Editoryal, Kalatas August 2024 Sagipin ang bayan mula sa delubyong dala ng imperyalismo at ni Marcos Jr.

,

Noong huling linggo ng Hulyo hanggang Agosto, pinagdusahan ng mamamayan ang matinding pagbaha, pagguho ng lupa at walang tigil na pag-ulan na dala ng mga bagyong Butchoy at Carina at ng habagat. Ipinailalim sa state of calamity ang NCR, Bataan, Bulacan, Cavite, Batangas, at Oriental Mindoro. Sa katapusan ng Agosto sinegundahan pa ito ng bagyong Enteng. Muli, daang libong pamilya ang apektado habang wasak ang daan-daang milyon hanggang bilyong halaga ng tanim at ari-arian.

Papatong ang sakuna sa dati nang daing ng taumbayan na napakataas na presyo ng mga bilihin, kakulangan o kawalan ng hanapbuhay at laganap na inhustisya. Isinadlak ang masang Pilipino sa kaaba-abang kalagayan ng kainutilan, kriminal na kapabayaan at lantarang pagpapakatuta sa US ng bulok na estado ni Marcos Jr. Sa likod ng mga pakitang-taong hakbang at tugon sa sakuna, umaalingasaw ang matinding epekto sa kapaligiran ng mapandambong na operasyon ng mga mapaminsalang negosyo at ang kapalpakan ng estado sa panahon ng emerhensya. Ang mabilis na pagtaas ng baha at matagal na paghupa nito sa mga lungsod at bayan ang patunay na walang silbi ang mga pampublikong imprastraktura na ipinagmalaki pa sa nakaraang SONA ni Marcos Jr.

Lumutang sa gitna ng unos ang kabulukan ng malapyudal at malakolonyal na estado. Nilamon ng baha ang malalaking kalsada at pininsala ang mga bahay, gusali at opisina. Pinerwisyo nito ang mga manggagawa, estudyante, maliliit na negosyante at maging mga propesyunal na walang ibang nais kundi kumayod para sa kanilang pamilya. Walang kita ang mga nag-aarawan at nakaasa sa pagtitinda at iba pang impormal na trabaho.

Naobligang lumikas ang mahihirap na nakatira sa mahihinang klase ng bahay at mapapanganib na lugar, ngunit pinagdusahan din nila ang kakulangan sa sapat na akomodasyon sa mga evacuation center at kabagalan sa paghahatid ng relip ng pamahalaan. Sa Rizal, may kasong nagutom ang mga bakwit dahil hindi kaagad inilabas ng LGU ang pondo para sa ayudang pagkain. Apektado rin ang mga klase dahil aabot sa 90 eskwelahan ang nasira sa buong bansa habang higit 300 ang ginamit na evacuation center.

Ang hindi maayos na pag-aabiso at paghahanda sa mamamayan sa paparating na sakuna, palyadong mga imprastraktura at kawalan ng plano sa pag-angkop sa mga geological hazards na malapit sa mga lugar panirahan ang mga sanhi ng mga di-kinakailangang pagkawala ng buhay. Iniulat sa CALABARZON ang pinakamaraming kaso ng pagkamatay dahil sa pagkalunod, pagkakuryente, nabagsakan ng puno at pagguho ng lupa. Kabilang sa mga nabiktima ang isang buntis at ilang bata.

Matinding tinamaan ang masang anakpawis, lalo ang mga magsasaka na hindi pa nga nakakabangon mula sa El Niño. Sa pambansang antas, tinatayang nagdulot ang Carina ng P1.3 bilyong pinsala sa agrikultura kung saan 90% ang sa palay, kasunod ang mais na may 5%. Pareho itong pangunahing butil ng mga Pilipino kaya’t apektado ang suplay ng pagkain.

Nagbabadya ang ibayong kagutuman at pagkabaon sa utang ng mga maralita sa kanayunan. Nakikinita ng mga magsasaka ang malaking kabawasan sa kanilang ani. Bukod sa direktang pinsala ng kalamidad, sumulpot din ang mga peste matapos ang matinding tagtuyot at walang tigil na ulan. Ang penomenong ito ay epekto ng matagalang paggamit ng mga sintetikong input sa pagsasaka. Ang masama, apektado rin kahit ang mga hindi gumagamit ng mga kemikal dahil kumakalat ang mga peste sa pamamagitan ng hangin, tubig at lupa.

Para sa mga maralitang magsasaka na pinaka-nangangailangan sa lahat, walang aasahan sa reaksyunaryong gubyerno. Marami sa kanila ay ni hindi makukunsiderang bigyan ng tulong dahil hindi nakarehistro sa Department of Agriculture. Ang perang inilalako ng kagawaran ay pautang, hindi direktang cash assistance.

May hatid ding delubyo sa kabuhayan ng mangingisda ang mga bagyo. Noong Hulyo 25, lumubog ang oil tanker na MT Terranova na may kargang 1.4 milyong litrong langis sa Bataan. Kumalat ang langis sa buong Manila Bay hanggang Cavite. Ang sakuna sa karagatan ay resulta ng wala sa panahong paglalayag ng oil tanker at kabiguan ng gubyernong bantayan ang mga barko sa laot. Dulot nito, libu-libong mamamalakaya ang hindi makapaghanapbuhay.

