Yanigin ang paghahari ng pahirap, papet at pasistang rehimeng US-Marcos

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Sa darating na mga buwan at taon, tungkulin ng kilusang pambansa-demokratiko na ubos-kayang isulong ang kilusang propaganda at pag-oorganisa sa masa. Dapat gamitin ang buong lakas upang abutin ang milyun-milyong mamamayan sa mga pagawaan, komunidad, kampus, tanggapan at iba pa. Dapat ibayong isulong ang kanilang mga pakikibaka pangunahin laban sa pagtaas ng presyo, para sa dagdag na sahod at sweldo, trabaho at kabuhayan, at laban sa papatinding panghihimasok militar ng US at paghahanda at pang-uupat nito ng gera.

Samantalahin ang napakainam na sitwasyon upang pag-ibayuhin ang pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa lahat ng demokratikong sektor ng sambayanang Pilipino, laluna ang mga manggagawa, magsasaka at malawak na masang anakpawis.

Tipunin ang nag-uumapaw na poot ng sambayanang Pilipino sa pahirap, pasista at papet na rehimeng US-Marcos na nagdala sa kanila sa higit na pang-aapi, kahirapan at pagdurusa. Sa nagdaang dalawang taon sa ilalim ni Marcos, sumadsad ang ekonomya at kabuhayan ng mamamayan, umigting ang terorismo ng estado at panunupil sa mga demokratikong karapatan, lumubha ang korapsyon at pagkagahaman, at lalong lumala ang pagpayag ng papet na rehimen sa panghihimasok ng imperyalismong US sa pulitika at militar.

Sanhi ng anti-mamamayan, anti-mahirap at maka-dayuhang mga patakaran ni Ferdinand Marcos Jr, lalo pang sumadsad ang iniwan noon ni Duterte na lugmok na ekonomya at kabuhayan ng mayorya ng mamamayan. Sapul maghari si Marcos, walang awat ang pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin at serbisyo. Sa pakay na akitin ang dayuhang pamumuhunan, pinako ni Marcos ang minimum na sahod ng mga manggagawa at sweldo ng mga karaniwang kawani, na ngayon ay kalahati na lamang ng halaga ng arawang pangangailangan nila at ng kanilang mga pamilya.

Bigo si Marcos na lutasin ang masidhing problema ng kawalang trabaho, laluna ng mga kabataan. Malala pa, binigyang daan ni Marcos ang malalaking dayuhang kapitalista at mga kasabwat na malalaking burgesya na agawin ang lupa, pangisdaan, kabahayan at kabuhayan ng masang anakpawis at maging ng petiburgesya sa kanayunan at kalunsuran. Puo-puong milyong Pilipino ang walang hanapbuhay, disenteng trabaho o sapat na kita. Lalong sinagad ni Marcos ang liberalisasyon sa importasyon na lalong pumapatay sa lokal na produksyon at pumipilay at bumabangkarote sa ekonomya. Lalong bumigat ang pasang-utang ng mga Pilipino dahil sa walang kasimbilis na pangungutang ni Marcos. Huwad at hungkag ang ipinagmamalaki ni Marcos na “paglago” na pantabing lamang sa tuluy-tuloy na paglubha ng kalagayan ng malawak na masa ng sambayanan.

Inalpasan ni Marcos ang mga asong-ulol niyang pasistang ahente ng militar at pulis para walang awat na gahisin ang mamamayang gutom at galit. Sa daan-daang barangay sa kanayunan, naghahari-harian ang militar sa tabing ng operasyong “community service” at “barangay development.” Sa kalunsuran, minamanmanan ang mga unyon sa mga pagawaan at tanggapan, mga samahan sa maralitang komunidad, mga organisasyong pangkampus, mga asosasyon ng kababaihan, taong-simbahan, tagapagtanggol ng karapatang-tao, kalikasan at iba pa. Sinisindak ang taumbayan na “sumurender” o “magbalik-loob” sa tangkang sila’y patahimikin, basagin ang kanilang pagkakaisa, at supilin ang kanilang paglaban.

