“Fil-Am Friendship Day,” itinakwil ng mga progresibo
Nagmartsa ang mga pambansa-demokratikong grupo sa pamumuno ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Kilusang Mayo Uno (KMU) tungong embahada ng US sa Maynila noong Sabado, Hulyo 4, bilang protesta sa ika-80 “Fil-Am Friendship Day.” Iginiit ng mga grupo na hindi isang tunay na kaibigan ang imperyalismong US, kundi pangunahing kaaway ng mamamayang Pilipino.
Sa Kalaw Avenue pa lamang, hinarang na ang mga raliyista ng barikada ng mga pulis para pigilan silang makalapit sa embahada. Dito na lamang sila naglunsad ng programa.
Sa programa, mariing kinundena ng KMU ang hindi pantay na ugnayan ng dalawang bansa. Idineklara ng grupo na para sa mga manggagawang Pilipino, isang kabaliwan at kahibangan ang ibinabandilang “pagkakaibigan” ng dalawang bansa. Binigyang diin ng grupo na ang tanging idinulot ng “pagkakaibigang” ito ay pagdurusa, pandarambong sa likas na yaman, pagpapasidhi ng pagsasamantala sa mga manggagawa, at pagkakaladkad sa buong mamamayan sa mga imperyalistang gera.
Sa isang upisyal na pahayag, binatikos naman ng Bayan ang papahigpit na kontrol ng US sa bansa.
“Ang relasyon sa pagitan ng imperyalismong US at ng Pilipinas ay hinubog ng kolonyal na pananakop, pinapanatili ng neokolonyal na dominasyon, at ngayon ay pinapalalim ng lumalalang anyo ng pandarambong sa ekonomya at pakikialam-militar ,” saad ng alyansa.
Anito, simula nang ipagkaloob ang huwad na “flag independence” noong 1946, mapanlinlang nang ipinrisenta ng US ang sarili nito bilang pinakamalapit na kakampi habang tinitiyak na ang lokal na ekonomya ay nananatiling atrasado at palaasa sa dayuhang kapital at kalakal. Kasabay ng pagdambong nito sa mga likas na yaman ng bansa, ginagamit din ng US ang pambansang teritoryo bilang estratehikong outpost para sa heyopulitikong interes nito sa rehiyon.
“Sa ngayon, ang tagibang na relasyon (ng US at Pilipinas) ay pumasok sa isang mapanganib na bagong yugto sa gitna ng tumitinding tunggalian ng US at China, kung saan ang Pilipinas ay nagiging mas kritikal kaysa kailanman sa militar at pang-ekonomyang adyenda at estratehiya ng imperyalismong US sa Asia,” babala ng Bayan.
Giit ng mga grupo ang agarang pagpapalayas sa mga tropang Amerikano, pagpapatigil sa mga dayuhang pagsasanay militar, pagbuwag sa mga EDCA site ng EDCA, at pagbasura sa mga inisyatiba tulad ng Luzon Economic Corridor at Pax Silica. Anila, ang tunay na kalayaan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng pagpapatupad ng isang aktibo, malaya, at mapayapang patakarang panlabas, kasabay ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa.