2 tagapagtaguyod ng karapatan ng magsasaka, inaresto sa Mindoro

,

Dalawang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magsasaka ang iligal na inaresto ng 4th IB at Philippine National Police (PNP) sa isang barangay sa bayan ng Bulalacao, Oriental Mindoro noong Hulyo 13. Inilitaw sina Joy Laguardia at ang kanyang kasama dalawang araw matapos inaresto at pinararatangang matataas na upisyal ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB) na sina “Ka Ems” at “Ka Patrick.”

Ayon sa mga kaanak ni Laguardia, bigla silang nawalan ng kontak sa kanya bandang alas-10 ng gabi noong Hulyo 13. Anila, matagal nang social worker si Joy at tumutulong sa mga magsasaka.

Pumunta ng Mindoro ang dalawa para mag-imbestiga ukol sa epekto ng El Niño sa mamamayan. Nagtungo sila sa bayan ng Bulalacao, kung saan laganap ang kahirapan ng magbubukid at katutubong Mangyan dahil sa kawalan ng pagtugon sa epektong dulot ng El Niño, mga proyektong pagpapalit-gamit ng lupa, at kaliwa’t kanang mga paglabag sa karapatang-tao.

Kaagad na nagtungo sa Mindoro ang isang tim ng Karapatan-Southern Tagalog, kasama ang pamilya ni Laguardia, para tiyakin ang kaligtasan at mga karapatan ng dalawa.

“(L))ayon namin na makausap si Joy ng kaniyang mga kaanak bilang bahagi ng kaniyang karapatan at gayundin, makapaghatid ng serbisyong ligal,” pahayag ng tim.

Nagpunta sila sa upisina ng gubernador ng Oriental Mindoro para pormal na ipabatid ang kanilang pagdating sa prubinsya at layunin ng kanilang pagbisita. Nagpunta rin sila sa upisina ng PNP Region IV-B para alamin kung anong yunit ng pulis ang may kostudiya sa dalawa pero itinaggi nitong may alam sila sa kinaroonan ng mga inaresto.

Kinundena ng Karapatan-Southern Tagalog ang naging sunud-sunod na panggigipit sa tim nito sa Mindoro. Anito, pagkarating pa lamang sa Calapan ay hinarangan na ng pulis ang kanilang mga sasakyan. Kahit pagkatapos ng pakikipag-usap sa gubernador, hinarang sila sa lima pang tsekpoynt.

AB: 2 tagapagtaguyod ng karapatan ng magsasaka, inaresto sa Mindoro