasaka, ibinitin nang patiwarik. Kabilang sa mga biktima ang isang magsasaka na dinakip ng 46th IB, itinali at ibinitin patiwarik sa isang barangay sa bayan ng Jiabong, Samar sa hindi natukoy na petsa ngayong taon. Pinilit siya ng mga sundalo na umamin na may kaugnayan sa hukbong bayan. Pagkatapos ay pinapunta ang magsasaka sa kampo militar sa bayan ng Calbiga. Walang kahit anong naging pananagutan ang mga sundalo sa kanilang krimen.

Pag-aresto, pagdukot, at pagbabanta, panggigipit, at intimidasyon

Nakapagtala ang AB ng 33 kaso ng arbitraryong pag-aresto at detensyon kung saan hindi bababa sa 62 ang biktima. Karamihan sa kanila ay mga magsasaka. Kabilang sila sa hindi bababa sa 755 bilanggong pulitikal sa bansa alinsunod sa tala ng grupong Karapatan. Sa mga bilanggong pulitikal, 103 ang inaresto at ikinulong sa ilalim ng rehimeng Marcos. Ang 102 sa mga bilanggong pulitikal ay matatanda na, 90 ang maysakit, habang mayroong 15 myembro at istap ng National Democratic Front of the Philippines. Nasa 147 naman ang babae at apat ang menor-de-edad.

Sa nagdaang pitong buwan, ang mga iligal na inaresto ay sinampahan ng iba’t ibang gawa-gawang mga kaso para matagalang ibimbin sa kulungan. Ang iba sa kanila ay dumanas ng sadyang inantalang pagpoproseso ng mga papeles ng mga korte para hindi kaagad makalabas. Ang ilan pa, laluna sa mga nasa prubinsya, ay ikinukulong lamang sa mga kampo militar nang walang ligal na mga batayan.

Pag-aresto sa matanda. Inaresto ng mga pulis at militar si Ademar Anciero Etol, 64 taong gulang, sa Barangay Balingasan sa Siay, Zamboanga Sibugay noong Enero 25 matapos ireyd ng mga ito ang kanyang tinutuluyang bahay. Sinampahan si Etol ng mga kasong pagpaslang at illegal possession of firearms. Si Etol, na tubong San Isidro, Davao del Norte, ay inakusahan ng militar na Pulang mandirigma ng BHB.

Mayo Uno 6. Anim na kabataang aktibista ang marahas na inaresto ng mga pulis noong Mayo 1 habang nagsasagawa ng protesta sa embahada ng US. Binansagang Mayo Uno 6, nagtagal sa kulungan ang anim dahil sa sadyang pag-antala ng korte sa pagproseso ng kanilang pyansa at kaso. Nakalaya sila isang linggo matapos inaresto.
Hatol na maysala sa kasong rebelyon. Hinatulan ng Taguig Regional Trial Court na maysala si Maria Salome Crisostomo-Ujano, 67, sa kasong rebelyon noong Mayo. Sa desisyon ng korte, pinarusahan si Ujano ng 10-17 taon at apat na buwang pagkakakulong. Idinawit si Ujano sa isang engkwentro ng BHB laban sa mga sundalo ng gubyerno sa Quezon na naganap noong Nobyembre 2005. Mariin niya itong itinanggi, at idiniin na siya ay isang tagapagtanggol ng karapatan ng mga bata.

Detensyon sa mga migranteng Pilipino. Naitala sa nagdaang mga buwan ang dalawang kaso ng detensyon sa mga migranteng Pilipino na umuwi sa Pilipinas. Noong Disyembre 7, 2023, higit dalawang oras na idinetine sa Ninoy Aquino International Airport sa Metro Manila ang Filipina-Swiss na aktibistang si Edna Becher nang dumating siya sa bansa para bumisita sa kanyang mga kamag-anak. Pinabalik siya sa Switzerland sa pagdadahilang “blacklisted” siya dahil sa kanyang umano’y mga “anti-gubyernong mga aktibidad.” Ganito rin ang sinapit ni Marikit Saturay na mula sa The Netherlands nang dumalaw sa Pilipinas noong Marso 7.

