Balita

Ikalawang pangkalahatang asembliya ng Defend Bicol, inilunsad

,

Matagumpay na nailunsad ang ikalawang pangkalahatang asembliya ng Defend Bicol, Stops the Attacks Network noong Hulyo 18, sa Sta. Cruz Events Center, Naga City, Camarines Sur. Mahigit 300 delegado mula sa iba’t ibang prubinsya sa rehiyon ang dumalo sa pagtitipon.

Ang Defend Bicol ay itinatag noong Setyembre 7, 2019 bilang isang malawak na network ng mga Bicolano para labanan ang mga atake ng estado sa mga karapatan ng mamamayan.

Sa asembliya, muling pinagtibay ang pagkakaisa ng mga organisasyong masa, lider simbahan, mga guro, kabataan, magsasaka, mangingisda, tagapagtanggol ng karapatang-tao, at iba pang tagapagtaguyod sa sama-samang pakikibaka para ipaglaban ang karapatang-tao at demokratikong kalayaan.

Binuksan ang asembliya sa mensahe ng pakikiisa at panalangin mula kay Bishop Gerardo Alminaza. Nagpaabot din ng mensahe ng pakikiisa ang United Church of Christ in the Philippines (UCCP), Teacher Ruby Bernardo ng ACT Philippines, at ni Atty. Leila de Lima, kiantawan ng ML Party-list.

“Habang walang tigil ang mga ahente ng estado sa pag-atake sa mamamayan, laluna sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao, mas matibay ang aming paninindigan na ipagtanggol ang ating mga karapatan at isulong ang interes ng sambayanan,” pahayag ni Bishop Luisito Saliendra.

“Sa ganitong diwa, kami mula sa Southern Luzon Jurisdictional Area (SLJA) ng United Church of Christ in the Philippines ay nagpaabot ng kagalakan at pakikiisa sa inyo sa ating sama-samang pakikibaka para sa katarungan.”

Tinalakay sa pagtitipon ang umiiral na kalagayan ng karapatang-tao sa rehiyon at sa bansa. Inilahad ni Rev. Dan Balucio ng BAYAN Bicol ang sitwasyon sa Bicol, habang tinalakay ni Atty. Sol Taule ng Karapatan ang pambansang sitwasyon.

Ayon sa ulat ng Karapatan Bicol, may 322 insidente ng paglabag sa karapatang-tao sa unang tatlo’t kalahating taon ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr., na nakaapekto sa 917 biktima sa anim na lalawigan ng Bicol.

Naglunsad naman ng pangkulturang pagtatanghal tulad ng awit, tula, at malikhaing pagpapahayag ang sektor ng kabataan.

Binigyang-diin sa asembliya na ang mga pag-atake sa karapatan ng mamamayan ay hindi lamang nakapaloob sa mga paglabag sa sibil at pampulitikang karapatan, kundi umaabot din sa pag-agaw sa mga karapatang pang-ekonomiya, panlipunan, at pangkultura. Ang lumalalang kalagayang dinaranas ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, katutubo, kababaihan, kabataan, at iba pang inaaping sektor ay nangangailangan ng tuloy-tuloy na kolektibong pagkilos at pakikiisa.

Isa sa mahahalagang tagumpay ng asembliya ang pagpapakilala sa bagong hanay ng mga convenor, sa pangunguna ng dating Lead Convenor at Spokesperson na si Rev. Sam Divino. Kumakatawan ang mga bagong convenor sa malawak na hanay ng lipunan mula sa simbahan, edukasyon, magsasaka, mangingisda, at kabataan, na sumasalamin sa paninindigan ng network para sa inklusibo, batayang-masa, at sektoral na pamumuno sa pagsusulong ng pakikibaka ng mamamayan para sa karapatang-tao.

Kasabay ng asembliya, nagtayo ng photo exhibit sa benyu na nagpakita ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa Bicol.

AB: Ikalawang pangkalahatang asembliya ng Defend Bicol, inilunsad