Balita

₱5-6 rolbak sa presyo ng petrolyo, katiting kumpara sa ₱30-42 netong pagtaas mula Enero

Kinastigo ng samahan sa transportasyon na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) ang ₱5-6 na rolbak sa presyo petrolyo ngayong linggo at sinabing hindi ito sapat para makaagapay sa napakababang kita ng mga tsuper sa araw-araw.

“Patuloy na nahihirapan ang mga drayber ng dyip sa higit kumulang ₱350 arawang kita lamang dulot ng napakataas na pa ring presyo ng petroloyo sa kabila ng rolbak,” ayon sa Piston. Dagdag pa nila, lubhang maliit ang rolbak kumpara sa netong pagtaas nito na nagresulta sa pinakamataas na implasyon sa nagdaang tatlong taon.

Sa datos mismo ng Department og Energy noong Hulyo 5, umaabot na sa kabuuag ₱30 kada litro ang itinaas ng presyo ng gasolina; ₱42.90 sa diesel at ₱36.35 sa kerosene mula nang magbukas ang taon.

Noong Hunyo, pumalo ang implasyon sa transportasyon tungong 17.1% dahil sa 53.9% pagtaas sa presyo ng gasolina at 92.5% sa diesel kumpara sa presyo nito noong nakaraang taon.

Ayon sa grupo, bagaman panandaliang nakatutulong sa sektor ng transportasyon ang pana-panahon at maliitang subsidyo at ayuda, ang kinakailangan umano ay masinsing mga ekonomikong reporma.

“Kailangang alisin ang mga patong-patong na buwis sa langis na pinapasan ng mga tsuper gaya ng VAT at Excise Tax,” ayon kay Mody Floranda, pambansang tagapangulo ng Piston, “para sa mas pangmatagalan, kailangan ibasura ang Oil Deregulation Law at bawiin ng gubyerno ang Petron.”

Pinuna ni Floranda ang pakikipagsabwatan ng Department of Energy at pagsunod sa dikta ng mga dambuhalang kumpanya ng langis na tumatabo ng milyun-milyon mula sa paghihirap ng taumbayan.

Inilinaw din ng Piston na mali ang pagtutulak ng ibang mga grupo sa transportasyon na muling buhayin ng rehimeng Marcos ang Oil Price Stabilization Fund (OPSF) na nagsubsidyo sa mga kumpanya sa langis noong panahon ng diktadurang US-Marcos I. Ibayong patatabain lamang umano nito ang bulsa ng mga kumpanya sa langis ayon sa grupo.

“Lingguhan ang pagbabago sa presyo ng langis at bagama’t may pagbaba ngayon, kung patuloy lang na nagpapasarap sa palasyo at magpapabaya sa mga isyu ng taumbayan si BBM (Marcos), asahan nating magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at ng mga bilihin at patuloy na maghihirap ang mga Pilipino,” pagtatapos ni Floranda.

AB: ₱5-6 rolbak sa presyo ng petrolyo, katiting kumpara sa ₱30-42 netong pagtaas mula Enero