Mula brutal na mananakop tungong nagkukunwaring alyado: (Primer) Bakit kailangang tutulan ang RAA sa pagitan ng Pilipinas at Japan?
Download here: PDF PDF (Black & White)
Pinirmahan noong Hulyo 8, 2024 ang tagibang na kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at Japan na Reciprocal Access Agreement (RAA). Nakahanay ito ngayon para ratipikahan o pagtibayin ng Senado para maging ganap na tratado. Marami nang senador, kabilang ang presidente ng Senado na si Francis Escudero at nag-aastang “oposisyon” na si Risa Hontiveros, ang nagkakandarapa na pirmahan ito. Kakoro nila ang US sa paglalako ng kasunduan bilang instrumento para sa “seguridad at istabilidad” sa Asia. Tahasan nilang binalewala ang kasaysayan ng brutal na okupasyon ng Japan sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng RAA, bibigyang daan ng rehimeng Marcos ang Japan ang pagpapalakas ng panghihimasok nito sa Pilipinas kapalit ng pagbibigay ng mga kagamitang militar, gayundin ang mga pangako ng pamumuhunan at pautang para sa mga neoliberal na programa at patakaran. Higit din nitong itinatali ang bansa sa imperyalistang alyansang mapandigma na pinamumunuan ng US. Higit itong babagbag sa kakayahan ng bansa na independyenteng igiit ang sarili nitong mga interes at adhikain.
1) Ano ang RAA?
Binuo ang RAA para bigyang laya ang mga pwersa at buong militar ng Japan na malayang maglabas-masok saanmang bahagi ng kalupaan, kahanginan at karagatan ng Pilipinas. Naging sikreto ang negosasyon para rito. Bahagi ito ng plano ng US at mga alyado nito na magpakat ng parami nang paraming tropa sa mga bansa sa Asia, magpwesto ng kanilang mga sasakyang-dagat, magsagawa ng mga pagsasanay at paghahanda sa digmaan, at itali ang Pilipinas nang mas mahigpit sa mga alyansang militar na pinamumunuan ng US.
Sa tulak ng US, napinal ang kasunduan sa loob lamang ng ilang buwan. Una itong tinangkang buuin sa panahon pa ng rehimeng US-Aquino II (2010-2016). Pero naudlot ito sa panahon ng rehimeng Duterte na nag-astang kontra-US para makaganansya mula sa bilyong-dolyar na mga kontrata sa China. Isa ang RAA sa lima pang kasunduang militar na pinasok ng Pilipinas sa kasalukuyang taon. (Tingnan ang talaan.)
Sa panig ng Japan, ang RAA ang una sa gayong kasunduan na pinirmahan nito kasama ang isang bansa sa Asia. Mayroon din itong RAA sa Ausralia (2022) at UK (2023).
2) Paano nito maapektuhan ang soberanya at seguridad ng bansa?
Hindi nalalayo ang RAA sa mga Visiting Forces Agreement na pinirmahan ng Pilipinas sa pagitan nito at ng US sa usapin ng pagyurak sa soberanya at pagsasapeligro sa Pilipinas sa eksternal na mga bantang panseguridad.
Tulad ng VFA, hindi na kailangang kumuha ng visa at magparehistro bilang “dayuhang bisita” sa mga ahensya ng estadong Pilipino ang mga bumibisitang tropa at sibilyang kontraktor ng Japan, gayundin ang kani-kanilang mga pamilya. Ni hindi kailangang magpresenta ng pasaporte ang mga tropa kung mayroon silang dalang “defense service identity card” na pirmado ng Japan.
Walang malinaw na nakasaad sa kasunduan kung gaano katagal maaaring maglagi ang mga tropa ng Japan sa bansa. Habang nasa loob sila ng bansa, hindi sila nakapailalim sa awtoridad ng Pilipinas at ang Japan ang mamahala at may kontrol sa lahat ng kanilang aktbidad.
Maaaring “ipasok, ilagak at gamitin” ng Japan ang lahat ng klaseng armas, amunisyon, eksplosibo at mapanganib na mga kagamitan nito sa loob ng Pilipinas. Bagamat may pagkukunwari ang kasunduan sa “pag-iingat” sa mga sibilyang komunidad at kalikasan, nakasaad dito na walang pananagutan ang magkabilang panig sa anumang “pinsala sa anumang ari-arian, kamatayan ng isang tropa o ng sibilyan” hangga’t ang mga ito ay naganap habang tumutupad sa mga gawaing upisyal” (Artikulo XXIII, Bilang 1, Letra A). Sa gayon, walang pananagutan ang Japan sa anumang mapipinsala ng mga tropa, gamit at armas nito hangga’t nakapaloob ang pagkapinsala sa “pinagsanib” na mga aktibidad. Sa kasunduan, maaring gamitin ng Japan ang lahat ng mga pampublikong serbisyo, yutilidad at pasilidad sa anumang unilateral o pinagsanib na aktibidad (Artikulo IX).
