200 pamilyang Aeta, pinalayas dahil sa Balikatan at Salaknib
Ibinalita ngayong araw ang pagpapalayas sa 200 pamilyang Aeta mula sa kanilang mga komunidad sa Crow Valley, Barangay Sta. Juliana, Capas, Tarlac para bigyan-daan ang pagdaraos ng mga pagsasanay militar ng mga pwersa ng US at PIlipinas. Ang Crow Valley ay lupang ninuno ng mga Aeta na matagal nang sinaklaw ng base militar sa lugar.
Idaraos dito at sa ibang bahagi ng Central Luzon ang mga pagsasanay na Salaknib at Balikatan. Ang Salaknib ay gaganapin mula Marso 5 hanggang 24 at lalahukan ng 1,800 pwersang militar. Ang Balikatan ay nakatakdang magsimula sa Marso 25 at tatagal hanggang Abriil. Gayunpaman, nasa iba’t ibang bahagi na ng Pilipinas ang mga tropang Amerikano para sa iba’t ibang mga operasyong sibili-militar sa Brooke’s Point, Palawan. Todo-larga na rin ang paghahanda sa Fort Magsaysay sa Tarlac, kung saan gaganapin ang bulto ng pagsasanay.
Ayon sa mga pahayag ng mga militar ng US at Pilipinas, babalik sa “buong lakas” nito ang Balikatan 2022 bago magpandemya. Ang pinakamalaking Balikatan ay ginanap noong 2019 kung saan umabot sa 7,500 sundalong Amerikano, Pilipino at Australian ang lumahok.
Ang presensya ng mga tropang Amerikano sa bansa, kapwa ang inanunsyo at hindi, ay lalupang pinatampok sa pagbisita ng mataaas na upisyal-militar ng US sa Pilipinas noong Pebrero. Dumating sa bansa sina Gen. Charle Flynn, kumander ng US Army Pacific Command at US Navy 7th Fleet na si Vice Adm. Karl Tomas para inspeksyunin ang mga pasilidad sa Subic sa Zambales, Clark sa Angeles at Fort Magsaysay sa Tarlac. Nakipagkita ang dalawang kumander sa mga upisyal militar ng Armed Forces of the Philippines. Nagtagal sila sa bansa mula Pebrero 21 hanggang 24.
Ilang araw bago nito, bumisita rin sa Pilipinas si Gen. Bryan Fenton, kumander ng US Joint Special Operations Command. Dumiretso siya sa hedkwarters ng Western Mindanao Command sa Zamboanga. Nananatili ang permanenteng presensya ng mga espesyal na pwersa ng US sa Western Mindanao.