Naitala naman ng AB sa huling pitong buwan ang 30 biktima ng pagdukot. Ang mga kaso ng pagdukot ay kinatatangian ng malinaw na intensyon ng estado na sadyang itago ang biktima at itanggi na nasa kustodiya nila ang mga ito. Ang iba sa mga biktima ay inilitaw ng estado na patay na matapos ang ilang panahon ng pagkawala, o kung hindi ay nakulong sa gawa-gawang mga kaso o pinalalabas na “sumurender” na myembro ng hukbong bayan.

Nailitaw sina Eco at Jak. Dinukot ng mga pwersa ng estado ang mga aktibis­tang pangkalikasan na sina Axielle “Jak” Tiong at Francisco “Eco” Dangla III sa Barangay Polo, San Carlos City, Pangasinan noong Marso 24 ng alas-8 ng gabi. Ayon sa mga saksi, dinukot ang dalawa matapos harangin ng isang sasakyan (SUV) ang traysikel na sinasakyan nila. Dalawa hanggang tatlong tao mula sa SUV at isa pang sakay ng isang motorsiklo ang nambugbog at nagsakay sa kanila sa sasakyan. Dahil sa mabilis na paggigiit, natulak ang mga pwersa ng estado na ilitaw ang dalawa noong Marso 27.

Dinukot at pinalabas na “sumurender.” Malinaw na nakunan ng CCTV ang pagdukot ng armadong mga ahente ng militar at pulis sa kapatid ng lider-pesante sa Sorsogon na si Jose Marie Estiller sa Santo Tomas, Batangas noong Pebrero 20. Sa bidyo, naglalakad pabalik sa bahay na tinutuluyan si Estiller nang bigla siyang pinalibutan ng limang lalaki at kinaladkad palayo. Noong Pebrero 23, pinalabas ng 903rd IBde na si Estiller ay mataas na upisyal ng BHB at “sumurender” sa kanila.

Nakapagtala rin ang AB ng hindi bababa sa 6,889 biktima ng pagbabanta, panggigipit at intimidasyon. Higit na kinasangkapan ng rehimen sa nagdaang mga buwan ang pagkakaso ng “terrorism financing” para gipitin ang mga aktibista, mga tagapagtanggol ng karapatang tao at maging mga manggagawang pangkaunlaran.

Higit na mas malaki ang bilang ng mga biktima kung isasali ang libu-libo pang ipinarada at sapilitang “pinasurender” ng militar bilang mga kasapi o tagasuporta ng BHB sa kalunsuran at kanayunan.

Sa mga kaso ng “pagpapasurender,” hindi iilan ang pagkakataon na ginamit ng militar ang pamamahagi ng ayuda para kunan ng litrato ang mga residente at sabihing “sumuko” ang mga ito.

Pagkakaso ng “terrorism financing.” Sa huling tala ng grupong Karapatan, hindi bababa sa 112 ang sinampahan ng Department of Justice ng kasong “terrorism financing,” kabilang ang 59 na manggagawang pangkaunlaran. Hindi bababa sa 21 non-government organization ang sinampahan ng katulad na mga kaso. Sa mga kinasuhan, 32 ang kasalukuyang nakakulong.

Sa padron ng mga kaso, tinatarget ng rehimen ang mga organisasyong pinararatangan nitong nagbibigay ng pondo sa rebolusyonaryong kilusan. Nakabalangkas ang panggigipit na ito sa National Security Plan 2023-2028 at National Anti-Money Laundering, Counter-Terrorism Financing and Counter-Proliferation Financing Strategy (NACS) 2023-2027. Nabuo ang NACS alinsunod sa inilabas ni Marcos na kautusang ehekutibo (EO 33) noong Hulyo 4, 2023. Nakasaad sa mismong NSP ang planong “palalakasin ang aksyon laban sa mga ligal na prente ng CPP-NPA-NDF para…putulin ang pinagmumulan ng pinansya.” Sa NACS, binuo ang espesyal na komite na magsasampa ng mga kaso sa “terrorism financing” sa tangka ng rehimen na maalis sa “grey list” ng mga bansang talamak ang money laundering. Pinangunahan ng NICA ang espesyal na grupo para sa pagsasampa ng mga kaso. Ang NICA ang tumatayong kalihiman ng Anti-Terrorim Council at nakaupo rin ito sa Anti-Money Laundering Council na arbitraryong nagsasara ng mga akawnt sa bangko ng mga tinarget na indibidwal at organisasyon.