Bagamat direkta ang lengwahe ng kasunduan kaugnay sa “pagpapailalim ng mga tropa sa kriminal na hurisdiksyon” ng sinumang nagkasala, (Artikulo XXI, Bilang 2, Letra B), mamamayani pa rin ang “karapatan sa ekslusibong hurisdiksyon” ng Japan sa mga tropa nito kung ang mga krimen ay “hindi saklaw” ng batas ng Pilipinas o kung ang krimen ay laban lamang sa ari-arian o seguridad ng Japan (Artikulo XXI, Bilang 3, Letra A). Gayundin, maaaring “magdesisyon” ang Pilipinas na hindi ipailalim sa hurisdiksyon nito ang sinumang tropang Japanese na sinampahan ng kasong kriminal, o di kaya’y magbigay ng “kunsiderasyon” (sympathetic consideration) sa hiling ng Japan na isuko (waive) ang hurisdiksyon nito sa gayong mga kaso (Artikulo XXI, Bilang 4, Letra C at D).
Ang naturang mga probisyon ay katulad na katulad ng mga probisyon ng US-RP Visiting Forces Agreement na ginamit para makalusot ang ilang tropang Amerikano na nakagawa ng krimen sa Pilipinas, halimbawa si US Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton na pumatay sa transgender na si Jennifer Laude noong 2014 at Marine Lance Cpl. Daniel Smith na gumahasa sa Pilipinang si “Nicole” noong 2006. Tulad ng VFA at ibang tagibang na kasunduang militar ng Pilipinas at US, kakaladkarin ng RAA ang bansa sa mga sigalot ng Japan dahil sa presensya ng mga tropa at gamit militar nito sa bansa.
3) Bakit itinulak ng US ang RAA?
Nakapaloob ang RAA sa Indo-Pacific Strategy ng US na may pangunahing layuning pigilan ang paglawak ng lakas at impluwensya ng China, ang komun nilang karibal, sa Asia. Nilagdaan ito sa konteksto ng pinaigting na mga operasyong militar ng Japan sa ibang bansa sa balangkas ng Quad (Quadrilateral Security Dialogue) na pinamumunuan ng US, at ng lumalaking papel nito sa mga pagsasanay at paghahanda sa digmaan.
Sa pag-uudyok ng US sa nakalipas na mga taon, pinalakas at pinalawak ng Japan ang tinatawag nitong self-defense force bilang isang pwersang pandigma, bagay na tahasang ipinagbabawal sa sarili nitong konstitusyon. Itinutulak ng US ang Japan na taasan ang badyet nito sa militar tungong 2% (mula sa 1%) ng gross domestic product nito upang “makibahagi sa gastos” ng “paghadlang sa agresyon ng China.”
Ginagamit ng US ang Japan bilang nangungunang bisig nito para ipataw ang imperyalistang hegemonya sa Asia. Matatagpuan sa loob nito ang di bababa sa 15 maalawak na base militar na tinatauhan ng 55,000 tropang Amerikano. Nakaistasyon sa Japan ang 7th Fleet, ang pinakamalaking forward-deployed fleet ng US Navy. Kasalukuyan itong binubuo ng tatlong aircraft carrier (mula sa isa), 4-5 cruiser, 18-19 destroyer, 8 amphibious ship, 5 submarino, 9-11 logistics ship at mahigit 500 iba’t ibang tipo ng sasakyang panghimpapawid.
Sa unang pagkakataon noong 2022, inimbita ng US ang Japan sa pagpupulong ng North Atlantic Treaty Organization, kung saan nabuo nito ang ilang baylateral na kasunduan ng bentahan ng armas at pinagsanib na mga pagsasanay. Nitong 2024, ipinatawag ng US ang dalawang magkahiwalay na “trilateral na pagpupulong” para bigyan ng mas malaking papel ang Japan sa panghihimasok nito sa South Korea at Pilipinas.
4) Ano ang bentahe ng Japan sa RAA?
Habang nagsisilbi ang Japan bilang sekundaryong katuwang na imperyalistang kapangyarihan ng US, may kalkuladong risgo din ang US na mapapalakas nito ang loob ng mga monopolyong kapitalistang Japanese na naghahangad ng ekspansyunismo.
Noong 2022, binuo ng Japan ang National Security Plan kung saan nakapaloob ang programang Official Security Assistance (OSA). Tulad ng Official Development Assistance (ODA) nito, daluyan ang OSA ng sarplas na kapital at gamit-militar ng Japan tungong ibang bansa sa Asia. Ang OSA ay mga pautang para ipambili ng umuutang na bansa ng mga makina, sasakyan, samutsaring produkto at kasanayang Japanese. Sa sumunod na taon, binalangkas naman ng Japan ang sariling planong Free and Open Indo-Pacific para bigyan-hugis ang pagpapalakas ng sariling presensyang militar at pagpapalawak ng impluwensya sa Asia bilang imperyalistang bansa.
Sa ilalim ng programang OSA, target ng Japan na gawing tambakan ng kapital at gamit-militar ang Pilipinas, Vietnam at Singapore. Isa sa mga unang kontrata nito ang pautang sa Pilipinas para ipambili ng lima nitong barkong pampatrol. Ang mga barkong ito ay gagamitin ng Philippine Coast Guard para “ipatrol” ang karagatan kasama ang mga pwersang Amerikano, Japanese at Australian.
