Balita

3 armas, nakumpiska ng BHB sa ahente sa paniktik ng AFP sa Negros

Tatlong iba’t ibang klase ng armas ang nakumpiska ng Bagong Hukbong Bayan-South Central Negros (BHB-SCN o Mt. Cansermon Command) mula sa ahente sa paniktik ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bayan ng Binalbagan, Negros Occidental. Inatake at napatay ng mga Pulang mandirigma ang ahenteng si Diosdado “Dadoy” Apatan sa Sityo Gihubon, Barangay Amontay.

Ayon kay Ka Dionesio Magbuelas, tagapagsalita ng BHB-SCN, mula pa dekada 1980 nagsilbing aset ng militar si Apatan. “Aktibo siya sa paniniktik at paggigiya sa mga operasyong militar,” aniya.

Kabilang sa mga kasong may direktang pananagutan si Apatan ang pagpatay kina Felipe Camingawan at Amado Garson, mga sibilyang residente ng Binalbagan. Kabilang din sa mga kontra-mamamamyan at kontra-rebolusyonaryong gawain niya ang pagtuturo at pag-akusa sa mga residente at masa na mga “tagasuporta ng BHB.” Kasama rin siya ng militar sa pagbabanta at pananakit sa mga residente.

Nasamsam ng mga Pulang mandirigma kay Apatan ang .45 na armas, carbine at shotgun at mga bala ng mga armas na ito, patunay na siya ay armado at peligrosong elemento.

Kasunod ng pag-atake kay Apatan, nanawagan ang BHB-South Central Negros sa lahat ng mga ahente sa paniktik ng militar na “mamulat na sa katotohanang ginagamit lamang sila para sa interes ng malalaking panginoong-maylupa at burgesyang kumprador.” Dagdag ng yunit, bukas ang rebolusyonaryong kilusan sa inyong pagbabago at pagtalikod sa kontra-mamamayang gawain.

AB: 3 armas, nakumpiska ng BHB sa ahente sa paniktik ng AFP sa Negros