53 nasayang na mga araw ng pagtuturo, sintomas ng bulok na sistema ng edukasyon

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Itinuring ng mga guro at ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na “nasayang” ang 53 araw ng pagtuturo sa nagdaang taong pang-akademiko (S.Y. 2023-2024). Anila, sintomas ito ng malubhang krisis sa edukasyon. Ito ang kanilang pahayag matapos ilathala ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na nasayang ang 53 araw sa pagtuturo o interaksyon sa pagitan ng mga guro at estudyante dahil sa mga gawaing administratibo at suspensyon ng mga klase.

“[Ang nasayang na mga araw] ay naglalarawan sa tunay na araw-araw na mga hamon na dinaranas ng mga guro at estudyante dahil sa maling mga patakaran at kawalan ng sapat na pondo mula sa gubyerno,” pahayag ng ACT. Karugtong ito sa napakarami pang ibang mga problema sa pampublikong sistema ng edukasyon, anito.

Sa 53 na ito, 32 araw ay nawala dahil sa suspensyon ng klase bunga ng napakainit na panahon at iba pang mga kalamidad. Sa mga araw na ito, itinutulak ang mga estudyante at guro na pumaloob sa hindi epektibong modular at online na pagkatuto.

Dahil dito, muling pinuna ng mga guro ang kainutilan ng gubyerno sa pagpapatupad ng patakarang nagpupumilit na isagawa ang mga klase sa pinakamaiinit na mga buwan sa bansa.

“Higit lalo, inilalantad nito ang kaawa-awang estado ng ating mga pampublikong eskwelahan—punung-punong mga klasrum na walang sapat na bentilasyon. Usapin ito ng bilang ng estudyante sa klase at mga pasildiad na mabisang matutugunan ng mapangahas na mga hakbang na magtayo ng mas maraming mga klasrum, magdagdag ng mga guro at paunlarin ang antas ng mga imprastruktura,” pagdidiin ng ACT.

Binatikos rin nila ang patung-patong at napakaraming gawaing administratibo na ipinababalikat sa mga guro na rason ng pagkabawas ng araw ng pagkatuto. Ipinakikita umano nito ang labis na pagsasamantala sa mga gurong napakababa ng tinatanggap na sweldo. “Inilalantad nito kung paanong sa mahabang panahon ay pinabayaan ang ating sistema sa pampublikong edukasyon,” anang grupo.

Ayon sa pag-aaral ng PIDS, ang 53 araw ay halos katumbas na ng tatlong buwan ng pagtuturo. Anila, nakababahala ang datos na ito dahil halos 30% ito ng kinakailangang araw ng pagtuturo (180 araw) na ipinatutupad ng Department of Education kada taong pang-akademiko.

Dagdag pa nila, walang kwenta ang pagtatangkang ipagsiksikan ang kurikulum sa loob ng isang taong akademiko kung walang oportunidad o aktwal na araw para maturuan ng mga guro ang mga estudyante. Napakalimitado umano ng panahon para unawain ang mga paksa sa eskwelahan.

Ayon sa ACT, dahil ganito ang katangian ng mga problemang kinahaharap ng sistema ng edukasyon sa bansa, hindi sasapat na piling mga problema lamang ang tugunan, sa halip dapat magpatupad ng komprehensibong mga reporma.

“Kung dati pang nagpatupad ng mapagpasyang mga solusyon na ito…siguro ay inaani na natin ngayon ang mga benepisyo nito. Kailangan nating magsimula ngayon na,” pagdidiin ng ACT.

Tumayong kalihim ng DepEd si Vice President Sara Duterte sa mga panahong isinagawa ang pag-aaral. Bumaba siya sa pwesto bilang kahilim ng kagawaran noong Hunyo 19 na lubos na ikinalugod ng mga guro dahil sa kainutilan niya at kawalang aksyon sa malawakang krisis sa edukasyon sa bansa.

AB: 53 nasayang na mga araw ng pagtuturo, sintomas ng bulok na sistema ng edukasyon