Dalawa sa mga kinasuhan ng “terrorism financing” ang kabataang tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Quezon na sina Paul Tagle at Fritz Labiano noong Abril. Sinampahan sila ng kaso dahil sa pagtulong sa mga bilanggong pulitikal na sina Rowena Dasig at Miguela Piniero noong Hulyo 2023. Inakusahan ng 85th IB ng “terrorism financing” ang dalawa matapos magbigay sila ng ₱500 at pagkain sa mga bilanggong pulitikal.

Panggigipit sa mga kaanak ng mga namartir. Kumaharap din ng walang-kapantay na panggigipit ang mga kaanak ng mga namartir na Pulang mandirigma habang binabawi ang labi ng kanilang mahal sa buhay. Halimbawa nito ang panggigipit ng 59th IB sa mga pamilya ng mga martir sa Tuy, Batangas noong Hunyo. Hindi kaagad nakuha ng mga pamilya ang mga labi ng dalawang namartir dahil sa ginawang sadyang pag-antala ng PNP-Tuy at 59th IB, interogasyon at intimidasyon sa mga pamilya. Sa labis na takot at panggigipit, hindi naiuwi ng pamilya ng isa pang martir ang kanyang labi.

Sa ilang katulad na pagkakataon, pinipigilan ng mga pulis ang imbestigasyon at pag-autopsy sa mga bangkay ng namartir. Hindi rin iilan ang pagkakataong pati ang burol at libing ay ginugulo ng mga sundalo.

Lagim ng militar sa mga komunidad

Sa ngalan ng imbing layunin na tuluyan nang “durugin” ang rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan o di kaya ay “panatilihin” ang nakamit nang tagumpay at deklarasyong “insurgency-free” sa mga prubinsya, sinasakop ng mga operasyong kombat ng AFP at PNP ang maraming komunidad sa kanayunan. Patuloy na nakapakat ang bata-batalyong pwersang militar at pulis sa maraming komunidad ng magbubukid at pambansang minorya.

Naitala ng AB ang hindi bababa sa 15,396 biktima ng pwersahang pagpapabakwit at dislokasyon sa nagdaang pitong buwan. Naapektuhan naman ng iligal na paggamit ng mga sundalo ng AFP sa mga sibilyang istruktura sa mga sentro ng populasyon ang may 2,267 katao kabilang ang 616 bata.

Sa kabuuan, naitala ng AB ang 63 na kaso ng aerial bombing, istraping at panganganyon sa Abra, Kalinga, Ilocos Sur, Cagayan, Nueva Vizcaya, Aurora, Nueva Ecija, Quezon, Camarines Sur, Northern Samar, Samar, Capiz, Iloilo, Negros Occidental, at Bukidnon. Biktima nito ang higit 13,000 katao.

Paglapastangan sa karapatan ng kababaihan at bata

Walang sinasanto ang AFP at PNP sa maruming gerang kontra-insurhensya nito laban sa rebolu­syonaryong kilusan. Sa iba’t ibang baha­gi ng bansa, mara­ming mga bata at kababaihan ang bik­tima ng mga opera­syong militar at tahasang tinatarget ng mga armadong gala­may ng estado.

Higit na mas mabi­gat ang paglapasta­ngan sa karapatang­­bata at kababaihan. Ayon sa Declaration on the Protection of Women and Child­ren in Emergency and Armed Conflict ng United Nations General Assembly noong Disyembre 14, 1974, isang krimen sa digma ang “lahat ng porma ng panunupil at malupit at hindi makataong pagtrato sa kababaihan at mga bata, kabilang ang pagkukulong, tortyur, pamamaril, maramihang pag-aresto, kolektibong pamamarusa, paninira sa tirahan at pwersahang pagbabakwit, na isinagawa sa mga operasyong militar ng mga pwersang nakikidigma (Bilang 5).”

Sa talaan ng AB, isang menor-de-edad ang pinaslang ng mga sundalo habang daan-daan ang biktima ng sapi­litang pagbabakwit at dislokasyon dulot ng walang patu­mang­gang pama­maril, pangangan­yon at pambobomba malapit sa kanilang mga komunidad.

