Editoryal

Makiisa sa walang-tinag na pakikibaka ng mamamayang Palestino

, ,

Eksaktong isang taon ang nakaraan nang sinimulan ng Zionistang estado ng Israel ang walang-habas na pambobomba, paglusob at pananakop sa Gaza Strip, lupain ng Palestine. Sa suporta ng imperyalismong US, pinaigting ng mga pwersang Zionista ang gerang henosidyo laban sa mga Palestino, gamit ang tone-toneladang bomba para pulbusin ang buong Gaza.

Hindi bababa sa 41,000 tao, kabilang ang 27,000 kababaihan at mga bata ang kinitil sa paulit-ulit na pagmasaker sa buo-buong mga pamilya at komunidad. Napalayas sa kanilang mga tahanan ang halos buong populasyong 2.1 milyon sa Gaza. Sadyang tinarget ng pambombomba ang mga gusaling pangnegosyo at paninirahan, ospital, eskwelahan, mga planta ng kuryente, sistema ng patubig, mga kalsada at iba pa. Sukdulan ang pagdurusa ng mamamayan ng Gaza dahil sa gutom at sakit, kawalan ng maiinom, pagkawasak ng sanitasyon at paglumpo sa sistemang pangkalusugan. Hindi nilubayan ng pag-atake ng Israel maging ang mga taong midya at mga internasyunal na ahensyang nagdadala ng tulong.

Napakalaking kabulastugan ang pagbibigay-katwiran ng mga Zionista, ng US at ng mga kaalyadong imperyalistang bansa. Iginigiit nila na ang walang-tugot na pambobomba sa Gaza ay bahagi ng “karapatan ng Israel na ipagtanggol ang sarili,” gayong ang tinarget nito ay walang kalaban-labang populasyon. Ang pambobomba sa Gaza ay tahasang paglapastangan sa internasyunal na makataong batas at kahindik-hindik na mga krimen sa digma.

Ang teroristang gera ng Zionistang Israel sa Gaza ay hindi pantay na tugon sa armadong pag-aalsang isinagawa noong Oktubre 7, 2023 ng iba’t ibang mga mandirigmang nakikibaka para sa kalayaan ng Palestine. Noong araw na iyon, naglunsad sila ng mga armadong opensiba laban sa mga base militar at pasilidad sa Israel at kumuha ng mga bihag. Isinagawa iyon ng malawak na hanay ng mga grupong lumalaban sa Palestine, kabilang ang mga pwersang Islamiko (Hamas), ang People’s Front for the Liberation of Palestine, pati na rin ang iba pang demokratiko, armado at di-armadong rebolusyonaryong pwersa.

Ang pag-aalsa, na tinaguriang Operation Al-Aqsa Flood, ay naglayong labanan ang tumitinding pang-aapi at pampulitikang panunupil ng Zionistang Israel laban sa mga Palestino sa Gaza at sa Occupied West Bank. Iyon ngayon ay dagdag na makasaysayang kabanata sa nagpapatuloy na pakikibaka ng mamamayang Palestino para sa pambansang pagpapalaya at karapatan sa sariling pagpapasya.

Mahigit 75 taon na ang nakalipas nang isinagawa ng mga pwersang Zionista o ultra-nasyunalistang Hudyo, na may suporta ng imperyalismong US at Britanya, ang mga masaker at iba’t ibang anyo ng karahasan upang itaboy ang 700,000 Palestino mula sa kanilang mga tahanan at lupa at hawanin ang daan para itatag ang estadong Hudyo ng Israel. Dahil sa Al Nakba (o Ang Sakuna), napilitang tumakas at mag-ipon ang mga Palestino patungong Jordan (West Bank) at sa Gaza Strip (sa hangganan ng Egypt), o magpasukob sa iba’t ibang panig ng mundo. Mula noong 1967, sinakop ng Zionistang Israel ang West Bank at ikinulong ang mga Palestino sa mga binakurang komunidad. Ang Gaza Strip ay naging malaking bilangguan na palagiang binabantayan at sinasalaky ng mga pwersang Israeli.

