Balita

26 pamilya ng mangingisda, napalayas sa demolisyon sa Bataan

,

Hindi bababa sa 26 pamilya ng mga mangingisda ang napalayas sa demolisyon sa Sityo Kabilang Ilog, Barangay Capunitan, Orion, Bataan noong Agosto 12. Ang komunidad, na nakaharap sa Manila Bay, ay bumabangon pa lamang mula sa epekto ng oil spill at kamakailang bagyong Carina at pag-ulan dulot ng habagat.

Isinagawa ang naturang demolisyon sa tabing ng pagpapatupad ng lokal na gubyerno sa Supreme Court Mandamus hinggil sa paglilinis sa Manila Bay. Hindi naniniwala ang mga residente sa rason na ito dahil alam nilang pinalalayas sila para sa balak na negosyong itayo sa lugar.

Noong 2023, nagpadala ang Erigon Marketing and Development Corp ng sulat sa mga residente na nagpapalayas sa kanila sa Sityo Kabilang Ilog upang bigyang daan ang negosyo nito sa komunidad. Sinimulan ang pagpapalayas at demolisyon sa komunidad noong Hulyo 7, 2023. May mga residenteng napwersang pumayag at umalis na lamang habang ang iba ay nanindigan para sa karapatan sa paninirahan.

Ayon sa mga residente, malinaw sa kanila na palabas lamang ang “paglilinis sa Manila Bay” para palayasin sila laluna at patuloy namang nag-oopereyt ang mga korporasyon sa baybay-dagat ng Bataan. Kabi-kabila pa rin ang ulat ng reklamasyon, pagkukwari at pagtatapon ng marumi at kontaminadong tubig sa karagaratan.

“Inaalis nila kami para bigyang daan ang pagsasakatuparan ng negosyo, mag-reclaim ng karagatan, negosyong hindi lang marumi [at] mapanira kundi lumalabag sa karapatan naming mga mangingisda,” pahayag ni Melody Empeño, mula sa Capunitan Fisherfolks Association. Dagdag pa niya, “Una kaming pinaalis ng korporasyon, pero hindi kami umalis, ngayon, [lokal na gubyerno] ang nagdedemolish na sa amin…para kanino ba ang gubyerno?”

Labis na perwisyo ang idinulot ng demolisyon sa mga mangingisda laluna at pinagbabawalan silang makapangisda sa ilang bahagi ng Bataan nang walang alternatibong pagkakakitaan dulot ng oil spill. Hindi bababa sa 50,000 mangingisda ang apektado nito sa Cavite, Bataan, at National Capital Region.

Nauna nang nagreklamo ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), sa kawalan ng sapat na tugon ng administrasyong Marcos sa pinsalang dulot ng oil spill, lalo sa produksyon ng isda. “Hindi makapangisda ang mga mangingisda, habang binabarat naman ang presyo ng ilang mga nakakalaot labas sa saklaw ng oil spill,” ayon kay Ronnel Arambulo, vice chairperson ng Pamalakaya.

AB: 26 pamilya ng mangingisda, napalayas sa demolisyon sa Bataan