₱450 bilyon, nanakaw ng mga scammer sa mga Pilipino sa kabila ng SIMReg Law
Sa nakaraang 12 buwan, umabot sa halos ₱460 bilyon ang halagang ninakaw sa mga Pilipino (abereyds na ₱16,000 kada isa) sa pamamagitan ng iba’t ibang scam, ayon sa Global Anti-Scam Alliance (Gasa). Malayong mas mataas ito kumpara sa naiulat ng Philippine National Police na ₱155 milyong nanakaw ng mga scammer noong 2023.
Ayon sa pag-aaral, ang halagang nanakaw sa mga scam ay katumbas sa 1.9% ng gross domestic product ng bansa. Naging biktima ng mga scam ang 39% ng mga Pilipino. Ang masaklap, 3% lamang sa kanila ang nakabawi ng kanilang nawalang pera.
Ang bilyun-bilyong nanakaw ng mga scammer at milyong mga biktima nito ay nagdudumilat na patunay sa kainutilan ng batas sa SIM Card Registration (SIMReg Law) na nasa ikalawang taon na ng implementasyon. Inilako noon bilang solusyon sa mga text scam ang pwersahang pagpaparehistro ng mga SIM Card at pagbibigay ng pribadong mga detalye ng mga may-ari nito.
Sa sarbey ng Gasa, 85% ng mga scam ay idinaan sa mga mensahe sa text, na tumaas nang 10% kumpara sa nakaraang taon. Hindi lamang inutil ang SIMReg Law sa pag-apula ng mga scam, ginawa nitong bulnerable ang personal na mga detalye ng milyun-milyong gumagamit ng serbisyong telekomunikasyon sa mga scammer.
Ayon pa sa Gaza, 67% sa mga sinarbey ay nagsabing naka-engkwentro ng hindi bababa sa isang scam kada buwan. Kabilang sa mga scam ang mga text na nag-aalok ng trabaho, panalo sa lotto at iba pa.
Inieengganyo ng mga mensaheng ito ang target na biktima na pindutin ang ibinigay na link sa website kung saan hihingin sa kanila ang kanilang pangalan, numero sa telepono, address at detalye ng kanilang mga akawnt sa bangko at e-wallet tulad ng GCash, Paymaya at iba pa. Mula rito, napapasok ng mga scammer ang naturang mga akawnt at nananakaw ang mga laman nito.
Ayon sa mga eksperto sa elektronikong seguridad, mayroon ding mga link na awtomatiko at lihim na nag-i-“install” ng mga “app” sa mga smartphone na may kakayahang kunin ang detalye sa mga smartphone.
Sa ulat naman sa Whoscall, isang programang kontra-scam, nagkaroon ng 320,978 tawag na scam at 3,032,626 text scam sa unang walong buwan pa lamang ng 2024. Mas mataas ito ng 200% sa naitala ng programa sa parehong panahon noong 2023.
Kamakailan, iniugnay ang mga scam na ito sa mga operasyong POGO (Philippine Offshore Gaming Operations). Pero sa kabila ng mga paglalansag sa gayong mga operasyon at kunway pagpapasara ng rehimeng Marcos sa mga ito nananatiling laganap ang mga scam sa bansa.