Walkout ng pagkakaisa, ikinasa sa UPLB bilang Pagprotesta kontra-katiwalian at kontra-budget cut

Sa gitna ng patuloy na paghihirap ng mga mamamayan dulot ng mga maling polisiya at katiwalian, muling nagsama-sama ang mahigit 7,000 miyembro ng komunidad ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) para sa isang makasaysayang walkout noong Setyembre . Anim na taon mula nang huling magsagawa ng ganitong protesta ang pamantasan, pinasiklab muli ng mga mag-aaral, guro, kawani, jeepney drayber, at mga residente ng Los Banos ang kanilang tapang na lumiban sa klase at trabaho upang iparating ang hindi matitinag na galit sa walang habas na pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan.

Ang walkout ay pagsasama-sama ng mga sektor ng komunidad ng UPLB- mula sa mga mag-aaral, guro, at mga kawani – upang ipakita ang pakikibaka sa mga isyung nakaaapekto sa kanilang mga buhay. Isinasalaysay ng pagkilos ang mga problemang hindi lamang limitado sa mga estudyante ng pamantasan kundi sa buong bansa, mula sa budget cuts na dumaan sa mga unibersidad hanggang sa patuloy na katiwalian ng mga nakaupo sa gobyerno.

Panawagan laban sa Katiwalian at Budget Cuts

Sa unang bahagi ng aktibidad, nagsagawa ang bawat kolehiyo ng mga desentralisadong programa bago magsalubungan ang lahat sa Oblation Park. Ang mga panawagan ay umikot sa pagpapataas ng badyet para sa edukasyon at mga serbisyong panlipunan, pati na rin ang pagsasagawa ng mga hakbang na magpapanagot sa mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa mga iskandalo ng katiwalian, partikular sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Hindi na namin kayang maghintay,” ani Atty. Filemon Nolasco, ang unang University Student Council (USC) Chairperson ng UPLB, sa kanyang talumpati. “Ito ang panahon ng paniningil. Ito ang panahon ng pananagot.” Isang makapangyarihang panawagan ito sa mga kabataan: na huwag hayaan na magpatuloy ang mga maling sistema at kawalan ng katarungan.

UP Action Los Baños: Isang Alyansa para sa Makatarungang Sistema

Sa rurok ng pagkilos, inilunsad ang pagsasapormal ng pagtatag sa UP Action Los Baños, isang alyansa na binubuo ng mga mag-aaral, guro, at mga kawani ng UPLB na magtutulungan upang itaguyod ang mas mataas na pondo para sa edukasyon at iba pang mga serbisyong panlipunan. Bitbit ng alyansa ang kampanya mula sa makamasa at makaestudyanteng pamamahala sa pamantasan, hanggang sa isang mas makatarungang sistemang panlipunan.

Pinag-uugnay ng pagkilos na ito ang mga henerasyon ng kabataan na hindi makakalimot sa kanilang papel sa pagpapabuti ng kasalukuyang lipunan. Higit pa sa mga isyung teknikal ng budget cuts at mga iskandalo ng katiwalian, ang UPLB walkout ay nagsilbing paalala ng tungkulin ng bawat isa na magsalita at maglaban para sa isang lipunang hindi lamang para sa iilang may kapangyarihan kundi para sa nakararami.

Kwento ng Pagsasamantala: Kwento ng Paglaban

Kasama sa mga aktibidad ng araw ang forum na tinawag na “Kwento at Konteksto: Pilipinas sa Pangil ng Buwayang Marcos,” na pinangunahan ng College of Veterinary Medicine Student Council (CVMSC). Tinalakay dito ang mga hindi kilalang aspekto ng Martial Law, tulad ng mga pang-aabuso sa mga katutubong komunidad sa Calauit. Si Lia Profeta, dating councilor ng CVMSC, ay nagsalaysay naman ng mga kwento ng mga Tagbanua na nagsisilbing halimbawa ng mga paglabag sa karapatang pantao ng rehimen ng Marcos.

Sa susunod na bahagi ng programa, pinangunahan ng Karma Kolektib, isang grupo ng mga progresibong artistang estudyante, ang isang komiks workshop upang gamitin ang sining sa pagbibigay ng boses sa mga sektor na matagal nang hindi naririnig. Inilahad ng grupo na ang sining, hindi lamang sa anyo ng komiks, kundi sa lahat ng mga anyo nito, ay may lakas na magbigay ng liwanag sa madilim na realidad ng lipunan.

Pag-alala at Pagpapatuloy ng Paglaban

Sa isang candle lighting ceremony at isang pagtatanghal ng Umalohokan Inc., isang organisasyong pang-teatrong pangkomunidad, pinagpugayan ang mga martir ng Martial Law. Sa kanilang mga alay na kandila, muling binuhay ang ala-ala ng mga buhay na nabuwal sa ngalan ng tunay na kalayaan. Nagsilbi itong paalala na ang paglaban ay isang nagpapatuloy na proseso, hindi lang para sa mga naunang nagbuwis ng buhay, kundi para sa mga kabataan ngayon na humaharap sa mga bagong anyo ng pasismo at katiwalian.

Laban na Magpapatuloy

Ang mga kabataan ng UPLB ay nagsalita nang malakas at malinaw, ang kanilang laban ay laban ng bawat mamamayan. Habang sila ay nagtipon sa Oblation Park, ang kanilang mga isipan ay naglalakbay sa mas mataas na layunin: isang bansa na hindi pinaghaharian ng mga tiwaling lider, kundi ng isang pamahalaan na tunay na maglilingkod sa tao, hindi sa kanilang sariling interes. Bitbit ang diwang pinasiklab ng walkout, nagpapatuloy ang tapang na ipinamamalas ng mga Iskolar ng Bayan upang maglingkod sa interes ng sambayanang Pilipino.

Ang mga susunod na linggo ay nagdala pa ng mas marami pang protesta, kabilang na ang mga pagkilos na nilunsad sa Luneta Park bilang paggunita sa ika-53 taon ng Deklarasyon ng Martial Law, na nilahukan ng daan-daang estudyante ng UPLB.

Walkout ng pagkakaisa, ikinasa sa UPLB bilang Pagprotesta kontra-katiwalian at kontra-budget cut