₱1 bilyon kumpensasyon sa Marawi, halos ubos sa loob ng isang araw

,

Halos naubos sa loob ng isang araw ang ₱1 bilyong pondong inilaan para sa kumpensasyon o bayad-pinsala sa mga biktima ng pambobomba ng Armed Forces of the Philippines sa Marawi City.

Sa isang pagdinig sa Kongreso noong Agosto 1, inulat ni Maisara Latiph, pinuno ng Marawi Compensation Board (MCB), na nalimas ang ₱800,000 sa unang araw pa lamang ng pamamahagi ng kumpensasyon noong Hulyo 4. Tinugunan nito ang 2,703 claim o petisyon na pumasa sa 3-antas na ebalwasyon ng MCB. Ayon sa MCB, umabot pa lamang sa 12,000 ang nagpasa ng mga dokumento para makakuha ng kumpensasyon.

Hindi na nagulat ang mga mambabatas mula sa rehiyon sa bilis na pagkaubos ng pondo. “Napakaliit naman talaga ng kasalukuyang badyet para rito,” hinaing ni Basilan Rep. Mujiv Hataman. Kulang na kulang ito dahil hindi lamang mga bahay ang nasira sa pambobomba, napulbos din ang pribadong mga eskwelahan, klinik, ospital, tindahan at iba pang negosyo.

Sa taya ng MCB, di bababa sa 12,500 istruktura ang nasira, at inaasahan nitong aabot sa 77,000 residente ang maghahapag ng compensatory claim o paghingi ng bayad-pinsala. Sa kabila nito, ₱1 bilyon din lamang ang inilalaan para sa MCB para sa taong 2024.

Sa nakaraan, iginiit ng mga mambabatas na Moro na dapat itaas tungong ₱30 bilyon ang kumpensasyon, at maglaan nang ₱10 bilyon kada taon ang estado para ibangon ang syudad.

Sa bahagi ng Drieza Lininding, pinuno ng Moro Consensus Group, iginiit niyang dapat i-update ng Kongreso ang pagtatasa sa pinsalang idinulot ng Marawi Siege para maging gabay sa pondong ilalaan para sa kumpensasyon.

Noong 2018, inihain ng Makabayan Bloc ang Resolution 1973 para atasan ang komite para sa karapatang-tao at Muslim Affairs na magsagawa ng pag-aaral sa proseso ng rehabilitasyon at sa malalalang paglabag sa karapatang-tao sa panahon ng Marawi Siege.

AB: ₱1 bilyon kumpensasyon sa Marawi, halos ubos sa loob ng isang araw