Pagpaslang sa 16-anyos. Pinaslang ng 7th IB ang 16-anyos na estudyante na si Eusibio Cranzo, na kilala rin bilang Kuni Cuba, noong Hunyo 9 sa Sityo Kiluding, Barangay Kiadsam, Sen. Ni­noy Aquino, Sultan Kudarat. Ayon sa ulat, pauwi si Cranzo kasama ang kanyang kapatid at dalawang kaibigan nang makasalubong nila ang nag-ooperasyong yunit ng 7th IB. Agad na tinamaan si Cranzo sa pamamaril ng mga sundalo, habang nakatakbo sa katabing maisan ang tatlo niyang kasama.

Pag-aresto sa sanggol. Sa hindi natukoy na petsa noong Mayo, inaresto ng mga pwersa ng estado si Baby Arnejo at kanyang sanggol sa Barangay Madao, Uson, Masbate. Pinararatangan siyang kasapi ng BHB kahit iginiit ng mga residente na sibilyan si Arnejo at matagal nang naninirahan sa naturang baryo. Tinangka ng mga pulis na tangayin ang sanggol ni Arnejo ngunit napiligan sila ng taumbaryo. Dahil sa pagsisikap ng mga residente, nailagay sa maayos na kustodiya ang sanggol habang nakakulong ang kanyang ina.

Naitala naman ng AB ang apat na kaso ng panggagahasa at sekswal na pang-aabuso laban sa kababaihan. Naitala ang mga kasong ito sa Batangas, Northern Samar at Metro Manila. Samantala, isang buntis ang pinaulanan ng bala ng AFP sa Aurora.

Pambabastos sa mga asawa ng bilanggong pulitikal. Sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa City, nagpatupad ang mga pulis ng body at strip search sa mga asawang babae ng mga detenidong pulitikal. Sa mga strip at cavity search na ito, pinaghubad ang mga babae at ilang beses na pinatingkayad. Sa pagdadahilang paghahanap ng iligal na droga, pinatuwad at sinilipan ang pribadong bahagi ng kanilang katawan. Dahil sa reklamo nila noong Mayo, ipinailalim ito sa imbestigasyon.

Pamamaril sa buntis. Pinaulanan ng bala ng mga sundalo ng AFP ang kubo na tinutuluyan ng 4-buwang buntis na si Manilyn dela Cruz at kanyang mga kaanak sa Sityo Pinamaypayan, Barangay Umiray, Dingalan, Aurora noong Abril 21. Nasugatan sa pamamaril si dela Cruz habang tumatakbo para makaiwas matamaan. Pinalalabas ng militar na isang engkwentro sa BHB ang insidente. Si dela Cruz ay isang Dumagat-Remontado na tubong Tanay, Rizal. Matapos ang palabas na engkwentro, inaresto si de la Cruz ng mga sundalo at sinampahan ng patung-patong na kaso kabilang ang panununog, tangkang pagpatay, direct assault with multiple murder, at bigong pagpatay.

Pakikibakang masa para sa karapatang-tao

Hustisya ang nagkakaisang sigaw ng sambayanang Pilipino para sa lahat ng mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng US-Marcos. Bilang bahagi ng pagtatanggol ng mga sektor sa karapatang-tao, iba’t ibang tipo ng pakikibakang masa ang inilunsad nila sa nagdaang mga buwan.

Mula sa mga hakbanging ligal o ekstra-ligal, hanggang sa mga armadong aksyon ng Bagong Hukbong Bayan, tuluy-tuloy na lumalaban ang mamamayan para sa pagtatanggol sa mga karapatan at pagkakamit ng hustisya. Inilalantad, binabatikos at sinisingil nila si Marcos sa mga patakaran sa panunupil at terorismo ng estado. Nasa ibaba ang ilan sa mga tampok na mga pakikibaka para sa pagtatanggol sa karapatang-tao:

International People’s Tribunal 2024

Inilunsad ang International People’s Tribunal 2024 noong Mayo 17-18, 2024, sa Brussels, Belgium. Isa itong tribunal na naglalayong tugunan ang mga paratang ng krimen sa digma at paglabag sa interasyunal na makataong batas sa Pilipinas. Ang mga akusado ay sina Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr., dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang Gubyerno ng Republika ng Pilipinas, Pangulong Joseph R. Biden, at ang Gubyerno ng United States.

