4 na kaso laban sa Tacloban 5, ibinasura
Apat na mga kasong may kaugnayan sa tinaguriang Tacloban 5 ang ibinasura ng mga korte sa nagdaang mga linggo. Kabilang dito ang dalawang kaso ng pagpatay at isang kaso ng tangkang pagpatay, at ang kaso ng civil forfeiture. Ilan lamang ang mga kasong ito sa isinampa sa kanila.
Ang Tacloban 5 ay kinabibilangan ng mamamahayag para sa alternatibong midya na si Frenchie Mae Cumpio, Marielle “Maye” Domequil ng Rural Missionaries of the Philippines, Alexander Philip Abinguna, Mira Legion at Marissa Cabaljao. Inaresto sila sa isang iligal na reyd ng mga pulis noong Pebrero 7, 2020 sa kanilang upisina sa Tacloban City. Nauna silang sinampahan ng kasong illegal possession of firearms, at sa sumunod na mga taon ay humarap sa patung-patong na mga kasong kriminal.
Noong Nobyembre 6, kinatigan ng Laoang Regional Trial Court (RTC) Branch 21 sa Northern Samar ang inihain na Motion to Quash ng mga abugado ni Cumpio. Ito ay para sa dalawang kasong pagpatay at sa kasong tangkang pagpatay kung saan idinadawit siya ng mga pwersa ng estado.
Ayon sa desisyon ng korte, malaki ang pagkakaiba ng pangalan ni Cumpio sa pangalang “Frenchie Cupio Armando” na pinangalanan sa mga asunto. Dahil dito, itinuturing na hindi wasto ang pag-aresto kay Cumpio. Samantala, tumanggi ang korte sa kaparehong mosyon na inihain ng kapwa detenidong si Abinguna.
Ang mga kasong pagpatay at tangkang pagpatay laban sa tatlo ay isinampa ng Office of the Provincial Prosecutor ng Laoang noong Hulyo 29, 2020. Idinadawit sila sa sinasabing pamamaril noong Oktubre 18, 2019, na pumatay sa dalawang indibidwal.
Kamakailan lamang, isinapubliko ng Court of Appeals ang desisyon nitong mayroong petsang Oktubre 29 na nagbaligtad sa naunang hatol ng isang Manila Regional Trial Court kaugnay ng kasong civil forfeiture laban kina Cumpio at Domequil. Naunang binansagan ang dalawa na mga “terorista” at inangkin ng estado ang ₱557,360 ang nasamsam sa kanilang upisina.
Ayon sa 27-pahinang desisyon ng Court of Appeals, walang ebidensya na nagpapatunay na sina Cumpio at Domequil ay mga terorista o mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan. Sa gayon, walang batayan para angkinin ng estado ang kanilang pera. Ang kasong ito ay isinampa ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa ilalim ng Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 (TFPSA) isang taon mula nang inaresto ang Tacloban 5. Noong Disyembre 2022, minadali naman ang pagdinig para sa kasong civil forfeiture.
Sa harap ng mga pag-usad sa patung-patong na mga kasong kinahaharap ng Tacloban 5, nanawagan ang Free Tacloban 5 Network at Karapan na ibasura na ang lahat ng mga kasong kinahaharap nina Cumpio, Domequil, at Abinguna. “Ang tatlong tagapagtanggol sa karapatang-tao ay matagal nang hindi makatarungang idinetine sa walang batayan at pulitikal ang mga kaso laban sa kanila,” ayon sa network.
“Si Frenchie Mae ay dapat nasa pagbabalita, hindi sa kulungan. Si Marielle ay dapat makabalik sa kanyang mga komunidad na pinaglilingkuran, hindi humaharap sa inimbentong mga kaso. Si Alexander Philip ay dapat nasa mga komunidad at nagsasagawa ng mga fact-finding mission, hindi sa kulungan,” ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. Aniya, ang pagpapatagal sa kanila sa kulungan ay lalo lamang pagpapalubha sa inhustisyang kanila nang pinadurusahan.