2 batalyon, ipinwesto sa Masbate sa desperadong tangkang gapiin ang BHB
Dalawang batalyon ang kasalukuyang sumasakop sa isla ng Masbate (populasyon: 908,920) sa desperadong tangkang supilin ang mga paglaban ng mamamayan at gapiin ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa isla.
Noong ikalawang hati ng Enero, nakumpleto na ang paglilipat ng buong 96th IB sa Masbate para umano tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa prubinsya sa darating na eleksyon sa Mayo. Sinasabing ipinadala ang batalyon para masaklaw ang 300 barangay sa isla na kunwa’y mga “hotspot” sa eleksyon. Ang totoo, layunin nitong lalupang higpitan ang paghahari-harian ng militar sa maraming lugar sa isla. Bago rito, ang batalyong ito ay dating nakadeploy sa Camarines Norte.
Sa pagbisita ni LtGen. Bartolome Bacarro, hepe ng Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Command (AFP Solcom) sa naturang batalyon noong Pebrero 7, iniutos niyang ubusin ang BHB sa prubinsya bago magtapos ang termino ni Rodrigo Duterte.
Dahil dito, pinangangambahang lalala pa ang mga paglabag sa karapatang-tao sa prubinsya. Bago pa man makumpleto ang buong pwersa ng 96th IB sa Masbate, naroroon na ang Bravo Company nito noon pang Oktubre 2021 na kabilang sa mga pasistang tropa ng militar at pulis na sumalakay sa 76 baryo sa 18 bayan sa prubinsya.
Sa ngalan ng umano’y Retooled Community Support Program ay sinakop ng mga sundalo ang mga barangay upang paluhurin ang mga residente na mariing lumalaban sa pang-aagaw ng lupa ng malalaking proyektong mina at ekoturismo. Mahigit 21,000 residente ang mapalalayas sa ₱190 bilyong-halagang proyektong ekoturismo sa ikatlong distrito. Nasa unang distrito naman ang dambuhalang open-pit na operasyong mina na dumambong ng mahigit 2,500 ektarya.
Sa mga baryong ito lumaganap ang iligal na detensyon at interogasyon sa mga residente, pag-aresto batay sa gawa-gawang mga kaso, pananakot at pagtortyur. Daan-daang residente ang pinilit sumurender bilang mga kasapi o tagasuporta ng BHB.
Sa panahong ito, naganap ang pagdukot ng mga pasista sa limang magsasaka sa Barangay Magsalangi, Milagros noong Oktubre 22, 2021. Dinala ang mga biktima sa Barangay Bugtong, Mandaon at doon minasaker. Pinalabas ng militar na mga kasapi sila ng BHB.
May madugong rekord ang 96th IB noong nasa ilalim pa ito ng 902nd Brigade na sumasakop sa Camarines Norte at ilang bayan ng Camarines Sur. Tatlong magsasaka ang pinahirapan, pinatay at inilibing sa mababaw na hukay sa Ragay, Camarines Sur noong Mayo 2018. Isang mag-ama naman ang pinatay ng mga tropa nito sa Labo, Camarines Norte noong Marso 2020.
Bago pa man dumating sa Masbate ang alinmang pangkat ng 96th IB, Abril 2021 pa lamang ay kinokonsentrahan na ng operasyon ang Masbate. May 28 baryo sa mahigit 7 bayan sa katimugang bahagi ng prubinsya ang tinarget ng atake. Samutsari pang kalupitan ang naitala sa prubinsya, maliban sa dalawa pang masaker at paisa-isang pagpatay. Katulad ng iba pa, pinalalabas na mga myembro ng BHB ang mga biktima.
Ayon sa datos ng National Democratic Front (NDF)-Bicol, pinakamarami sa may 229 ekstrahudisyal na pinaslang mula 2016 hanggang Enero 2022 ay mula sa Bicol. Sa Masbate naman naitala ang 74 biktima ng pagpatay mula nang humawak ng kapangyarihan si Duterte. Ito ang pinakamalaking bilang sa rehiyon.
Sa iniulat na pagkakakumpleto sa 96th IB, dalawang buong batalyon na ng Philippine Army ang nakatalaga sa islang prubinsya. Katumbas na nito ang 6.6 sundalo kada 10,000 katao kontra sa 2.7 health worker kada 10,000 katao sa nakaraang mga taon.
Maliban dito, perwisyo din sa masang Masbatenyo ang isang pangkat ng 31st IB, ang 93rd Civil Military Operations Company, isang kumpanya ng military intelligence, at humigit kumulang tatlong batalyon ng pwersang pulis.
Sa panig ng BHB, tiwala itong mabibigo ang huling hirit ng rehimeng Duterte na wakasan ang armadong rebolusyon sa prubinsya. Sa panahon ng matinding atake noong Abril 2021, walang napuruhang anumang yunit ng NPA. Mula Enero2020-Enero 2021, may 58 aksyong militar ang naisagawa ng NPA na nagdulot ng di bababa sa 72 kaswalti sa kaaway, at nagwasak sa mga kampo at sasakyan nila.