Hinatulan ng buong tribunal ang mga akusado na maysala sa lahat ng mga paratang ng krimen sa digma at paglabag sa internasyunal na makataong batas na siyang nakasaad sa sakdal (indictment). Kabilang dito ang mga kaso ng pagpatay at masaker ng mga sibilyan, pagdukot, pagpapahirap, at iba pang malupit, hindi makatao, at mapangdustang pagtrato, pag-atake laban sa mga sibilyan at mga kagamitang sibilyan at iba pa.

Maglalabas ang tribunal ng buong desisyon na naglalaman ng mga detalyadong natuklasan at patuloy na susubaybayan ang sitwasyon sa Pilipinas. Ang mga kopya ng hatol ay ipadadala sa mga akusado at ilalathala para sa iba’t ibang internasyunal na mga institusyon at interesadong partido.
Ligal na mga tagumpay sa reaksyunaryong korte

Bagaman napakaliit lamang na bahagi sa napakaraming gawa-gawang mga kasong isinampa laban sa mga aktibista, progresibo at kritiko, ikinagalak ng mga demokratikong organisasyon at sektor ang pagbabasura ng mga korte sa ilan sa mga kasong ito. Sa nagdaang pitong buwan, hindi bababa sa 11 kaso ang ibinasura ng mga korte dahil sa kawalang ebidensya ng mga ito.

Kabilang dito ang pagbasura sa kasong illegal possession of firearms and explosives laban sa lider-magsasaka sa Cagayan Valley na si Isabelo Adviento noong Abril. Dalawang taong di makatarungang ipiniit si Adviento. Noong Hunyo 20, nakalaya si Datu Benito Bay-ao matapos ibasura ang kasong human trafficking na isinampa sa kanya noong 2021. Sa Southern Tagalog, ibinasura ng korte ang mga kasong terrorism financing laban sa dalawang aktibista at isang unyonista.

Pagdidiin ng Korte Suprema sa mga panganib ng Red-tagging

Sa isang desisyon na isinulat noon pang Hulyo 4, 2023, na isinapubliko noong Mayo 8, idineklara ng Korte Suprema na ang Red-tagging o ang malisyosong pag-ugnay sa mga sibilyan sa armadong kilusan, ay banta sa buhay, kalayaan at seguridad ng target na mga biktima. Ang desisyon ay kaakibat sa pinaburang petisyon para sa writ of amparo ni Siegfred Deduro, dating kinatawan ng Bayan Muna Party-list. Ang desisyon ang unang pagkakataong binigyan ng korte ng ligal na pakahulugan ang konsepto ng Red-tagging sa Pilipinas. Ibinatay nito ang gayong pagkilala sa mga ulat ng United Nations Human Rights Council.

Samantala, hinatulan ng Korte Suprema noong Pebrero na “guilty” sa “indirect contempt” ang dating tagapagsalita ng NTF-Elcac na si Lorraine Badoy-Partosa dulot ng pangre-red-tag niya sa isang husgado noong 2022. Ang hatol ay kaugnay ng pambabanta ni Badoy kay Judge Marlo Magdoza-Malagar, husgado ng Manila Regional Trial Court, na nagbasura sa kasong isinampa ng Department of Justice para ideklarang terorista ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan.

Fact-finding mission at imbestigasyon

Naglunsad ng fact-finding mission ang mga grupo sa karapatang-tao sa Central Luzon noong Hunyo para alamin ang malawakang pinsala sa sibilyang magsasaka, manggagawang-bukid, at maging mga bata ang iniwan ng malawak at sunud-sunod na mga teroristang operasyon ng AFP sa mga prubinsya ng Aurora, Nueva Vizcaya, at Nueva Ecija noong Mayo at Hunyo.