Gamit ni Marcos ang kambal na batas na Anti-Terror Law at Anti-Terrorism Financing Law, para isagawa ang kaliwa’t kanang pag-aaresto, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, at pagkukulong. Laluna sa kanayunan, walang-lubay ang mga kaso ng pag-abuso sa karapatang-tao, mga pagpatay at pagmasaker sa mga sibilyan, at iba pang mga paglabag sa internasyunal na makataong batas. Walang-habas rin ang teroristang pambobomba mula sa ere, pag-iistraping at panganganyon para itarak ang takot sa dibdib ng taumbayan.

Sa ilalim ni Marcos, lalong nalalantad ang sagad-sa-butong kabulukan ng naghaharing sistema. Mula nang muling maupo sa Malacañang, sunud-sunod na ipinabasura ni Marcos ang mga kaso laban sa kanilang pamilya kaugnay ng daan-daang bilyong pisong yaman na kinamkam sa panahon ng amang diktador. Tanda ng krisis ng naghaharing sistema, walang kabusugan ang pagkagahaman ni Marcos sa burukratikong pakinabang at pribilehiyo. Ang daan-daang bilyong pisong Maharlika Investment Fund ay hawak ni Marcos para paburan ang kanyang mga kroni at paboritong upisyal.

Kontrolado ngayon ni Marcos ang ismagling ng bigas, asukal at iba pang mga kontrabandong pang-agrikultura. Hinablot ni Marcos sa kamay ng mga Duterte ang ilang malalaking kontrata sa gubyerno tulad ng proyektong riles sa Mindanao, at iba pang malalaking proyektong pang-imprastruktura. Isa ito sa mga sanhi ng tuluyang pagkabiyak ng kanilang pakitang-taong “pagkakaisa” at ng tumitinding girian ng mga nagriribalang pangkatin ng naghaharing uri.

Kung noo’y lumuhod si Duterte sa China at nagpakubabaw sa US, ganap naman ngayong isinuko ni Marcos ang kalayaan at kasarinlan ng Pilipinas sa imperyalismong US. Kapalit ng ayudang militar, suportang pampulitika at mga pangakong pamumuhunan, ipinagtayo ni Marcos ang US ng karagdagang mga base militar at pasilidad sa iba’t ibang panig ng bansa upang ipwesto ang mga dayuhang tropa at armas. Ipinagagamit ni Marcos sa US ang Pilipinas bilang lunsaran ng mga operasyong militar alinsunod sa estratehiyang heyopulitikal nito laban sa imperyalistang karibal na China. Walang araw na lumipas na hindi ginagamit ng US ang lupa at karagatan ng Pilipinas para sa mga pagsasanay at paghahanda sa gera. Sa tabing ng pagtatanggol sa West Philippine Sea, ipinagagamit ni Marcos sa US ang AFP at Philippine Coast Guard para maglunsad ng mga operasyong pang-udyok sa China at bigyang-matwid ang posibleng paggamit ng Mutual Defense Treaty sa panahong naisin ng US.

Pusikit ang hinaharap ng buong bansa at tiyak na lalong sasahol ang sitwasyon ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng rehimeng US-Marcos at bulok na estado ng mga naghaharing uri. Kailangang-kailangang tumindig at sama-samang kumilos ng buong bayan para ipaglaban ang kanilang pambansa at demokratikong interes. Si Marcos ngayon ang numero unong pabigat sa balikat ng masa ng sambayanan, numero unong terorista, numero uno sa korapsyon, numero unong tuta ng imperyalismong US at numero unong traydor sa kalayaan at kaligtasan ng bansa. Ang rehimeng US-Marcos ang numero unong sinisingil, binabatikos at nilalabanan ng sambayanang Pilipino.

Tuluy-tuloy na suungin ang lahat ng larangan ng paglaban. Mula sa pag-aaklas sa mga pagawaan, rali sa mga paaralan, tanggapan, komunidad at mga lansangan, paghamon sa reaksyunaryong halalan, hanggang sa armadong pakikibaka sa kanayunan, dapat ipamalas ng malawak na masa ang kanilang galit at pagkamuhi kay Marcos, at itakwil at yanigin ang kanyang paghahari.

Yanigin ang paghahari ng pahirap, papet at pasistang rehimeng US-Marcos