Balita

Patuloy na paglaban, panata ng mga Palestino sa ika-1,000 araw ng henosidyo

,

Noong Hulyo 2, naglabas ng pinag-isang pahayag ang iba’t ibang grupong armado sa Gaza, Palestine na nagsasaad ng kanilang “panatang lumaban” (plege to resist) bilang pagharap sa ika-1,000 araw ng henosidyong inilulunsad ng Zionistang Israel at imperyalismong US.

Ayon sa pahayag, bigo ang Israel sa layunin nitong palayasin ang mga Palestino sa sarili nilang lupa, sa kabila ng malawakang pangwawasak sa kanilang mga komunidad at brutalidad ng okupasyon. Iginiit nila ang pangagngailangan para “palakasin ang paglaban sa West Bank, al-Quds, at lahat ng inokupang kalupaan” at itinakwil ang plano ng Israel at US na “pamahalaan” ang Gaza. Inilabas ang pahayag sa harap ng walang patid na paglabag ng Israel sa kasunduang tigil-putukan na pinasok ng dalawang panig noong Oktubre 2025.

Sa araw ding iyon, naglabas ng komprehensibong ulat ang Gaza Government Media Office na naglalaman ng mahabang listahan ng pamamaslang at iba pang krimen ng Zionistang Israel. Alinsunod dito, 73,066 Palestino na ang kumpirmadong pinatay, kabilang ang higit 21,500 bata at 12,500 kababaihan. May nawawala pang 9,500 katao at 173,514 ang nasugatan. Ayon sa ulat, lubusan nang nabura at walang natira ni isa sa 2,700 pamilya habang 6,020 pamlya ang may naiwang isa lamang na nakaligtas. Mahigit 58,800 bata ang nawalan kapwa ng ina at ama.

Mahigit 90% ng Gaza Strip ay winasak ng Israel at inookupa nito ngayon ang 80% ng kalupaan nito. Tinatayang nagbagsak ito ng 223,000 toneladang mga bomba sa matataong lugar ng Gaza at nangwasak ng mga ospital, eskwelahan, upisina, iba pang gusali, mga kabahayan at sakahan na may halagang $80 bilyon. Mahigit 2.4 milyong katao ang isinasadlak nito sa gutom at henosidyo.

Ginunita rin ang ika-1,000 araw sa pamamagitang ng paglaban at protesta sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa France, daan-daang indibidwal na nakadamit ng itim ang nagdaos ng isang tahimik na martsa sa mga pangunahing lansangan ng Paris. Bitbit nila ang larawan ng mga biktima at mga manika na sumisimbolo sa mahigit 21,000 batang Palestino na pinatay ng Israel sa Gaza. Sa UK, isang malaking martsa ang inilunsad noong Hulyo 4 ng koalisyon ng mga grupong pangkapayapaan, mga unyon, at komunidad. Nagtipon ang mga raliyista sa Aneurin Bevan Statue sa Queen Street sa Cardiff, Wales para kundenahin ang suportang pinansyal at militar sa Israel ng US at mga bansa sa Europe. May mga pagkilos din sa Europe kung saan hinarangan at binarikadahan ng mga aktibistang kontra-gera ang mga estratehikong daungan para pigilan ang paglalayag ng mga barkong kargado ng mga armas na patungong Israel.

Sa US, nagkaroon ng mga serye ng kilos-protesta kung saan binasa ng mga aktibista ang mga ulat ng United Nations at nanawagan ng hustisya sa ilalim ng islogang “1,000 Days of Genocide.”

AB: Patuloy na paglaban, panata ng mga Palestino sa ika-1,000 araw ng henosidyo