Sa kabila ng mga pananakot at panggigipit, naigiit ng mga grupo na makipag-usap sa mga residente at mag-alam sa kalagayan nila. Inilunsad ang misyon kasunod ng mga engkwentro ng BHB at 72nd Division Reconnaisance Company noong Mayo 20 at 21 sa mga liblib na bahagi ng Dipaculao sa Aurora, at Mayo 29 sa Maria Aurora, hanggang sa madugong pagpaslang sa 10 Pulang mandirigma sa Pantabangan, Nueva Ecija noong Hunyo 26. Walang patumangga ang ginawang pagpapaulan ng bala at bomba sa Alfonso Castañeda sa Nueva Vizcaya noong Hunyo 20.

Paglaya ng pinakamatandang bilanggong pulitikal

Matapos ang tuluy-tuloy na pagpupursige at paggigiit ng mga grupo sa karapatang-tao, nakalaya noong Hunyo 30 ang pinakamatandang bilanggong pulitikal sa bansa na si Gerardo Dela Peña. Siya ay 85 taong gulang, pinakamatanda sa aabot sa 755 bilanggong pulitikal sa bansa. Inaresto si de la Peña noong Marso 21, 2013. Hina­tulan siyang maysala at pinatawan ng reclusion perpetua sa kasong pagpaslang sa kabila ng malinaw ng kawalan ng ebidensya.

Barikada kontra-demolisyon

Matibay na pinandigan ng mga residente ng Sityo Balubad, Barangay Anunas, Angeles City ang kanilang karapatan sa paninirahan mula sa demolisyon ng mga pulis at maton ng Clark Hills Properties Corporation. Mula Oktubre 2023 hanggang Marso ay nagawa nilang pigilan ang bantang demolisyon at pangangamkam sa 73-ektaryang lupa sa Sityo Balubad.

Noong Marso 12, napalayas ang 500 kabahayan o tinatayang 2,000 residente ang biktima ng pang-aagaw ng lupa. Gumamit ang mga pulis at Clark Hills ng daan-daang mga tauhan sa demolisyon.

Hacienda Tinang: Naipagtagumpay na lupa

Upisyal nang kinilala ng reaksyunaryong gubyerno ang pagmamay-ari ng 90 magsasakang kasapi ng Malayang Kilusang Samahan ng mga Magsasaka ng Tinang (Makisama-Tinang) sa 68 ektaryang lupa sa Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac. Ang pagkilala ay ginawa sa isang seremonya noong Mayo 8. Bunga ito ng kanilang tatlong dekadang pakikibaka para sa lupa at muli nilang paglulunsad ng kampanyang pagbawi sa lupa sa porma ng bungkalan noong Hunyo 2022.

Rebolusyonaryong hustisya

Sa Negros Occidental, magkakasabay na armadong aksyon ang inilunsad ng BHB-Northern Negros laban sa mersenaryong Sarona Group noong Enero 2 sa bayan ng Purok Kawayan, Barangay Bug-ang, Toboso, Negros Occidental. Imbwelto ang Sarona Group sa pagmasaker sa tinaguriang Sagay 9 (o ng siyam na magtutubo) noong Oktubre 20, 2018 sa Barangay Bulanon, Sagay City. Ang grupo ay bayaran at suportado ng AFP at malalaking kumprador-panginoong maylupa at asendero sa isla.

Inambus at napatay ng BHB ang lider ng grupo na si Juvie Sarona. Pinaralisa at sinunog din ang traktorang pag-aari ng ama niya. Nakumpiska naman sa bahay ng mga Sarona ang isang M2 Carbine, isang .45 Colt, isang .357 revolver, isang shotgun, samu’t saring mga magasin at bala. Kinumpiska rin ang kanilang gadyet na may laman na mahahalagang impormasyon.

Layas militar!

Nagsama-sama ang mga residente ng Sityo San Pedro, Barangay 3, San Jose de Buan, Samar sa isang asembleya noong huling linggo ng Hunyo para ipahayag ang kanilang pagtutol sa pagkakampo ng mga sundalo sa kanilang sityo. Nagsimula ang pagbabakod ng 87th IB sa naturang sityo noong unang linggo ng Hunyo para sa planong detatsment na itatayo sa lugar.

Para supilin ang pagkakaisa ng taumbaryo, pinagbantaan ng mga sundalo ang kapitan ng barangay, ang sityo lider at konsehal. Tinakot silang papanagutin at ikukulong kapag inatake silang muli ng BHB-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command).

Duguang "Bagong Pilipinas" ng rehimeng US-Marcos