2 sibilyan, biktima ng walang habas na pamamaril ng sundalo sa Nueva Ecija

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Muling nagsagawa ng pambobomba at pag-iistraping ang mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bayan ng Pantabangan, Nueva Ecija noong Hulyo 4. Pinalalabas ng AFP na isang engkwentro sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang naturang pag-atake nito sa mabundok na bahagi ng Barangay Cambitala.

Ayon sa BHB-Central Luzon, walang katotohanan ang sinasabing engkwentro ng AFP. Anito, inilagay lamang sa panganib ng pambobomba at istraping ang dalawang sibilyan na noo’y nasa lugar.

“Hindi NPA ang pinaulanan nila ng bala kundi dalawang sibilyan,” pahayag ng yunit. Labag ito sa internasyunal na makataong batas.

Binatikos ng BHB-Central Luzon ang AFP sa walang-tigil na mga terorismo nito sa mga komunidad sa Pantabangan.

“Walang patumangga ang kanilang pambobomba at pamamaril kahit na maraming inosenteng buhay at pook-obrahan ang maapektuhan. Tunay na berdugo at mersenaryo ang mga armadong pwersa ng reaksyunaryong gobyerno,” dagdag ng BHB-Central Luzon.

Sa harap ng pinatindi pang mga operasyong kombat ng AFP, tiniyak ng BHB-Central Luzon na “nananatiling ligtas at sumusulong ang ating hukbo dahil sa mahigpit na suporta ng masa.”

AB: 2 sibilyan, biktima ng walang habas na pamamaril ng sundalo sa Nueva Ecija