Petron, kumita ng P1.7 bilyon sa mataas na presyo ng langis

Balita nitong linggo na kumita ang Petron Corporation ng P1.74 bilyon sa unang tatlong buwan ng taon dulot ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Bumagsak ang kita ng Petron sa unang hati ng 2020 dulot ng mga restriksyon sa transportasyon pero mabilis itong nakabawi sa huling kwarto ng taon. Mula Enero, walong beses nang itinaas ng mga kumpanya ng langis ang presyo ng diesel at gasolina habang apat na beses lamang ito nagpatupad ng pagbaba ng presyo. Ipinatupad ang pinakahuling pagtaas noong Mayo 4 na nagresulta sa netong dagdag na P7.80 kada litro sa presyo ng gasolina, P6.05 sa diesel at P5.30 sa kerosin mula Enero 2021.

Ibinunsod ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo ang pagtaas ng gastos sa transportasyon na salik sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain. Binabatak ng mga ito ang kakarampot nang sahod at kita ng mga Pilipino sa gitna ng pandemya. Sa taya ng mga eksperto, lalupang hihilahin ng matataas na presyo ng mga produktong petrolyo ang implasyon mula 4.5% sa Abril tungong 7% sa susunod na mga buwan. Dagdag na pasakit pa ang mga buwis na ipinataw ng rehimeng Duterte sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng batas na TRAIN at ang dagdag na excise tax na ipinataw noong Mayo 2020.

Noong 2019, ang Petron Corp. ang nangungunang kumpanya ng langis at pangalawang pinakamalaki sa lahat ng mga mga kumpanya sa Pilipinas. Nagtala ito ng P351.38 bilyong benta at P6.34 bilyong netong kita para sa buong taon. Bago ang pandemya, nagrerepina ang kumpanya ng 180,000 bariles kada araw sa planta nito sa Bataan. Noong 2020, isinara nito ang naturang planta at inaangkat ang lahat ng mga produktong petrolyo. Noong 2018, mayroon itong 2,400 gasolinahan sa buong mundo na nagsusuplay sa mahigit 27% ng pangangailangang gasolina at diesel ng bansa. Mayroon din itong plantang pangrepina at 640 gasolinahan sa Malaysia. Ang Petron Corp. ay pag-aari ng San Miguel Corporation at pinamumunuan ni Ramon Ang.

AB: Petron, kumita ng P1.7 bilyon sa mataas na presyo ng langis