₱2 alok na dagdag-sahod ng FCF Manufacturing, insulto; mga manggagawa, magwewelga
Naghain ng Notice of Strike ang unyon na Buklod ng Manggagawa sa FCF Manufacturing (BMFCFM) sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) noong Disyembre 5 matapos tanggihan ng kapitalista ng FCF Manufacturing ang giit ng unyon na ₱50 dagdag sahod sa collective bargaining agreement (CBA) nito. Inalok lamang ang mga manggagawa ng mapang-insultong ₱2 dagdag-sahod.
Ang FCF Manufacturing Corp. ay isang kumpanya na matatagpuan sa Freeport Area of Bataan (FAB) sa Mariveles, Bataan. Ang kumpanya ay gumagawa ng mamahaling mga kagamitan tulad ng leather bag at wallet na may tatak na Coach at Kate Spade. Kabilang ang FCF sa mga kumpanya ng Fashion Focus Ltd, isang kumpanya na nakabase sa China.
Matapos ang paghahain ng notice ng unyon, muling humarap ang mga lider ng BMFCFM sa maneydsment ng kumpanya ngunit patuloy itong nagmatigas at sinabing sarado na sa ₱2 ang dagdag-sahod para sa mga manggagawa.
“Para makuha natin [ang taas-sahod] kailangan nating kumilos syempre at hindi naman po pwede na maghihintay tayo o mag-aabang sakaling ibibigay. Hindi po. Ang CBA po at ang benepisyo ay ipinaglalaban po talaga yan”, ayon kay Armando delos Santos, pangulo ng BMFCFM.
Tumatanggap lamang ng ₱500 ang lahat ng mga manggagawa ng FCF Manufacturing. Lubhang malayo ito sa tinatayang ₱1,142 nakabubuhay na sahod noong Nobyembre sa Central Luzon, kung saan kabilang ang Bataan. Liban dito, laganap din ang mga paglabag sa karapatan ng manggagawa katulad ng palagiang force leave, iligal na tanggalan, at di makataong kundisyon sa paggawa ng kumpanya.
Samantala, nagpahayag ng pakikiisa ang Nagkakaisang Manggagawa ng FAB (NMFAB) sa BMFCFM sa makatwirang laban ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod. Ayon sa grupo, “Sa milyun-milyong produkto at kita ng kapitalistang FCF, pang-iinsulto ang ₱2 limos para sa mga manggagawa. Dapat ding magkaisa ang lahat ng mga manggagawa ng FCF na igiit at ipaglaban ang nakabubuhay sahod alinsunod sa kanilang mga kahingian at panawagan.”
Patunay din umano ng hindi pagkakasundo ng kapitalista at ng unyon ang malaking pangangailangng ipaglaban ang mas mataas na sahod sa harap ng hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng bilihin sa bansa. Nagbabala din ang NMFAB na hindi malabong gawin ng kapitalista ng FCF Manufacturing ang lahat ng paraan kagaya ng panunuhol, at pananakot, kaya susi umano sa tagumpay ng laban ang matibay na pagkakaisa ng manggagawa.