Tama Behavior 1978: Marcos, Enrile, supalpal
Noong 1978, mapangahas na sinupalpal ng mamamayan ng Cagayan ang deklarasyon ng noo’y ministro ng depensa na si Juan Ponce Enrile na gagapiin niya ang BHB sa rehiyon sa katapusan ng taon. Sa ilalim mismo ng ilong ng pasistang kaaway, isinagawa ng masa ang malawakang pagpipinta at pagdidikit ng mga poster sa pader (OP-OD) na direktang humamon sa batas militar. Laman ng kanilang mga sigaw ang mga hinaing laban sa pasismo at para sa reporma sa lupa na hanggang ngayon ay siya pa ring umaalingawngaw sa mga lansangan.
Mula sa Ang Bayan, Tomo XI Bilang 12, Marso 15, 1979
Sinupalpal ng masa sa Cagayan ang utos ng pasistang rehimen Marso 15, 1979
Gabi ng Disyembre 31, 1978 nang kumilos ang rebolusyonaryong masa sa lalawigan ng Cagayan. Sa mga bayan ng Aparri, Lallo, Gattaran, Baggao, Amuling at Tuguegarao, pawang sa Cagayan, ikinabit ng masa ang kanilang mga istrimer at idinikit ang mga poster sa mga tindahan, poste, pader, palengke, bus, dyipni at traysikel. Ipinahayag ng mga ito ang militanteng suporta sa rebolusyonaryong kilusan at mahigpit na pagtutol sa pasistang diktadurang EU-Marcos.
Iprinoklama ang ganitong mga islogan: “Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!” “Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!” “Mabuhay ang mga mamamayan!” “Wasakin ang batas miltiar!” at “Isulong ang armadong pakikibaka!”
Ang iba pang mga islogan: “Ipaglaban ang mga demokratikong karapatan!” Labanan ang karahasang militar!” “Itigil ang operasyong militar!” “Itigil ang ebakwasyon!” “Ibaba ang presyo ng mga bilihin!” at “Itaas ang sweldo!”
Ang malawakang “Operasyong Dikit-Istrimer” ang sagot ng mamamayan sa atas ng pasistang diktadura na “puksain” ang NPA sa rehiyon sa pagtatapos ng 1978.
Ang atas ay ibinaba ng ministro ng tanggulan ng rehimen, si Juan Ponce Enrile, na taga-Cagayan. Bilang pagtugon, inilunsad ng First Infantry Battalion (Philippine Army) at iba pang mga yunit ng reaksyunaryong Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) ang Operation “Aurora Borealis”.
Bago nito, pinalaki ng pasistang rehimen ang mga pwersang paramilitar nito sa rehiyon sa paglikha ng tinatawag na “peace comitatus”, o pinalaking CHDF, na pinamunuan ng mga alkalde.
Sampal kina Marcos, Enrile
Mariin ang sampal ng masa kina Enrile at amo niyang si Marcos. Nagbigay sila ng mahusay na halimbawa ng rebolusyonaryong inisyatiba at kapangahasan habang ipinakikita ng pwedeng singitan ang mga pwersa ng rehimeng batas militar.
Sa simbahang malapit sa kampo ng 21st It B sa Temblique, Baggao, ikinabit ng mamamayan ang istrimer na nagsasabing “21st IB Kriminal!” Buong hapong nakasabit ang istrimer hanggang magkalakas-loob ang mga papet na sundalong tanggalin ito.
Bilang ganti, nagrekisa ang pasistang militar sa mga bahay sa poblasyon ng Baggao ngunit walang nakita.
Sa Gattaran naman, nangangatog ang tuhod ng pinakapusakal na papet ng rehimen, si Alkalde Fruto Elizaga, nang makita niya ang malaking istrimer sa mismong munisipyo. “Wakasan ang batas militar!” anang istrimer.
Hindi ito ang unang pagkakataong magyabang ang rehimen hinggil sa “paglipol” sa BHB sa Cagayan Valley. Sa mga unang buwan ng batas militar noong 1972-73, ipinagmayabang ni Brig. Hen. Tranquilino Paranis, pinuno ng Northeast Command (Nereascom) ng rehimen, na “lilinisin” niya ang Sierra Madre sa madaling panahon.
Limang malaking kampanya ng kaaway
Maraming taon na ang nagdaan mula noon, at sa kabila ng limang malalaking kampanyang militar ng kaaway, nakakabawi ang hukbong bayan at patuloy na lumalakas araw-araw.
Ang isa sa mga operasyong ito ay inilunsad ng 7,000 tropang kaaway noong 1971 hanggang Agosto 1971. Ang pangalawa ay inilusad mula Setyembre 1972 hanggang Marso 1973; ang pangatlo mula Disyembre 1975 hanggang Marso 1976, ang pang-apat mula Disyembre 1977 hanggang unang kwarto ng 1978, at ang ikalima ang pinangalanang Oplan “Aurora Borealis” na nagtapos noong Disyembre 31.
Hindi lamang nalulusutan ng BHB ang mga kontra-rebolusyonaryong operasyong ito, kundi patuloy na lumalakas pa. Patunay ng mahigpit na ugnay ng BHB sa mamamayan sa rehiyon ang mga aksyong masang inilunsad noong gabi ng Disyembre 31, 1978.
Makikita rin ang pagsulong ng digmang bayan sa Cagayan Valley sa pahayag ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite ng Rehiyon ng Partido noong Disyembre 26, 1978, bilang pagdiriwang sa ika-10 anibersaryo ng muling pagtatatag ng Partido.