2,700 residente, apektado ng aerial bombing ng 54th IB sa Kalinga

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Takot at gambala sa buhay at kabuhayan ng mamamayan ng Balbalan, Kalinga ang idinulot ng aerial bombing ng 54th IB sa ilalim ng 503rd IBde sa Barangay Maling ngayong araw, Hunyo 7. Ayon sa Cordillera Human Rights Alliance (CHRA), tinatayang 2,700 residente ng Barangay Maling at katabi nitong mga barangay ng Dao-angan at Balantoy ang apektado ng pambobomba at operasyong kombat.

Dalawang helikopter ang naobserbahan ng mga residente na nagpaikut-ikot at naghulog ng bomba sa mga barangay ng Balbalan. Pagdadahilan ng 54th IB, isinagawa ang mga operasyong ito at walang patumanggang pambobomba dahil sa naganap na engkwentro nito sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) ganap na alas-10 ng umaga.

Kinundena ng CHRA ang paghuhulog ng bomba ng 54th IB. Anila, labag ito sa internasyunal na makataong batas dahil wala itong pagtatangi at posibleng ikapahamak ng sibilyan at ikasira ng kanilang mga ari-arian at kabuhayan.

Liban dito, iniulat ng 54th IB ang pagkaaresto ng isa umanong mandirigma ng BHB-Kalinga sa Barangay Balantoy kahapon, Hunyo 6. Ayon sa militar, ang kanilang inaresto ay isang nagngangalang Gap-idan Claver Bawit at mayroong nakasampang mga kasong tangka at bigong pagpaslang.

Kaugnay nito, iginiit ng CHRA na dapat sundin ng 54th IB ang nakasaad sa internasyunal na makataong batas hinggil sa mga bihag ng digma. Binigyang diin ng grupo ang pagbibigay ng makataong pagtrato at patas na paglilitis sa nadakip.

Noong Marso 2023, naging target din ng magkakasunod na aerial bombing ng mga jet fighter ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mabundok na bahagi ng Barangay Gawa-an sa Balbalan. Naiulat dito ang paggambala ng labis na maingay na mga jet fighter at takot na idinulot ng teroristang pag-atake ng AFP sa mga komunidad. Iligal na inaresto rin sa panahong ito ang siyam na residente ng Sityo Uta at Codcodwe ng Barangay Gawa-an at idinetine ng pitong oras.

Tuluy-tuloy ang operasyong kombat ng AFP sa Balbalan para bigyang daan ang pagtatayo ng mga proyektong hydroelectric power plant dito tulad ng 49-megawatt Saltan D at 40-megawatt Mabaca. Mahigpit itong tinututulan ng mga tribu ng pambansang minorya at mamamayan ng Kalinga.

AB: 2,700 residente, apektado ng aerial bombing ng 54th IB sa Kalinga