Ang kalupitan at barbarismo ng 75 taong Zionista at imperyalistang pang-aapi ay tinutumbasan lamang ng masigasig at walang humpay na paglaban ng mamamayang Palestino. Ipinamamalas nila ang kanilang determinasyong lumaban sa pamamagitan ng mga digmaan at Intifada (Pag-aalsa), kung saan ipinakita ang katapangan at walang pag-iimbot na sakripisyo ng di-mabilang na martir. Ang armadong opensiba noong Oktubre 7, 2023 ay panandang-bato ng makasaysayang paglaban ng mamamayang Palestino para palayain ang kanilang bayan mula sa tanikala ng pang-aapi.

Ang Zionistang estado ng Israel ay lubos na sinusuportahan ng US at mga kaalyadong imperyalistang bansa. Dagdag sa taunang ayudang $3.8 bilyon, nagbigay ang US ng hindi bababa sa $12.5 bilyong ayudang militar mula Oktubre 2023 sa anyo ng mahigit 10,000 toneladang mga bomba na ginamit sa maramihang pagpatay sa mamamayang Palestino. Nagbingi-bingihan ito sa pandaigdigang pagbatikos sa henosidyo sa Gaza, habang sumirit ang tubo ng mga kumpanyang Amerikanong gumagawa ng armas. Ipokrito ang panawagan ng gubyernong Biden para sa tigil-putukan at layunin lamang na labusawin ang papel nito sa henosidyo. Ang tunay nitong layunin ay patuloy na gamitin ang Israel na tuntungan para panatilihin at palakasin ang hegemonya nito sa Middle East para siguruhin ang kanyang interes sa malawak na reserbang langis at iba pang rekurso.

Taglay ang patagong suporta ng US, pinatindi pa ng Israel ang digmaan sa Middle East sa pamamagitan ng pag-atake sa Lebanon, Yemen, Syria at Iran, na pawang mahigpit na sumusuporta sa paglaban ng mamamayang Palestino sa henosidyo ng Israel. Ang pagpapasabog ng mga misayl sa Lebanon ay pumaslang sa mahigit 500 sibilyan, kasabay ng asasinasyon sa ilang lider ng kilusang Hezbollah. Bilang proxy ng US, nais ng Israel na udyukin ang mas malawak na digmaan sa Middle East, na tumatarget sa mga bansang matatag na nagtatanggol sa kanilang soberanya, lalo na ang Iran, na hayagang idineklara ng US na kaaway nito. Ang pang-uudyok ng mas malawak na gera at pagkahayok sa digmaan ng Israel at US ay malinaw na mga tanda ng pagkabangkarote ng imperyalismo.

Sa buong mundo, milyun-milyon ang nagpahayag ng kanilang labis na poot sa henosidyo sa Gaza, pati na sa okupadong West Bank. Sa kabila ng mga tangkang supilin ang kanilang mga protesta, tulad sa US at ibang bansa, hindi sila napaaatras dahil humuhugot sila ng inspirasyon sa walang hanggang determinasyon ng mamamayang Palestino at kanilang mga rebolusyonaryong pwersa na ipagpatuloy ang kanilang paglaban.

Dapat ibigay ng sambayanang Pilipino ang walang-hanggang suporta sa mamamayang Palestino sa walang-tinag nilang pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya at karapatan sa pagpapasya-sa-sarili. Ang pakikibaka ng mamamayang Palestino ay mahigpit na nakaugnay sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino, ng lahat ng aping mamamayan at mga bansang nagtatanggol sa pambansang kasarinlan laban sa imperyalistang panghihimasok at mga digmaan. Ang tagumpay ng mamamayang Palestino, ay tagumpay ng lahat ng aping mamamayan sa buong mundo.

Makiisa sa walang-tinag na pakikibaka ng mamamayang Palestino