Balita

Mga abugadong kumakatawan sa mga komunidad na kontra mina sa Nueva Viscaya, kinasuhan ng NLMRC

, ,

Sinampahan ng kasong cyberlibel ng kumpanyang North Luzon Mineral Resources Corp. (NLMRC) sina Atty. Edgardo C. Balgos at Atty. Fidel Santos, mga abugadong kumakatawan sa mga residente ng Kasibu, Nueva Viscaya na tutol sa planong pagmimina ng naturang kumpanya.

Nagmula ang isinampang reklamo kay Atty. Santos sa isang bidyo na ipinaskil sa Facebook kung saan kinwestyon niya ang pahayag ng kumpanya na kinonsulta nito ang mga apektadong komunidad bago magsimula ang eksplorasyon. Ayon sa mga residente, gumamit umano ang kumpanya ng attendance sheet mula sa ibang aktibidad upang suportahan ang rekord nito ng konsultasyon.

Nagmula naman ang reklamo laban kay Atty. Balgos sa kanyang panayam sa isang lokal na istasyon ng radyo na DWRV kung saan sinabi niyang may “iligal at hindi tapat na gawi” ang kumpanya.

Ang isinampang kaso kay Atty. Balgos ay ang ikatlong kaso na inihain ng NLMRC laban sa mga abugado at tagapagtanggol ng komunidad na kasangkot sa kampanya laban sa proyektong pagmimina. Inilarawan ng mga grupo sa kalikasan at karapatang-tao ang mga kasong ito bilang mga “strategic lawsuit against public participation” o SLAPP. Ang mga ito ay ligal na aksyon na naglalayong takutin, patahimikin, o pahirapan ang mga kritiko sa pamamagitan ng magastos at matagal na paglilitis.

Kinundena ng KATRIBU- Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas ang NLMRC sa pagsasampa nito ng mga kaso laban kina Atty. Santos at Atty. Balgos. Anito, sukdulan ang kapal ng mukha ng NLMRC. Matapos nitong manghimasok sa lupain ng mamamayan nang walang tunay na konsultasyon at paggalang sa kanilang mga karapatan, ngayon ay pinupuntirya naman nito ang mismong mga abogadong nagbibigay ng legal na tulong sa mga komunidad na nilalabanan ang pang-aabuso ng kumpanya.

Samantala, nagpahayag naman ng pagkabahala ang Integrated Bar of the Philippines (IBP)-Nueva Vizcaya Chapter.

“Hindi kailanman dapat gamitin ang paghahain ng mga legal na aksyon upang pigilan o pahinain ang isang lehitimong adbokasiya. Anumang pagtatangkang takutin ang mga myembro ng Bar upang hindi nila magampanan ang kanilang mga propesyunal na tungkulin ay nagbubunsod ng seryosong pangamba sa pangangasiwa ng hustisya at sa pagpapatupad ng batas,” paliwanag ng IBP.

Nagpahayag din ng pakikiisa ang sangay kina Atty. Santos at Atty. Balgos at nanawagan na igalang ang kanilang karapatan na pumaloob sa tamang proseso.

AB: Mga abugadong kumakatawan sa mga komunidad na kontra mina sa Nueva Viscaya, kinasuhan ng NLMRC