Iilang bagong klasrum ng DepEd, kinastigo ng mga guro

,

Kinastigo ng mga guro at ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang Department of Education (DepEd) sa pagmamalaki nito sa karampot na 2,201 klasrum na naitayo ng kagawaran noong 2023. Malayong-malayo ito sa 165,000 kulang na klasrum sa buong bansa.

“Ang DepEd mismo ang nagtarget na 5,000-6,000 ang mga silid-aralan na maipapagawa noong 2023…ni wala sa kalahati ng sarili nilang target tapos may gana pang ipagmalaki na magandang accomplishment daw ito,” batikos ni Rep. Castro.

Lubhang kabaligtaran umano ang kupad sa paggawa ng mga klasrum sa bilis ni Sara Duterte, kalihim ng DepEd, na gastusin ang ₱125 milyon na iligal na confidential funds sa loob lamang ng 11 araw noong 2022. Ayon pa kay Rep. Castro, ipinamalas nito ang kawalang sinseridad ni Marcos at Duterte na pababain ang kakulangan ng mga klasrum.

“(A)ng malaking usapin ng krisis sa mga klasrum ay nangangailangan ng mas ambisyoso at pangmatagalang plano,” pahayag ni Rep. Castro. Sa pamamagitan lamang umano ng pagtatayo ng 50,000 mga klasrum kada taon mapauunlad ang kundisyon sa pagkatuto, at mababawasan ang mayor na mga balakid sa pagbawi sa edukasyon.

Binatikos din ng kinatawan ang walang batayang pahayag ng DepEd na imposible ang pagtatayo ng 50,000 mga klasrum kada taon dahil nakapagtayo ang ahensya ng 100,936 na klasrum sa loob ng tatlong taon noong 2014-2016.

AB: Iilang bagong klasrum ng DepEd, kinastigo ng mga guro