Masakit sa tenga ng nagdurusang mamamayan ang kontra-mahihirap na “paliwanag” ng rehimeng US-Marcos II kung bakit nagaganap ang mga sakuna. Pinagbuntunan nito ng sisi ang mga diumanong walang disiplinang mamamayan na pinagmumulan ng basurang bara sa mga lagusan ng tubig. Bumaling din ito sa di-siyentipikong pagtingin na likas ang climate change at mga epekto nito kaya’t walang maaaring sisihin sa lumalaganap na pandaigdigang ligalig bunsod ng mga biglaan at drastikong pagbabago sa klima. Ito’y purong kalokohan at pagtatakip sa katotohanang ang anarkistang produksyon sa ilalim ng kapitalismo ang nag-udyok sa mabilis na pag-init ng daigdig at pagkasira ng balanse ng kalikasan.

Pinangungunahan ng mga imperyalistang bansa lalo ng US ang pagbubuga ng hanging nagpapainit sa mundo at ang pangwawasak sa ekosistema sa ngalan ng pagsusustine sa pandaigdigang supply chain ng produksyon at tuluy-tuloy na pagkamal ng tubo. Kinukuha nila ang mga hilaw na materyales tulad ng rare earth metals mula sa di-industriyalisado ngunit sagana sa likas na yaman na mga bansang tulad ng Pilipinas. Nakatala sa kasaysayan ng Pilipinas ang pagkalbo ng diktadurang US-Marcos sa 8 milyong ektaryang kagubatan sa ilalim ng 26 na taong paghahari nito. Naiiwan sa mga kawawang bansa ang pagkagunaw at polusyong kaakibat ng mga operasyon ng pagmimina, paglikha ng enerhiya at iba pang malalaking proyekto ng mga kapitalista. Ang pinsala sa kalikasan ng industriya kakumbina ng mga epekto ng climate change ang lumilikha ng mga nakamamatay na kalamidad na nagpapalubha sa kalagayan ng mahihirap.

Sa pagtama ng kalamidad, higit na nalantad ang pagiging atrasado at agraryan ng bansa at ang inaanay na imprastrakturang sosyal dito. Naiiwang nakadapa ang kabuhayan ng mamamayan matapos ang mga bagyo, tagtuyot at iba pang sakuna, at napakatagal, kung kakayanin man, bago makabangon mula sa trahedya. Lagi namang huli at kapos ang tugon sa sakuna dahil di-handa ang gubyerno. Tinitipid nito ang pondo para sa mga serbisyong sosyal at paghahanda sa sakuna. Inuubos sa burukratikong korapsyon, bayad utang at militarisasyon ang pondo na dapat sanang nakalaan sa pagtataas sa kakayanan ng mamamayan na harapin ang mga kalamidad.

Kasabay ng delubyo, umagos sa buong bayan ang matinding diskuntento at daing para sa tunay na pagbabagong panlipunan. Inulan ng batikos ang gubyerno sa kainutilan nitong solusyonan ang pagbaha, na nagtulak sa mga progresibong kongresista na paimbestigahan kung saan napunta ang daan-daang bilyong pisong pondo sa mga proyektong flood control. Kumilos ang mga magsasaka at mangingisda upang igiit ang danyos-perwisyo at ayuda.

Kabaliktaran ng kainutilan at oportunismo ng mga pulitiko, pinakamaaasahang paraan ng pagsagip sa bayan ang kolektibo at organisadong pagkilos ng mamamayan. Kapuri-puri ang mabilis na pagtugon ng mga organisasyong masa, makataong grupo, mga progresibong samahan at pati mga personahe upang magbigay-kalinga sa kanilang kababayan. Sa mga lugar na impluwensyado ng Pulang kapangyarihan, tampok ang tulungan ng mamamayan upang isalba ang sarili at tugunan ang pangangailangan sa pagkain, tubig at ligtas na silungan.

Ngunit hindi natatapos ang pagsagip sa bayan sa pamimigay ng relip at paglilinis sa mga basurang iniwan ng baha. Kailangan ding ipakita ang diwa ng bayanihan sa paghingi ng katarungan para sa walang habas na pangwawasak ng imperyalismo sa kapaligiran at kriminal na kapabayaan ng papet na rehimeng US-Marcos II. Dapat patuloy na igiit ang sapat na pondo at maayos na plano para sa rehabilitasyon at pagtugon sa mga kalamidad. Singilin ang gubyerno at mga salaring korporasyon ng danyos para sa kanilang mapaminsalang negosyo at konstruksyon na naglagay sa mamamayan sa panganib at nagpalubha sa bulnerabilidad ng mga komunidad sa mga sakuna sa klima.

Ang ultimong solusyon upang sagipin ang bayan mula sa lusak ng malakolonyal at malapyudal na sistema ay ang bagong tipo ng pambansa demokratikong rebolusyon na isinusulong sa bansa sa loob ng higit limang dekada. Layon ng rebolusyon na ibagsak ang imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo na naghahari-harian sa lipunang Pilipino. Kapalit ng bulok na estado, ititindig at patatatagin ang isang demokratikong estadong bayan na magtitiyak sa tunay na kaunlaran habang isinasaalang-alang ang isang malusog na kapaligiran. Kailangang ipaunawa hanggang yakapin ng masang Pilipino ang adhikaing ito upang ibunsod ang signipikanteng paglawak at paglakas ng rebolusyonaryong hanay—hanggang likhain ang daluyong ng paglaban na maghuhudyat sa pagdatal ng bago’t maaliwalas na bukas.

Sagipin ang bayan mula sa delubyong dala ng imperyalismo at ni Marcos Jr.