2 natitirang kaso laban sa Cebu 8, ibinasura

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Tuluyan nang ibinasura ng isang korte sa Cebu City ang natitirang dalawang kaso laban sa pitong mga aktibista at isa pa na binansagang Cebu 8, kaugnay ng kanilang isinagawang protesta noon pang Hunyo 5, 2020. Matapos ang apat na taon, ibinasura ang kaso noong Hunyo 27, na naisapubliko noong Hulyo 3, dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Ang Cebu 8, kinabibilangan ng mga aktibistang sina Jaime Paglinawan Sr, Joahanna Veloso, Janry Ubal, Bern Cañedo, Al Ingking, April Dyan Gumanao, at Nar Porlas, at napadaan lamang na si Clement Corominas Jr, ay iligal na inaresto noong 2020, sa kasagsagan ng pandemya, habang nagsasagawa ng rali sa University of the Philippines (UP)-Cebu. Nagrali sila kontra sa noo’y panukala pa lamang na Anti-Terrorism Law.

Ibinasura ng korte ang mga kasong paglabag sa Batas Pambansa 880 o pagrarali nang walang permit at paglaban at hindi pagsunod sa mga pulis. Samantala, nauna nang ibinasura noon pang Setyembre 2020 ang kasong paglabag sa batas kaugnay ng pandemyang Covid-19 at pampublikong kalusugan.

“Labis ang aming ligaya sa positibong desisyon. Ang pagbabasura sa natitirang mga kaso laban sa Cebu 8 ay patunay ng tagumpay laban sa pang-aabuso ng pulis na kinakasangkapan ang kanilang kapangyarihan para mang-aresto, magkulong ng mga indibidwal sa pamamagitan ng batas, at patahimikin ang patuloy na lumalaban” ayon kay Jaime Paglinawan Sr, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Central Visayas.

Pinagtitibay din umano ng pagbabasura sa kaso na hindi ipinagbabawal sa batas ang pagsasagawa ng asembliya at mga rali. “Higit pa, walang sinuman ang pupwedeng parusahan o ituring na kriminal a paglahok sa o pagdalo sa mga mapayapang protesta,” ayon pa kay Paglinawan.

Nagpasalamat siya, at ang mga kasamahan sa Cebu 8, sa lahat ng mga sumuporta at nakiisa sa kanilang panawagan na ibasura ang mga kaso ng panggigipit laban sa kanila.

AB: 2 natitirang kaso laban sa Cebu 8, ibinasura