Labas sa OSA, balak ng Japan na magtambak nang hanggang $75 bilyong sarplas na kapital nito sa anyo ng pamumuhunan sa iba’t ibang proyektong imprastruktura sa mga bansa sa South at Southeast Asia. Higit sa US at China, ang Japan ang pinakamalaking imperyalistang mamumuhunan sa South at Southeast Asia. Umaabot sa $367 bilyon ang kasalukuyang pamumuhunan nito sa mga proyekto sa Southeast Asia pa lamang.
Ang Japan ang numero unong katuwang sa kalakalan ng Pilipinas noong 2023 at pinakamalaking pinanggagalingan ng dayuhang pamumuhunan ng bansa sa nakaraang mga taon. Pinangangalagaan ng Japan ang mga komersyal na interes nito sa bansa sa pamamagitan ng tagibang ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA). Binibigyan-laya ng kasunduang ito ang pagsasamantala ng Japan sa mga rekurso at murang lakas-paggawa ng mga Pilipino, habang inoobliga ang Pilipinas na ibaba ang mga taripa sa mga produktong Japanese at tanggalin ang natitirang mga proteksyon sa lokal na industriya at agrikultura.
Nakalagak ang kapital ng Japan (sa anyo ng mga pautang) sa engrandeng mga proyektong imprastruktura, pangunahin mga riles at daan, na nagpalayas sa ilandaan nang mga komunidad, puminsala sa kabuhayan ng libu-libong maralita at nagwasak sa kalikasan. Salarin din ito sa paglala ng sistema ng transportasyon na dulot ng pagtutulak nito ng huwad na modernisasyon na nagpatalsik sa mga tradisyunal na dyip sa daan. Sangkot ito sa mapandambong na mga proyekto para sa renewable energy, habang numero unong tagapamuhunan sa mga plantang karbon at LNG na mapanira sa kalikasan at salarin sa paglala ng climate change.
5) Bakit pagtataksil sa Pilipinas ang pagpasok ng rehimeng Marcos sa RAA?
Sa kauna-unahang pagkakataon mula matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, papayagan ng RAA ang pagpasok at pananatili ng mga tropa ng imperyalistang Japan sa bansa. Sa pagitan ng 1942 at 1945, kung saan brutal na inokupa ng Japan ang Pilipinas, isinagawa ng mga tropa nito ang maramihang pagpatay, tortyur at karahasang sekswal. Sa taya ng mga dalubhasa sa kasaysayan, nasa pagitan ng 90,000-300,000 na mga Pilipinong sibilyan ang pinatay ng mga tropang Japanese sa panahong ito. Isa sa pinakakarumal-dumal na pangyayari ang Battle of Manila mula Pebrero hanggang Marso 1945, kung saan daanlibo ang pinatay at daan-daan ang ginahasa ng mga tropang Japanese.
Isa sa mga hindi pa naghihilom na sugat na iniwan ng brutal na okupasyon ang kawalang hustisya sa mga biktima ng pang-aaliping sekswal ng pwersang Japanese. Libu-libong kababaihan, bata at baklang Pilipino ang dinukot mula sa kanilang mga komunidad at ikinulong sa mga kampo militar para paulit-ulit na gahasain, itortyur, at pahiyain. Kinilala ang mga biktima bilang mga “comfort women.” Sa kabila ng tulak ng United Nations, hindi kailanman buong kinilala ng Japan ang mga Pilipinong comfort women at wala itong ibinigay na kumpensasyon ni isang sentimo sa kanila.
Sa harap ng umiigting na panghihimasok ng US at Japan sa Pilipinas, at pagkaladkad ng mga ito sa sinusulsulang imperyalistang digma laban sa China, mahigpit na tinututulan ng mamamayang Pilipino ang tagibang na RAA. Kinundena nila ang rehimeng Marcos at mga kasapakat nito sa Senado sa pagtatraydor sa mamamayang Pilipino.
Sa linggo nang pinirmahan ang kasunduan, agad na nagpahayag ng pagtutol ang mga grupong pambansa-demokratiko laban dito. Nagtungo sila sa emabahada ng Japan para ipaabot ang kanilang hinaing. Kabilang sa mga nagpaabot ng mariing pagtutol ang Lila Pilipina, isang organisasyon ng mga comfort women na binuo noong 1994. Ilan na lamang ang natitira sa kanila sa ngayon.
Malaon nang itinutulak ng mga grupo at mga progresibong kongresista ang paglalakip ng mga kwento ng comfort women sa edukasyon para hindi mabaon sa limot ang brutalidad ng pananakop ng Japan. Hanggang ngayon, hindi ito tinutugunan ng reaksyunaryong estado, at sa halip ay pilit pang ibinabaon sa limot.
Tutulan ang Japan-Philippines Reciprocal Access Agreement!
Labanan ang mga probokasyon sa digma ng US!
____
Inihanda ng:
Kawanihan sa Impormasyon
Partido Komunista ng Pilipinas
Setyembre 2024